ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
ANIBERSARYO NG TAGUMPAY NOONG WW2
Sulat para kay Lolo at Lola Beterano
By XIAO CHUA
Inilalabas sa GMA News Online bilang pagdiriwang sa ika-70 taong anibersaryo ng tagumpay ng Pilipino noong Digmaan, September 2, 1945. Ang sulat na ito ay ginawang dokumentaryo ng Philippine Veterans Affairs Office at ng Philippine Historical Association at mapapanood ng lahat sa YouTube.
Mahal naming Lolo at Lola:
Kayo raw ang aming hero!
Pero sa aming henerasyon, ang hero na alam namin ay si Hercules, malakas na Diyos ng mitolohiyang Griyego, o si Rizal na super galing, o si Superman, Batman o Spiderman na may angking lakas. Ang hirap palang maging hero. Kailangan sikat, naaalala.


Kayo po, di naming madalas maalala, pahalagahan. Marami sa amin hindi alam ang nagawa niyo.
Pero kailangan naming matutunan na ang bayani pala, bago dumating ang mga conquistador, ay ang mandirigma, ang ordinaryong timawa, ang hangaway, ang mangangayaw, ang bagani—kasama sa bayan at nagsisilbi sa bayan nang walang hinihinging kapalit. Walang pakialam kung sisikat, basta’t ipinaglalaban ang mga bagay na pinakamahalaga sa Pinoy—buhay, ginhawa at dangal.
Mas ok pala ang konseptong Pinoy. Sapagkat tulad ko ngayon, noong tumawag si Inang Bayan sa inyo noong 1941, kayo noon ay isang anak, isang ama, isang ina, isang estudyante, isang manggagawa, isang magsasaka. Napasabak sa lupit ng digmaan at mula “boys and girls” ay napaaga ang “maturity” patungo sa pagiging ganap na lalaki at babae. Napatunayan niyo na hindi man kayo mga Superman, pwede maging bayani.
Pero may mga nagsabi, talunan raw kayong mga bayaning Pilipino. Ang nagligtas daw sa Pilipinas mula sa mga Hapones ay si MacArthur at ang mga Kano.
Ngunit kung malalaman ang tunay na pangyayari, winner kayo lolo at lola…
Ang saya at ang payapa ng buhay niyo, imahe ng kaastigan ang ating pangulong Quezon, protektado tayo ng pinakamalakas na bansa. Ano ba ang laban ng mga Hapones e ang liliit nila, ang rurupok ng mga produktong mula sa kanila.
Iyon pala, matagal na nila tayong inoobserbahan. At noong 8 Disyembre 1941, tayo ay kanilang sinorpresa.
Ang lakas pala ng mga Hapones. Natameme si MacArthur at hindi nakakilos agad sa mga unang oras na iyon. Panahon iyon ng Kapaskuhan ngunit kailangan niyong iwan ang inyong pamilya. Pero excited kayo. Sa inyong kabataan akala ninyo piknik lang ang digmaan.
Ngunit hindi pala madali. 12 bala lamang ang ibinigay sa inyo nang salubungin niyo ang malaking pwersang Hapones sa Lingayen. Kinailangan niyong umurong. Sa sobrang laki ng pwersa ng kalaban, kayong lahat na mga pwersang Pilipino at mga Amerikano ay pinapunta sa Bataan at Corregidor para mas maka-focus sa pagtatanggol kay Inang Bayan.
Nangako si Presidente Roosevelt na magpapadala sa inyo ng pagkain, mga gamot at karagdagang pwersa. High morale kayo. Hindi makapasok ang mga Hapones sa Bataan. Sumuko na ang lahat ng bansa sa Timog Silangang Asya sa Hapones, tayo na lang ang hindi. Ginagamitan pa kayo ng psy-war ng propagandang Hapones, pinapakitaan kayo ng mga larawan ng inyong pamilya at ng mga seksing babae, pero hindi kayo umuwi.
Pero nag-iba ng isip ang gobyernong Amerikano. Ang mas masamang kalaban, si Hitler muna, ang tatalunin. Wala palang pagkain, gamot at mga karagdang pwersa na paparating. Tila iniwan nila ang mga Pilipino at ang kanilang sariling kababayan dito sa Pilipinas. Umalis man sina MacArthur at Quezon, nanghihina man kayo, gutom, sabik sa yakap ng inyong pamilya, at nakikita na namamatay sa inyong harapan ang inyong mga kaibigan, hindi kayo umuwi. Patuloy kayong lumaban. Sa kawalan ng bala, naghuhulog na lamang kayo ng malalaking bato mula sa Bundok Samat upang labanan ang mga Hapones.
Sabi niyo, kung hindi lamang sumuko ang mga Amerikano, lalaban kayo hanggang sa huli, patay kung patay! Bakit? Dahil iniisip po ninyo ang buhay, ginhawa at dangal ng inyong mga anak at inyong mga apo? Alam niyo po ba na dahil sa inyong patuloy na paglaban ay nakapagtransmit pa nang mahalagang impormasyon ang Monkey Point Station sa Corregidor na nagamit upang magwagi ang pwersang Amerikano laban sa mga Hapones sa Coral Sea at Midway at sa kalaunan, mapagwagian ang buong digmaang Pasipiko?
Bumagsak man ang Bataan, sumuko man ang Corregidor, tayo pa rin ang pinakahuling bansa na sumuko sa Hapones sa Asya. Sabi ng Primer Ministro ng Britanya, Winston Churchill, kayo ang “Greatest Warrior in the World.”
Pinalakad man kayo sa Death March sa ilalim ng araw ng tag-init sa loob ng tinatayang 100 kilometro, gutom at uhaw man, tinulungan niyo ang kasama niyo na nanghihina na magtuloy, ayaw niyong mapahamak sila, mabayoneta sila. Mas paglalakbay tungong kamatayan ang tiniis niyong gutom, sakit, init, at sikip sa Kampo O’Donnell, kung saan araw-araw ang prusisyon ng patay na katawan ay hindi matapos-tapos.
Pero hindi kayo talunan. Oo marami ang nalagas, pero dumami ang Bataan at Corregidor sa inyong mga gerilyero sa mga probinsiya sa buong bansa! Iba’t ibang grupo kayo ng mga kabataan at mga kawal, marami sa inyo, mula sa iba’t ibang kolehiyo at pamantasan sa bansa. Ang laban ay itinuloy niyo, mga Marking’s, mga Hunter’s ROTC, mga Hukbalahap, at iba pa.
Pinalaya niyo ang mga bayan bago pa man dumating ang Kano. Napadali lamang ang kanilang pagpasok at pag-“liberate” sa atin dahil sa inyo. At liban sa karahasan ng mga Hapones, ang pagbomba ng Kano sa Maynila ang nagsulot upang ito ay maging “Second most destroyed Allied city in the world.” Tila nakasira pa sila.
Sa pelikulang “The Great Raid,” bidang-bida ang mga Kano sa tagumpay sa pinakamalaking POW camp ng mga Hapones sa Cabanatuan. Pero sa totoo lamang, malaki rin ang papel ni Kapitan Juan Pajota at ang mga gerilyerong Pinoy sa operasyon. Maging sa Bataan at sa Cordillera, sumama rin sa laban ang mga mandirigmang Ifugao.
At marami pang tagumpay, sa Bessang, sa Kiangan. Noong Setyembre 2, 1945, kayo sa USAFIP-Northern Luzon ang nagpasuko kay Heneral Yamashita, pero bakit sa mga aklat at pelikula, ang mga Kano ang bida? Kasama po sila, katuwang, pero hindi po sila lamang ang dahilan.
Hindi po! Ang pag-aalay ninyo ng inyong kabataan ang nagpalaya sa amin.
Kilala namin ang mga pangalan ng mga bayani ng digmaan—Jose Abad Santos, Hen. Vicente Lim, Capt. Jesus Villamor, Sgt. Jose Calugas, Tomas Confesor, Guillermo Nakar. Ngunit kayong mga lola beterano ay hindi pahuhuli sa kabayanihan. Mula sa mahalagang papel ng panggagamot, pagbibigay ng pagkain, pag-espiya hanggang sa paghawak ng sandata nariyan kayo: Magdalena Leones, Remedios Paraiso (alias Commander Liwayway ng Tarlac at Pampanga), Felipa Culala (alias Dayang-dayang), Celia Mariano, Yay Panlilio, Josefa Capistrano, Conchita Sunico, Maria Orosa, Josefa Llanes Escoda. Maging ang Haponesang nakapangasawa ng Pinoy, si Masay Masuda Almazan, ay tumulong na mailigtas ang napakaraming buhay mula sa kalupitan ng mga Hapones sa San Narciso, Zambales.
Lolo at lola beterano, sana maalala naming mga mas bata na kayo ang dahilan kung bakit pwede naming gawin ang ibig namin. Bagama’t mahirap pa rin ang bata nating bansa, maaari pa rin kaming magkaroon ng buhay, ginhawa at dangal dahil isinakripisyo ninyo ang inyong kabataan, ang ginhawa at saya nito, at ang mismo niyong buhay. Kung wala kayo, wala kami.
Mapalad ang inyong mga apo. Kung ako ang inyong apo, ikukuwento ko kayo sa mga kaklase ko.
Sabi ni Andres Bonifacio, “Ampunin ang bayan kung nasa ay lunas ‘pagkat ginhawa niya ay para sa lahat.” Salamat po at inampon niyo ang bayan. At dahil inampon niyo ang bayan, apo niyo na kaming lahat. Karangalan po ito at saludo po kami sa inyo.
Dahil ang laki ng utang namin sa inyo, dapat naming itanong, ano ba ang dapat naming gawin upang maging karapat-dapat kami sa sakripisyo ninyo. Bata lang kami, walang kapangyarihan, walang pera, balak pa naming layasan ang bayan at ang iba sa amin nais pang kalimutan na Pinoy kami.
Hindi po sapat na bigyan lamang namin kayo ng tamang kompensasyon. Kailangang ipagpatuloy namin ang inyong pagmamahal sa bayan sa aming henerasyon. Subalit kailangan ba naming magbuwis palagi ng buhay sa pagmamahal sa bayan? Hindi kailangan sabi muli ni Bonifacio, “Ang kasipagan sa pag hahanap-buhay ay siyang tunay na pag ibig at pag mamahal sa sarili sa asawa, anak at kapatid o kabayan.”
Ito ang aming panunumpa sa inyo aming lolo at lola, at sa aming bayan. Sa aming maliit na paraan, sa aming makakayanan, itataguyod namin ang buhay, ginhawa at dangal tulad ng ginawa niyo noong panahon ng digmaan. Hindi namin mamaliitin ang kayang gawin namin bilang mga indibidwal.
Dahil sa totoo lang, bago kayo naging bayani, kayo muna ay isang anak, isang ama, isang ina, isang estudyante, isang manggagawa, isang magsasaka.
Bakit mahal ko ang bayan ko? Dahil sa inyong mga mandirigma na nagsakripisyo ng lahat para lamang ako ay mabuhay—ang mga hangaway, ang mga Katipon, ang mga gerilyero, ang mga lumaban sa diktadura, ang kawal na patuloy na nagbubuwis ng buhay upang ipaglaban ang kalayaan.
Kami rin, mandirigma laban sa korupsyon at kahirapan. Ito ang panata namin. Sana maging proud din kayo sa amin.
Nagmamahal,
Ang inyong mga apo
P.S. Noong Pebrero 2011, mayroon na lamang nalalabing 28,158 na beteranong Pilipino noong World War 2.
Ipakita natin sa kanila na hindi nasayang ang kanilang mga sakripisyo para sa atin.
P.S. Noong Pebrero 2011, mayroon na lamang nalalabing 28,158 na beteranong Pilipino noong World War 2.
Ipakita natin sa kanila na hindi nasayang ang kanilang mga sakripisyo para sa atin.
Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila. Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado. Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time: Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan. Siya rin ay aktibong nagpupugay sa mga beterano sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO), Veterans Federation of the Philippines (VFA) at sa Spyron-AV Manila Productions.
May symposium on the Images of Valor and Victory ang PVAO at ng Philippine Historical Association, “Hour of Redemption: The End of World War II in the Philipines,” na gaganapin bukas, September 3, 2015, 10:00 ng umaga sa Baguio Convention Center, Lungsod ng Baguio sa mismong ika-70 taong anibersaryo ng pagpirma sa pagsuko ni Yamashita sa lungsod.
“The Fighting Filipinos” poster made by Michael Rey Isip used to solicit support for the Filipino soldiers.
“The Fighting Filipinos” poster made by Michael Rey Isip used to solicit support for the Filipino soldiers.
Tags: worldwariiveterans, worldwar2
More Videos
Most Popular