ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
KASAYSAYAN: Ang orihinal na araw ng ating bandila ay may mukha
By MICHAEL CHARLESTON XIAO CHUA
Mula ngayong Mayo 28 hanggang Hunyo 12 ay National Flag Day. Batay sa Executive Order 179 ni Pangulong Ramos, ang lahat ng Pilipino ay hinihikayat na magladlad ng bandila sa lahat ng pampublikong lugar sa loob ng panahong ito.
Ang araw ng Mayo 28 ay simula ng National Flag Day at inaanyayahan ang lahat na isabit ang bandilang Pilipino mula sa araw na ito hanggang sa anibersaryo ng proklamasyon ng Kasarinlan o Independensya, June 12.
Akala ng marami, noong June 12, 1898 sa gitnang bintana ng mansyong Aguinaldo unang iwinagayway ang bandila. Akala rin ng marami, noong May 28, 1898 sa Labanan sa Alapan unang itinaas ang bandilang Pilipino.
Akala ng marami, noong June 12, 1898 sa gitnang bintana ng mansyong Aguinaldo unang iwinagayway ang bandila. Akala rin ng marami, noong May 28, 1898 sa Labanan sa Alapan unang itinaas ang bandilang Pilipino.
Ang ginugunita ng May 28 bilang National Flag Day ay ito: Sa pagbabalik ni Heneral Emilio Aguinaldo mula sa Hongkong, nagwagi siya sa Labanan sa Alapan sa Imus, Cavite. Bilang pagdiriwang sa tagumpay na ito, iwinagayway sa unang pagkakataon sa Teatro Caviteño sa Kawit ang bandila o watawat ng Pilipinas na may tatlong kulay, tatlong bituin at araw.
Maraming paglilinaw ang kailangang gawin ukol sa kasaysayan ng bandila na maaaring alam na ng mga iskolar ngunit kinakailangan pang ipabatid sa publiko.
Si Emilio Aguinaldo ang ama ng pambansang bandila
Ang gumawa ng disenyo ng bandila ay ang Junta Patriotica sa Hongkong. Malaki ang impluwensya ni Heneral Aguinaldo sa disenyo kaya maituturing siyang Ama ng ating Pambansang Bandila. Ito ang isa sa pangunahing pamana niya sa bansa kasama na ang himig ng ating Pambansang Awit na siya rin ang nagpagawa.
May isang bata na kasama sa pagtahi ng ating bandila
Lagi lamang nababanggit na nanguna sa pagtahi ng ating watawat ay si Marcela Mariño Agoncillo, kabiyak ng Unang Pilipinong Diplomat na si Felipe Agoncillo. Katulong niya rin dito ang pamangkin ni Rizal at asawa ng isang Katipon na si Delfina Herbosa de Natividad. Kasama rin nila sa pagtahi ang limang-taong gulang lamang na anak ni Marcela na si Lorenza. Isang patunay na mayroon ding papel ang mga bata sa ating himagsikan at kasaysayan. Ginawa nila ang bandila sa 535 Morrison Hill Road, Happy Valley, Hongkong.
Ang orihinal na araw ng ating bandila ay may mukha
Akala ng marami, parehong-pareho ang unang bandila sa bandilang Pilipino sa kasalukuyan. Sa pag-agos ng kasaysayan marami nang pagbabago sa disenyo at uri ng kulay na nangyari sa ating bandila bagama’t nanatili ang batayang kulay na pula, puti at bughaw at triangulo na may tatlong bituin at isang araw. Isang kaibahan ay ang unang bandila ay may disenyong mukha sa araw nito. Ayon sa ilan, kahalintulad ito ng Sol del Mayo ng mga bansa sa Amerika Latin subalit ayon sa historyador at etnograpo na si Dr. Zeus Salazar, kung may kaalaman ang isang tao sa sinaunang kultura, pagpapatuloy ito ng kamalayan sa disenyong ito ng araw bilang simbolo ng Bathalang Araw sa sinaunang pananampalataya. Makikita rin ito sa disenyo ng ating mga anting-anting.
Ngunit ano ba ang kahulugan ng araw sa ating mga bandila? Ayon sa mismong dokumento ng Acta de la Proclamacion na isinulat ni Ambrosio Rianzares Bautista na binasa noong June 12, 1898, “Ang araw ay siyang nagbabadha ng malalaking hakbang na ginagawa ng mga anak ng bayang ito sa landas ng pag-unlad at kabihasnan.”
Tila sumasang-ayon naman sa pakahulugan na ito ang bayaning si Mariano Ponce nang ilarawan niya ang bandila sa isang sulat sa isang kaibigang Hapones. Ayon sa kanya, “The sun represents the progress, and sometimes means that the Philippine nation belongs to the Oriental family, like Japan, Korea, etc., who bear also the sun in their flags.”
Walong sinag: kasama ang Tarlac, hindi and Bataan
Ayon sa Acta, “Ang walong sinag [ng araw] ay kasingkahulugan ng walong lalawigan na nagpasimuno karaka sa pakikidigma; Maynila, Cavite, Bulakan, Pampanga, Nueva Ecija, Bataan, Laguna at Batangas.”
Samakatuwid, ang walong sinag ay sumasagisag sa walong lalawigang unang napasailalim ng Batas Militar noong August 30, 1896. Ipinapalagay na ang mga lalawigan na ito ang unang lumaban noong panahon ng Himagsikan.
Kailangan lamang na ituwid ang pagkakamali ng dokumento ng Acta sapagkat hindi Bataan kundi Tarlac ang kabilang sa walong lalawigan. Ayon sa historyador na si Lino Dizon, maaaring sinadya ito dahil si Heneral Francisco Makabulos y Soliman ng Tarlac ay hindi sumama sa pagsuko ni Aguinaldo sa Biak-na-Bato at patuloy na lumaban sa mga Espanyol. Isang pagkakamali na itinuwid naman ni Aguinaldo sa mga pangalan ng lalawigan sa disenyong araw sa kanyang kisame.
Tatlong bituin: "Luzon, Visayas, at Panay" hindi "Luzon, Visayas at Mindanao?"
Sa isang artikulo, pinapansin ng historyador na si Ambeth Ocampo na sa mismong dokumento ng Acta de la Proclamacion na isinulat ni Ambrosio Rianzares Bautista na binasa noong June 12, 1898, “…ang tatlong bituin ay nagpapakilala sa tatlong malalaking pulo ng ating bansa, Luson, Mindanaw at Panay na siyang unang kinaganapan ng pagbabangon ng ating bayan.”
Ibig sabihin, ang isang bituwin ay hindi para sa Visayas kundi para sa Panay. Nagiging aktibo na kasi ang Panay sa Himagsikan sa mga panahong ito. Si Candido Iban ng Capiz ang bumili ng printing press ng Katipunan at kasama si Francisco del Castillo ang namuno ng himagsikan sa Aklan. Sa mga panahong 1898, ang pinuno ng himagsikan sa Iloilo ay si Heneral Martin Teofilo Delgado na sa kalaunan ay kikilalanin ang Republika ni Aguinaldo at itataas sa Visayas sa unang pagkakataon ang bandila ng Pilipinas. Kaya marahil Panay at hindi Visayas ang unang pakahulugan nito. Ito rin ang dahilan kung bakit ang susunod na Araw ng Kasarinlan sa darating na June 12, 2015 ay ipagdiriwang ng Pangulong Noynoy Aquino sa Santa Barbara, Ilolilo at sa Lungsod ng Iloilo mismo.
Ngunit titindig din sa Espanya ang ibang mga lalawigan sa Visayas kaya naman, sa sulat ni Mariano Ponce sa kaibigang Hapones, tila nag-iba na ang ihip ng hangin, “Three stars are the three great groups of islands composing the Archipelago, the Luzon group, the Bisayas group, and the Mindanao group.”
Kulay ng bandila, batay sa kulay ng bandila ng Amerika?
Iba-iba ang mababasa sa mga teksbuk sa kahulugan ng mga kulay at “nahehelu” at “naleletu” ang mga estudyante. Sabi ng iba ang pula ay nangangahulugang katapangan, ang puti ay nangangahulugang kapayapaan, pero ang bughaw rin daw ay nangangahulugang kapayapaan. Ano ba talaga koya?
Ayon sa Acta, “Ang [tatsulok] na puti ay katulad ng sagisag na ginamit ng Katipunan. …Ang mga kulay ng bughaw, pula at puti ay nagpapagunita sa mga kulay ng watawat ng Norte Amerika, bilang pagkilala natin ng malaking utang na loob sa ipinamalas niyang pagkupkop na walang pag-iimbot sa atin sa simula at hanggang ngayon.”
Makikita rito na ang mga kulay ng bandila ay ginagaya natin sa bandila ng Estados Unidos ng Amerika. Sa kulay ng ating bandila at sa teksto ng ating pagpapahayag ng kasarinlan, mukhang ipinaubaya na tayo ng ating founding fathers sa pangangalaga ng Amerika, 117 years ago. Alam mo na.
Subalit, ayon naman kay Mariano Ponce sa nasabi ring sulat, “The blue, color of the sky, means our hope in a future prosperity, through progress; the red means blood with which we bought our independence; the white represents peace which we wish for ours and foreign countries.”
Ang tatsulok ay kumakatawan sa Katipunan
Tulad ng nabanggit sa Acta, ang tatsulok ay simbolo ng Katipunan. Kumakatawan sa unang paraan ng pagkuha ng samahang mapanghimagsik ng mga kasapi. May nagsasabing tumutukoy ito sa tatlong ideyal ng Himagsikang Pranses—Fraternidad, Igualidad et Libertad. Ngunit ayon sa heraldry historian na si Ian Alfonso, maaaring tumutukoy rin ito sa tatlong paring martir na sina Gomez, Burgos at Zamora. Ayon sa mga dokumentong Katipunan na nasamsam ng mga guardia civil na nasa Archivo General Militar de Madrid, ang tatlong pari ay ipinaghihiganti nila sa kanilang paghihimagsik. Sinasabing impluwensyang masoniko rin ang tatsulok sa Katipunan ngunit sinasabi rin ni Dr. Zeus Salazar na maaaring pagpapatuloy ito ng kamalayang bayan dahil ang tatsulok at simbolo ng banal na Bundok Boord ng sinaunang paniniwala, ang bundok ng Panginoon. Kung titingnan ang tatsulok na may araw at tatlong bituin sa watawat, ito rin ang hitsura nang anting-anting na may mata na pangkaraniwan isinusuot noon ng mga mapanghimagsik.
Aling blue ba ang tama?
Nagkaroon ng debate sa mga historyador, ano nga ba ang tunay na shade ng kulay bughaw sa ating unang watawat? Sky blue? Navy blue?
Dumami kasi ang disenyo ng bandila kaya ipinatupad ni Pangulong Manuel Luis Quezon ang istandardisayon ng sukat, kulay at disenyo ng pambansang watawat sa pamamagitan ng E.O. 23 noong March 25, 1936.
Tinanggal ang mukha sa araw na dating nakalagay sa unang bandila ni Heneral Emilio Aguinaldo at itinakda na navy blue ang kulay ng asul nito.
Ngunit ayon sa ilang historyador tulad nina Teodoro Agoncillo at Luis Camara Dery, azul celeste, light o sky blue ang bandila. Kung babalikan ang sulat ni Ponce, “The blue, color of the sky.” E di sky blue. Kaya naman, naglabas ang Pangulong Ferdinand E. Marcos ng E.O. 1010 noong February 25, 1985 na nagpapalit ng kulay bughaw patungong sky blue. Namatay ang isyu at eksaktong matapos ang isang taon sa pagkapirma ng utos, napatalsik si Marcos ng EDSA.
Ayon naman sa ibang historyador, azul marino, dark o navy blue ang bughaw dahil ito ang kulay ng bandila ng Estados Unidos na pinagbatayan ng mga kulay ng pambansang watawat ayon sa orihinal na dokumento ng pagsasarili, ang Acta.
Tila nag-iba rin ang testimonya ni Ponce dahil sa isang sulat niya kay Ferdinand Blumentritt, gumawa siya ng drowing ng ating watawat at dito makikita na azul oscuro ang bughaw na nasa kalagitnaan ng light blue at navy blue.
Sabihin na lamang natin, nagkaroon ng maraming bersyon ng asul ang watawat dahil nang inutos ni Pangulong Heneral Emilio Aguinaldo na ipakopya ito, kung ano lamang ang mga telang makuha, iyon ang itinatahi. Tulad ng sinabi ni Dr. Dery, “Rebolusyon, magulo ang panahon.”
Ngunit noong 1998, tila tinapos na rin ang debate sa pagkapasa ng Flag and Heraldic Code of the Philippines, ang blue ay ginawa na lamang royal blue, yung katamtamang kulay lang ng bughaw.
Nasaan ang ating unang bandila?
Ayon mismo kay Aguinaldo, nawala ang orihinal na bandila habang umaatras sila pahilaga sa Tayug, Pangasinan noong 1899. Ngunit, ayon kay Emilio Aguinaldo Suntay, III, apo sa tuhod ng heneral, nasa kamay nila ito at makikita sa Emilio Aguinaldo Museum sa Lungsod ng Baguio.
Nakapaloob na sa isang net dahil naghihiwa-hiwalay na ang tela, ang disenyo ng mukha na may araw at iba pang palamuting laurel na nakapatong sa mga kulay bughaw at pula nito na may nakasulat na “Libertad Justicia y Ygualdad” sa isang mukha nito, at sa kabila naman ay “Fuerzas Expedicionarias del Norte de Luzon.”
Naniniwala dito ang sekretarya ni Heneral Aguinaldo na si Felisa Diokno, na 82 taong gulang na nang makapanayam noong 1998. Nasaksihan niya kung gaano kamahal ng heneral ang nasabing watawat na lagi niyang itinatanghal sa flagpole at inilalabas, lalo na nang iproklama ni Pang. Diosdado Macapagal ang June 12 bilang Araw ng Kasarinlan mula July 4 noong 1962.
Hindi naman kumbinsido si G. Ted Atienza ng National Historical Commission of the Philippines. Hindi maaaring ang unang watawat ay may palamuting laurel at ayon sa tumahi ng watawat na si Marcela, silk ang orihinal habang cotton naman ang watawat sa Baguio.
Nang suriin naman ni Dekana Lydia Arribas ng UP College of Home Economics ang bandila sa Baguio, kanyang naobserbahan na ang mga tuwid na hibla ng sinulid na lamang ang nalalabi at nawawala na ang pababa. Maaaring ang mga natunaw na sinulid ay gawa sa silk dahil mas matibay ang gawa sa cottom, kaya maaaring parehong tela ang ginamit. Ngunit pwede bang magkaiba ang klase ng sinulid sa iisang tela?
Ayon din kay Gng. Diokno, bagama’t nawala ni Hen. Aguinaldo ang unang bandila, ito ay ibinalik sa kanya at mula noon lalong naging mahigpit ang pagbabantay niya rito.
Kailangan lamang liwanagin na ayon sa apo sa tuhod ng heneral na si Angelo Aguinaldo, curator ng Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite, iba ang bandilang Suntay sa bandila ni Aguinaldo na ibinalik ng pamilyang Dubois mula sa Amerika na nasa pangangalaga ngayon ng Aguinaldo Shrine.
Sa isang panayam sa bunsong anak ni Gng. Agoncillo na si Marcela de Agoncillo, Jr. ang orihinal na bandila raw na tinahi ng kanyang ina ay ang bandilang nasa kamay ng anak ni Hen. Aguinaldo na si Gng. Cristina Aguinaldo Suntay.
At ang orihinal na tela ng bandilang ito ay navy blue ang bughaw.
Bagama’t mahirap pang masigurado kung ang bandilang Suntay nga ang pinakaunang watawat, walang tahasang binanggit si Pangulong Aguinaldo ukol dito. Pero ito ang siguradong-sigurado tayo: ang bandilang Suntay ay isang bandilang minahal at ipinagmalaki ng heneral.
At tulad ng sinabi sa akin ni G. Angelo Aguinaldo, lahat ng bandilang nagmula sa panahon ng himagsikan ay mahalaga sa ating kasaysayan. Ngayon, ang bandilang Suntay ay unti-unting nasisira. Tulad ng alinmang mahalagang dokumento sa ating kasaysayan, kailangang bigyan natin ito ng pagpapahalaga.
E ano ngayon?
Bakit ba mahalaga ang tila mababaw o trivial na usapin ng kulay at mga disenyo ng watawat at ang mga kahulugan nito? Sapagkat ang pambansang watawat ang sagisag ng lahat ng Pilipino sa buong Pilipinas, at sa buong mundo. Nararapat lamang na iisa ang disenyo nito. Para sa bawat umaga na ang mga bata, propesyunal at mamamayan ay nanunumpa ng katapatan at nagpupugay sa isang himig at isang bandila sa alinmang sulok ng bansa, sumusumpa tayo sa iisang Inang Bayan, na siyang nararapat lamang pagsilbihan ng ating buong isip, salita at gawa.
Pahabol: Tila ito lamang din pala ang tanging bandila sa mundo na baligtarin mo lang, iba na ang kahulugan, state of war na!
Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila. Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado. Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time: Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.
Tags: flagday
More Videos
Most Popular