ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PostScript ni Jessica Soho: Kagandahang-loob


Nang humagupit ang Super Typhoon Yolanda noong Nobyembre, naging mahalaga ang agarang pagpapaabot ng tulong sa mga sinalanta. Walang makain. Walang masilungan. Bawat segundong nasasayang noon, buhay ang nakataya. At bumuhos nga ang bilyon-bilyong pisong donasyon mula sa iba't ibang dako ng mundo.
 
Pero ayon sa ulat ng Commission on Audit sa pagtatapos ng taong 2013, halos walong daang milyong pisong donasyon, natengga lang sa bangko. Kahong-kahong relief packs, nabulok. Marami daw ang nasayang dahil nagkulang sa koordinasyon ang mga ahensiya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan. Hindi agad naipaabot ang mga ito kung kailan pinakakailangan.
 
Ayon naman sa DSWD, nagamit naman na ang karamihan sa mga donasyon. Mahirap lang daw talaga ang mga kondisyon para sa relief operations matapos ang Yolanda. Pero marapat sanang maging bukas ang mga ahensiya ng gobyerno sa puna ng COA na dapat pag-aralan ang kabuuang sistema sa pagresponde sa kalamidad.

Sa dami ng trahedyang inaabot ng ating bansa, dapat eksperto nang maituturing ang Pilipinas. Kasama po rito ang pagsusukli sa kagandahang loob ng mga nagmalasakit — ang maayos na paggamit sa lahat ng donasyon.

Ang “PostScript” ay binabasa ng anchor na si Jessica Soho sa dulo ng mga “SONA” newscast sa GMA News TV.