ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kasaysayan ng Christmas tree


Ngayong Kapaskuhan, ating alamin kung saan ba nagsimula ang Christmas Tree.

Para sa ritwal ng mga Pagano

Noon pa man, ang oak tree ay mahalaga nang sangkap ng ritwal ng pagsamba ng Druids sa Alemanya.  Ayon nga kay Pliny the Elder ng Roma, “The Druids hold nothing more sacred than the mistletoe and the tree on which it grows provided it is an oak.  They choose the oak to form grooves, and they do not perform any religious rites without its foliage.” 

Hindi ba yang mistletoe na ‘yan, hanggang ngayon sa ilalim nyan naghahalikan ang mga Kanluranin tuwing Pasko. 

Hindi lamang ang mga Druids, maging ang mga Romano ay pinapalamutian pa ang mga punong evergreen bilang tanda ng muling pagsilang. 

Ngunit, kailangan tanggapin ang historikal na katotohanan na ang Kristyanismo ay lumaganap dahil ang mga naging tagapagturo nito ay gumamit ng mga simbolong mahalaga na sa mga tao noon. 

At sa Alemanya, dalawang mahalagang personalidad na Kristiyano ang ginamit ang puno upang ipalaganap ang mensahe ng ating mahal na Panginoong Hesukristo. 

San Bonifacio, santong Katoliko

Una, ay si Saint Boniface.  Si San Bonifacio ay inatasan ni Papa Gregorio Segundo noong 719 A.D. na akayin tungo sa Kristiyanismo ang mga katutubong Aleman upang iwan na nila ang kanilang hidwaan raw ng mga pananampalataya. 

Ayon sa mga tala, naging agresibo ang ebanghelisasyon ng Alemanya ni Bonifacio, na minsan, sa sobrang agresibo, nang makakita siya ng mga paganong pari na nagriritwal ng pagpatay at sakripisyo, muli, sa isang malaking oak tree sa araw ng Pasko, kinuha niya ang kanyang palakol at sa isa, take note, isang hataw lang, natumba ang malaking puno at matapos ay itinuro ang isang maliit na punong evergreen at sinabi na wala dapat mamatay ngayon dahil kapanganakan ngayon ng Kristo, at ang maliit na punong ito, ito na lamang ang iuwi niyo sa bahay ninyo, huwag na kayo sa kakahuyan magritwal, sapagkat ang puno na ito ay ang puno ni Kristo, ang puno ng walang hanggang buhay, or something to that effect. 

Sa isang iglap, nagsipaglipatan daw sa Kristiyanismo ang mga nakasaksi. 

Martin Luther, tagapagtatag ng Protestantismo

Ang pangalawa naman ay ang paring humiwalay sa Simbahang Katoliko at nagsimula ng Protestanrismo na si Martin Luther, na noong kalagitnaan ng 1500s, ay naglalakad isang gabi ng bisperas ng Pasko, nang mapagkatuwaan niya ang isang punong evergreen at pinalamutian niya ng mga kandila at ipinakita sa kanyang mga anak na sagisag ito ng liwanag ng daigdig, si Kristo.  Kaya may talang patnubay sa ibabaw nito kadalasan at nilalagyan ng belen sa ilalim, upang kumatawan sa liwanag na gumabay sa mga Asyanong mago, take note hindi mga hari, para mahanap si Jesus. 

Sa Alemanya pala nagsmula ang Christmas Tree kaya may kanta sila para dito, “O Tannenbaum.”

Kumalat ang praktis sa Europa, sa Inglatera, at umabot sa Amerika.  At noong pananakop ng mga Amerikano, bunga ng komersyalismo, dinala ito ng mga Amerikano sa mga Pilipino. 

Sa buong mundo, iisa ang mensahe ng Christmas Tree, liwanag sa kadiliman, at ang init ng liwanag na ito sa gitna ng lamig ng Kapaskuhan.