ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Nang i-firing squad sa Pilipinas ang isang dayuhang drug dealer


Mayroong mga nagsasabi na kung kayang bitayin ng mga dayuhan ang ating mga kababayan na katulad ni Mary Jane Veloso na hindi naman malalaking mga drug dealers, dapat ay kaya rin nating parusahan ang mga malalaking dayuhang mga kriminal na nagdadala ng salot na droga dito sa ating bansa.
 
Nangyari na iyan noon.  Marami sa mga buhay na noon ang nakakaalala sa pagbaril - at ipakita nang live sa telebisyon - ang Tsinong drug dealer na si Lim Seng.

Screengrab from Batas Militar.

Bago pa man ang Batas Militar, malaking problema na ang illegal drug couriers sa Pilipinas patungo sa iba pang bansa sa daigdig. 

Isa raw sa mga pinaka-aktibo sa negosyong ito ay Lim Seng, na may-ari ng mga negosyong restaurant.
 
Noong maagang dekada 1970s siya ay nakapagpuslit daw ng kalahating toneladang heroin sa Estados Unidos.  Nagkaroon din daw siyang sariling pabrika ng heroin na gumagawa noon ng 100 kilo nito kada buwan.
 
Ayon sa peryodistang si Sterling Segrave, pinrotektahan si Lim Seng ng ilang opisyal ng pamahalaan at ng pulisya.  Ngunit tila natunugan ng narcotics officials ng Estados Unidos ang kanyang mga aktibidad.
 
Noong September 28, 1972, isang linggo matapos ipataw ang Martial Law sa Pilipinas, iniutos ni Pangulong Ferdinand E. Marcos sa Constabulary Anti-Narcotics Unit (CANU) ang paglusob sa dalawang laboratoryo ni Lim Seng at nakasamsam ng 50 kilo ng heroin. 

Nagtangka raw si Lim Seng na suhulan ang mga humuhuli sa kanya ng $150,000 ngunit siya ay dinala sa korte at agad na umamin sa pagkakasala at hinatulan ng habambuhay na pagkakabilanggo.
 
Sa kabila nito, nag-alala ang CANU na baka makatakas si Lim Seng.  Kaya naman, lumabas ang Pangulong Marcos sa telebisyon at ipinahayag na siya ay kalaban ng pagpupuslit ng droga.  Iniutos niya ang kagyat na pagbitay sa akusado.
 
Noong January 15, 1973, itinakda ang pagpapatupad ng hatol ng pangulo.

Screengrab from Batas Militar.

Hanggang sa huli, habang dinadala si Lim Seng sa kanyang kamatayan sinasabing siya ay tiwala na moro-moro lamang ang lahat ng ito.

"In high spirits” pa siya, hanggang ilagay na ang piring sa kanyang mga mata.
 
Sa harap ng madlang manonood ng telebisyon, binaril ng firing squad si Lim Seng bilang babala sa mga nagnanais na sumuway sa Batas Militar. 
 
Ayon kay Gng. Imelda Marcos, “There was no Filipino who was executed, even if he was convicted with murder or rape or convicted with a death sence, walang Pilipino.  That’s what Martial Law can be proud about.  It was a compassionate society, it was a benevolent leadership.” 

Ang pagbaril sa Tsinong si Lim Seng ang tanging opisyal na pagbitay na nangyari sa panahon ng Batas Militar.  Hindi na ito nasundan.
 
Ayon sa ilan, marami naman ang nasampolan ng rehimeng militar, hindi dahil sa mga kahindik-hindik na krimen na kanilang ginawa kundi dahil sa mga paniniwala at politika na kanilang tinanganan.  Pero ibang usapan na iyan.
 
Sumasang-ayon ako sa parusang kamatayan kung ang sistemang legal sa Pilipinas ay halos perpekto.  Ngunit sa katotohanan ng Pilipinas para sa akin, kung mga mahihirap lamang ang mabibitay ay huwag na lamang. 

Screengrab from Batas Militar.

Ayon nga sa kasabihan, “Mabuti pang magpalaya ka ng maraming maysala kaysa kumitil ka ng buhay ng isang inosente.”
 
Malaking kabalintunaan na sa tuwing may mabibitay tayong kababayan sa ibang bansa ay todo ang pakiusap natin bilang isang bayan na mailigtas sila, gayong marami sa atin ang nais na ipatupad ang parusang ito sa kanilang sariling bansa.
 
Maging ang United Nations ay hindi na sumasang-ayon sa parusang kamatayan.  Hindi parusang kamatayan ang sagot sa lumalalang krimen sa bansa.  Ang tunay na nakapipigil sa krimen ay ang kaalamang hindi ka makalulusot sa batas at siguradong pagbabayaran mo ang iyong mga ginawang masama.

 

Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila.  Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado.  Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time:  Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.