ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

KOMENTARYO: Ang mga Tsinoy ay mga Pilipino


Bago ka magkomento sa Facebook o saan man, pakiusap: pakibasa po muna ang buong artikulo at huwag lamang ang pamagat.

Nitong nakaraang Mayo, isang Thai national sa Pilipinas ang nagsabing ang mga Pilipino ay “Pignoy,” “stupid creatures,” “low-class slum slaves,” at “useless race in this world.”  Nagalit ang mga netizens sa kanyang pananaw na racist at agaran siyang ibinalik ng ating pamahalaan sa bansang pinagmulan.

Sa isang panayam sa radyo aking ipinahayag na bagama’t hindi ako sumasang-ayon sa kanyang mga sinabi dahil ang mga Pilipino, makikita sa ating kasaysayan, ay matatapang at matatalino. Pero  nagbigay rin ako ng babala na “minsan” tayo rin ay racist. 

Sa dalawang paraan ito: Una, racist tayo maging sa ibang lahi halimbawa sa kung papaanong ang Indian ay itinutumbas natin sa “bumbay” at sa pautang na “5-6.”  Pangalawa, racist tayo maging sa ating sarili nang dahil sa kolonyal na edukasyon, ang tingin natin sa mga Kanluranin at mapuputi ay mas magaling kaysa sa atin.  Masyado tayong “hard” sa ating mga sarili.

Nang lumabas ang mga sinabi ko sa Facebook, bagama’t karamihan ay sumang-ayon sa akin, sabi pa hindi lang dapat “sometimes” kundi “always,” marami rin ang nagkomento na hindi dapat ako paniwalaan dahil ako ay isang “Intsik.”  

Sa matagal na panahon ko nang nagpapahayag ng kasaysayan, manaka-nakang ako ay kinukuwestiyon dahil sa aking dugong Tsino (na mula naman sa aking lolo sa tuhod na si Chan Bun Lin na nag-asawa ng isang Filipina). Ngunit dahil bahagya akong nakilala sa aking pagkukuwento ng kasaysayan, para sa maraming nakikinig sa akin ni hindi ito mahalaga.

Akala ko iyon na ang huli, hindi pa pala.

Umigting ang usapin ukol sa pagpapatayo ng mga instalasyon ng pamahalaan ng People’s Republic of China sa mga isla na nasa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Isang nirerespetong National Artist sa Panitikan ang nagsulat bago ang Araw ng Kasarinlan (June 12) na, “[M]any of our ethnic Chinese will side with China so I will not ask anymore on whose side they will be if that war breaks out.”  Ang katapatan daw ng mga may purong dugong Tsino sa Pilipinas, kapag nagkaroon ng digmaan ay sa bansang People’s Republic of China.

Matapos nito, nang isulat ko para sa kaarawan ni José Rizal (June 19) sa GMA News website ang natuklasan ng mga historyador na Pilipino na hindi siya ang sumulat ng “Sa Aking mga Kabata” noong walong taong gulang pa lamang siya, ni hindi man lamang binasa ang buong artikulo at daan-daan sa mga nagkomento ay nagsabi na hindi dapat ako paniwalaan dahil ako ay isang Tsino.

“Pati ba naman si Rizal aagawin ng China?”tanong ng isa.

Kamakailan, nang maging Summa Cum Laude si Tiffany Grace Uy at makakuha ng halos perpektong general weighted average nag 1.004 sa kanyang pag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas, imbes na itanghal at purihin tulad noong sinaunang panahon, napulaan pa siya dahil sa kanyang dugong Tsino.

Parang napatunayan lamang ang sinabi ko sa radio.

“Race” bilang konsepto

Ang “race,” o ang teknikal na salin nito sa Filipino na “lahi,” ay mga konseptong ating itinutumbas sa salitang “nasyunalidad.”  Kung tutuusin, hindi magkasingkahulugan ang mga konseptong ito.  Ang “race” ay maaaring sabihing pinagmulang etnisidad na nakikita raw sa kulay ng balat (brown race) o sa hitsura at tangkad. Ngayon ay may problema na sa konseptong ito sapagkat sa pagliit ng mundo, nagkakaroon na ng interracial na mga bata.  

Sa matagal na panahon rin kasi, ginamit ng mga kolonyalista ang konsepto ng “race” upang ibukod ang mga Kanluraning mga mamamayan o ang mga mapuputi bilang mga mas magagaling na tao habang ang mga mas maiitim ang kulay ay hindi raw mahusay. At dapat daw na sakupin ang mga madidilim ang kulay upang mabigyan ng kabihasnan.

Mukhang nakuha na ng marami sa atin ang ganitong kaisipan bagama’t ito ay itinutuwid na ng makabagong mga pag-aaral sa antropolohiya:  ang galing ng tao ay wala sa kulay ng balat.

Kahit sa Pilipinas, mahirap nang matukoy kung sino ang purong Pilipino. Tsino lang ang aking apelyido pero may halo na akong Espanyol, Ilokano, Kapampangan at Tagalog. 

Lolo ko sa tuhod ang purong Tsino, tulad din ni Rizal na lolo sa tuhod ang Tsinong negosyanteng si Domingo Lam-co.  Kung ito ang batayan, mas Pilipino pa ako kay Andres Bonifacio dahil mismong Lolo niya ay Espanyol.

Pero hindi nga ito dapat ang batayan ng pagka-Pilipino.  

Ang nasyunalidad naman ay ang kinaaaniban mong bansa sa iyong birth certificate o pasaporte.  Sinasabi lamang na ikaw ay mamamayan ng isang estadong nagsasarili.

Kailangang balikan ang nakaraan upang makita na bahagi ang mga Tsinoy ng Kasaysayan ng Kapilipinuhan.

Ang relasyong kapuluan at Tsino bago dumating ang kolonyalismo

Bago pa man dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas siglo-siglo na ang kasaysayan ng relasyon ng mga Tsino sa kapuluang Pilipinas dahil ang mga kaharian dito na malapit lahat sa mga ilog at dagat, ilan sa kanila ay naging bahagi ng “Southeast Asian Trade route” patungong Tsina, kabilang na ang Vigan, Lingayen, Maynila, Sugbu, Butuan, Sulu, at marami pang iba. Ang mga pinag-aagawan na mga karagatan ay pinagsaluhang daanan ng mga mangangalakal kapwa ng mula sa Tsina at mga kapuluang ito ng Pilipinas.

Sa katunayan, ang unang banggit sa kapuluang ito ng Pilipinas ay sa mga record na ginawa ng mga Tsino. Sa kasaysayan na pinamagatang “Description of Various Barbarians” na isinulat ni Chao Ju-kua noong 1225, binanggit na nakikipagkalakalan na sa mga Tsino noon pa man ang mga taga May-i, na pinaniniwalaan ng ilang historyador na ang isla ng Mindoro na tinatawag na Mait, o puwede ring ang mga kaharian ng Laguna de Bai.  

Gayundin, ang Sultan of Sulu na si Paduka Batara ay bumisita sa Emperador Yung Lo noong 1417.  Sa kaharian ng Maynila, marami na ring Tsino ang naninirahan noon.  

Mga Tsino at Tsinoy sa kuwento ng pakikibaka para sa kalayaan ng Pilipinas

Nang dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas, dahil marami sa mga Tsino ay negosyante, tinawag silang mga “Sangley” ng mga kolonisador, mula sa salitang “seng-li” o pangangalakal sa Hokkien.  

Gayundin, mula sa mga Pilipino, inagaw ng mga Espanyol sa pamamagitan ng Galleon Trade ang pakikipagkalakalan sa mga Tsino.  Noong 1582, ang mga Sangley ay inilagay sa labas ng Lungsod ng Maynila, ang Parian.  Doon kumukuha ng mga produkto ang mga Espanyol mula sa magiging Intramuros.  

Ang mga binyagan o Katolikong Tsino at mga mestizong Tsino ay tinayuan ng bagong pamayanan sa kabila ng Ilog Pasig, ang Binondo noong March 28, 1594. Sinasabing ito ang pinakaunang China Town sa mundo.  

Praning din ang mga Espanyol sa mga Tsino kaya naman, sa mga pamayanang ito nakatutok ang mga kanyon ng Intramuros. Ilang beses na nagkaroon ng rebelyong Sangley na sinagot naman ng mga Espanyol ng pangmamasaker sa mga Tsino.  

Noong 1603, 20,000 na inosenteng mga Tsino ang minasaker.  Sa kabila nito, marami sa mga Tsino ang sumama sa lipunang Pilipino at nagkaroon ng mga pamilyang Pilipino.  

Nag-ambag din sila sa pag-unlad ng paglilok at paglilimbag sa Pilipinas. Isang halimbawa ang pinaniniwalaang Tsinoy na si Tomas Pinpin na siya lang namang unang Pilipinong tagapaglimbag ng aklat sa Pilipinas. Ngunit mas kilala sa kanilang naging mga ambag sa pagnenegosyo sa bansa.  Nagmula rin sa kanila ang ilang mga banal tulad nina San Lorenzo Ruiz at Mother Ignacia del Espiritu Santo.  

Dahil sa pinagsaluhang pait sa ilalim ng Espanya, sa panahon ng Himagsikan, may mga purong Tsino sa hukbong rebolusyunaryo tulad ni Ignacio Pa-ua . Iyon nga lang, isa siya sa mga sumaksak kay Andres Bonifacio nang arestuhin siya noong Abril 1897. Gayunpaman, marami pang ibang may dugong Tsino na nag-ambag sa pagpapalaya ng bayan.

Sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, may ilang mga grupo ng gerilyang Tsino ang tumindig laban sa mga Hapones para sa bayang Pilipino.

Dahil sa pinagsaluhang kasaysayan ng dusa sa panahon ng kolonyalismo, nag-ambag ang mga Tsino at Tsinoy sa ating pakikibaka para sa kalayaan.  

Ang pagkamakabayan ay hindi nasusukat sa dugo

Kamakailan nitong July 3, 2015, ating ginunita ang ika-123 anibersaryo ng pagkakatatag ng La Liga Filipina ni Gat. Dr. José Rizal. Ayon kay Floro Quibuyen, sa kanyang aklat na A Nation Aborted, sa kabila ng katotohanang tatlong araw lamang nagtagal ang samahan dahil sa pagkakaaresto ni Rizal at pagkakatapon sa Dapitan, mahalaga ang La Liga Filipina sapagkat sa saligang batas nito, nakalagay ang hiraya o bisyon ni Rizal para sa ating bayan: Na nagkakaisa tayo, ginagawang edukado ang isa’t isa, nagtutulungan at gumagawa ng kabuhayan para sa isa’t isa.

Ayon din kay Quibuyen sa kanyang pananaliksik, ang konsepto ni Rizal ng pagkabansa ay may inspirasyon mula sa mga sinulat ng Alemang pilosopo na si Johann Gottfried von Herder. Naniniwala si von Herder na hindi sa dugo nasusukat ang pagiging bahagi ng isang bansa, kundi sa isang damdaming makabansa (national sentiment) na nararamdaman ng isang tao.

Ang nasyunalismong nakabatay sa kadalisayan ng dugo at lahi ay isang mapanganib na konsepto. Nagbunsod ito sa kamatayan ng anim na milyong mga Hudyo sa ilalim ng mga Nazis higit 70 taon pa lamang ang nakalilipas.

Noong panahon ding iyon, dahil sa digmaan ng Amerika sa Hapon, ang mga Amerikanong Hapones ay inaresto at inilagay sa mga kampo sa Estados Unidos. Ang pagkulong ng mga Amerikano sa sarili nilang mga kababayan dahil lamang sa dugo ay itinuturing ngayon na iang malaking inhustisya.

Ang adhikain ng ating mga bayani ay magkaisa ang magkakalahi’t magkakapatid na tumubo sa sangkapuluang ito.  Mawawalan ng saysay ang mga aral ng kasaysayan at ang sakripisyo ng mga nauna sa atin kung tayo mismo ang maglalaban-laban.

Tingnan ang kwento ni Jun Lozada, ang tinaguriang “Probinsyanong Intsik,” na nagsakripisyo upang ilantad ang katiwalaan sa pamahalaan. Ayon sa kanya, tagubilin daw sa kanya ng kanyang amang Tsino na tumanaw ng utang-na-loob sa Pilipinas, ang bayang kumupkop sa kanila at tinubuan ng kanyang mga anak.  Ayon kay Lozada sa kanyang emosyunal na pagpapahayag ng kanyang mga nalalaman ukol sa katiwalian:

“Ang dasal ko lang sana maintindihan n’yo iyong dusang dinananas ng pamilya ko ngayon. Ang dasal ko lang sana matutunan na natin after nito na ang salitang Pilpino ay hindi lang tumutkoy sa isang pamilya. Ang salitang Pilipino ay tumutukoy sa isang bansa, ang bansang Pilipino. And sometimes, it’s worth taking a risk for this country.”

At sa aking abang pananaw, karamihan ng mga Tsinoy at mga Tsino sa Pilipinas ay ganito rin ang pananaw at damdamin.

Sapagkat ang pagmamahal sa bayan, ang pagkamakabayan, ay hindi nasusukat sa iyong pinagmulang lahi o nasyunalidad. Sapagkat karamihan sa mga Pilipino na may dugong Tsino ay masasabi kong tumubo sa Pilipinas. Ang kultura ng marami sa amin ay kulturang Pilipino, ang wika namin ay mga wika sa Pilipinas, ang kabuhayan namin ay nasa Pilipinas. Wala kaming ibang bayan kundi ang Pilipinas. Kinikilala namin ang aming pamanang Tsino ngunit ang aming katapatan ay nasa bansang Pilipinas.

May mga ilang dugong Pilipino na nakaapak nga ang kanilang paa sa bansa, pero nasa ibang bansa na ang kanilang puso at kaisipan.

Pilipino tayo dahil pinipili nating maging Pilipino.


 
Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila.  Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado. Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time:  Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.