ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
FIRST PERSON: Nakaligtas ako mula sa Ozone
By SHERILYN BRUAN
Ang mga marka sa aking braso ang palaging paalala ng nangyari sa akin halos dalawang dekada na ang nakalilipas.
Pero bukod sa mga ito, at hindi nakikita, ay ang ilang taon na takot at trauma na taglay ko dulot ng nangyari sa akin.
Pero bukod sa mga ito, at hindi nakikita, ay ang ilang taon na takot at trauma na taglay ko dulot ng nangyari sa akin.
Lunes, March 18, 1996 noong magkayayaan kami para sa isang gimmick sa Quezon City. Kasama ang dalawang pinsan at dalawa pang kaibigan, nagpunta kami sa Ozone Disco sa Timog Avenue.
Ang hindi namin alam noong mga panahong iyon, may promo ang Ozone para sa graduating students. Dahil dito, dinagsa ng maraming tao ang lugar.
Maagang dumating ang grupo namin kaya nakakuha pa kami ng maayos na upuan malapit sa bar, na medyo malapit sa pinto.
Mabilis dumami ang tao nang gabing iyon. Ang dance floor sa harapan namin, punung- puno at siksik na siksik ng mga taong nagsasayaw. Maingay, at dahil dito, nagsisigawan ang mga tao para magkarinigan. Lalong umiingay habang nadadagdagan ng tao.
Maya-maya lang, napuna namin ng mga kasama ko na may mabilis na gumagapang na apoy sa kisame ng dance floor. Noong una ay kalmado lang kami.
Naisip lang namin na tila hindi na ito normal nang may mga tao na kaming nakikitang nagtatakbuhan. Nakitakbo na kami sa mga tao palabas.
Pero hindi naging madali ang aming paglabas. Pagbukas ng pinto mula sa dance floor, may mahabang hallway na dadaanan bago tuluyang makalabas, at may ikalawang pinto na dapat pang malampasan.
Sa hallway na ito kami natagalan na makipagsiksikan sa mga taong tulad namin ay gustong makalabas agad.
Siksikan, balyahan. Puno ang hallway ng mga taong gustong lumabas. Nang nasa gitna na kami ng hallway, nabuksan na ang pangalawang pinto.
Alam naming nabuksan na ang pinto dahil naramdaman namin na para kaming inilipad ng malakas at mainit na hangin papasok at palabas ng hallway. Ito ay backdraft ng apoy at hangin na nagsalubong. Sa lakas ng impact, bumagsak ang mga tao sa hallway.
Naramdaman ko ang init sa likod ko pagkabagsak ko. Narinig ko ang sigawan ng mga tao, pero wala akong nakikita dahil madilim.
Ang naisip ko noong mga panahong iyon, katapusan ko na. Pinilit ko na lang gumapang sa dagat ng mga taong nakabagsak para makalabas. Bahala na. Hanggang sa naramdaman ko na nakarating na ako sa labas.
Paglabas ko sa pinto, tumawid ako sa kabilang kalsada para lumayo sa lugar. Doon ko napansin na ang blouse na suot ko ay natunaw na, tila naka-bra na lang ako. May mga taong nakikiusyoso sa labas at sinabi nila sa akin, “Miss, magpadala ka na sa ospital.”
Hinanap ko ang mga kasama ko, isa-isa kaming nakalabas. Nagkita na lang kami sa paradahan ng sasakyan ng aming kaibigan. Mabuti na lang at ang isang kasama namin ay lumabas noong mga panahong iyon para bumili ng sigarilyo, kaya walang nangyari sa kaniya. Siya ang nagmaneho para itakbo kami sa ospital.
Pagdating namin sa emergency room, doon ko lang naramdaman ang hapdi ng mga braso at likod ko na natamaan ang init. Tatlumpung porsiyento pala ng katawan ko ang nasunog. Sunog ang mga braso ko at kamay, likod, at may paso ako sa mukha at paa.
Kinailangan akong obserbahan ng ilang araw dahil delikado raw ang lagay ko at madali akong kapitan ng impeksyon.
Hindi kaya ng anesthesia ang kirot na dulot ng mga paso ko. Naalala kong nanginginig ako at tila lumobo sa pagkamaga ang mga kamay ko. Humigit-kumulang dalawang linggo rin akong nasa ospital.
Nalaman ko na lang na marami ang hindi nakaligtas sa apoy makalipas ang ilang araw.
Sa pagkakatanda ko, walang fire exit ang Ozone Disco. Ang pasukan lang ang siyang labasan din.
Ito ang nagpahirap sa mga tao na makalabas agad dahil kulob ang lugar.
Ito ang nagpahirap sa mga tao na makalabas agad dahil kulob ang lugar.
Disi-otso anyos ako noong nangyari iyon. Nagalit ako, nagtanong kung bakit sa akin nangyari iyon. Natakot ako, ayaw ko nang lumabas, ayaw kong pumasok sa mga kulob na lugar, ayaw ko ng maraming tao dahil takot ako kapag nagkagulo.
Itinago ko sa long sleeves ang braso ko dahil ayaw kong parati akong tinatanong at parati akong nagpapaliwanag kung ano ang nangyari sa akin.
Matagal akong binalot ng long sleeves at ng pangamba.
Ang ozone ay hindi isang bangungot na pagkagising mo ay magaling ka na at makakalimutan mo na agad lahat ng nangyari. Matagal at mahirap na proseso ang pagpapagaling mula rito.
Pero ngayon, ipinagmamalaki ko na nalampasan ko na ang mga pinagdaanan ko. Nagpapasalamat ako at masuwerte akong nakaligtas sa malagim na sunog.
Ang mga marka sa kamay ko ay paalala ng mga aral na itinuro sa akin ng nangyari sa akin. At gaya ng mga leksion ng buhay, hindi ko na ito ito itinatago. Tanggap ko nang bahagi ito ng aking kasaysayan bilang ako.
Si Sherilyn Bruan ang program manager ng Investigative Documentaries at IJuander ng GMA News TV. Siya rin ang nagkonsepto at nagtaguyod ng produksyon ng seryeng Sa Puso ni Dok.
Tags: ozonedisco
More Videos
Most Popular