ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Postscript ni Jessica Soho: Cinderella


Sa fairy tale na Cinderella, naiwan ng bidang dalaga ang kanyang de-takong na sapatos. At natagpuan naman ito ng kanyang Prince Charming.

Sa Quezon City, imbes na magsukat ng sapatos sa paa ng mga prinsesa, ang 50 kalalakihan ang mismong nagsuot ng high heels at naglakad gamit ang sapatos na pinang-aaraw-araw ng maraming babae ngayon. At sabi nila, mahirap daw pala.

May kasabihan na walang nagagawa ang lalaki na hindi kaya ng babae ngayon. Eh, ano naman kaya ang nagagawa ng babae na hindi kaya ng lalaki? Napapasabak na ang mga machong tatay sa mga tradisyunal na gawain ni Mommy para sa tahanan at pamilya. Marami pa ngang mga propesyon, naunahan na ng mga babae ang lalaki sa mga pinakamatataas na posisyon. Ang dating si Maria Clara, matatawag na bang malaya?

Bagama't marami nang tagumpay ang mga babae sa paglipas ng panahon, nakalulungkot isipin na marami pa rin silang ipinaglalaban para matigil na ang pagmamaltrato, pang-aabuso, at pagyurak sa kanilang mga karapatan.

Maliit na hakbang ang ginawa ng mga kalalakihan, bagamat naka-high heels sila, pero magandang pagpapamalas ito ng suporta. Sana balang araw, mauwi din ang krusada para kay Eba sa isang tunay na happily ever after.




Ang “Postscript” ay binabasa ng anchor na si Jessica Soho sa dulo ng mga “SONA” newscast sa GMA News TV.  — GMA News