ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Postscript ni Jessica Soho: Kabuktutan


Anong klaseng magulang ang makagagawang ibugaw ang anak para gumawa ng kalaswaan sa internet na puwede nilang pagkakitaan? At anong klaseng nilalang ang nakakahanap ng ligaya sa mga batang pinaghuhubad at binabastos sa internet?
 
Mahirap paniwalaan pero totoo. At ayon sa report, talamak ito sa Pilipinas. Katunayan, isa na tayong tinatawag na cybersex hotspot sa mundo dahil sa tila lumalawak daw na operasyon ng mga international pedophile ring dito.
 
At ang malungkot at masakit nito, sangkot o promotor maging ang mga magulang ng mga batang biktima. Nakakahiya pero ang ibig sabihin lang po nito, ganito na katindi ang kahirapan sa ating bayan.
 
Kapit sa patalim ang mga magulang at mga batang nakagagawa nito. Sa isang banda, maituturing din itong masamang epekto ng bagong teknolohiya pero hindi natin ito puwedeng tanggapin na lang na dala ng internet o ng kahirapan.
 
Bukod sa kahihiyan natin, hindi ito dapat nangyayari sa alinmang lipunan. Ito ay isang perversion o kabuktutan na hindi dapat magpatuloy.



Ang “Postscript” ay binabasa ng anchor na si Jessica Soho sa dulo ng mga “SONA” newscast sa GMA News TV.  — GMA News