ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Aklat at marker, alay sa batang bayani na walang pangalan


The books had all been wrong about who died at the Battle of Bangkusay, the first recorded death in the resistance against Spanish colonialism.  Through historical research, we have confirmed that he was a brave young Muslim leader from Macabebe, Pampanga.

Ang pagpapasinaya ng Historical Marker para sa Kabataang Pinuno ng Macabebe ay pinangunahan nina National Historical Commission of the Philippinews (NHCP) Chair Maria Serena Diokno (2nd L), Macabebe Mayor Annette Palgan, at NHCP Deputy Executive Director for Administration Carminda Arevalo. --Xiao Chua


Noong umaga ng 3 June 2016, Biyernes, ginunita sa harapan ng munisipyo ng Macabebe, Pampanga ang ika-445 guning taon ng Labanan sa Bangkusay, Tondo na naganap noong 3 June 1571.  Bakit nga ba ginunita ang isang makasaysayang pangyayari ng Tondo sa Pampanga?  Sapagkat ang bayaning nanguna sa pagtindig laban sa pananakop ng mga Espanyol doon, ang unang naitalang “willing martyr” o namatay para sa kalayaan, ay nagmula sa bayang ito.

Ang bayan ng Macabebe na nabahiran ang reputasyon sa mga aklat pangkasaysayan bilang pinagmulan ng mga sundalong pataksil na nakahuli kay Emilio Aguinaldo noong 1901 ang siyang ring pinagmulan ng bayani ng Bangkusay.  Tinawag siyang Tarik Soliman, napagkamalang si Rajah Sulayman.  Ngayon itinatala siya bilang isang bayaning walang pangalan na kinilala lamang sa tala ni Padre Gaspar de San Agustin na “Un Valeroso Moro”—ang matapang na Muslim.

Tinawag siya ng mga Espanyol sa kanilang mga dokumento bilang si Bambalito.  Napansin ng mga historyador na tila hindi ito pangalang taal na Pilipino at maaring bansag lamang sa kanya ng mga ito.  At mula sa hulaping “-ito” sa Bambalito, alam natin na kabataan ang matapang na Muslim na pinunong ito.

Kaya naman, ginunita ang kabayanihan ng Muslim na ito sa pamamagitan ng paglulunsad ng isang marker mula sa Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP) na sa wakas ay opisyal na kikilala sa bayani mula sa Macabebe bilang may saysay sa kuwento ng kalayaan ng bansa.  Pinangunahan ito ni NHCP Chairperson Maria Serena Diokno, Ph.D. at ni Macabebe Mayor Annette Palgan.  Ang marker ay inilagay sa harapan ng isang bantayog para sa pinunong ito n ipinatayo pa noong 1927.

Ito ang teksto ng marker na pinasinayaan:

Xiao Chua

 

Inilunsad din sa pagdiriwang ang aklat ng NHCP researcher at historyador na si Ian Alfonso na The nameless hero: Revisiting the sources on the first Filipino leader to die for freedom na inilimbag ng Holy Angel University Press.  Bago pa man pumasok si Ian sa NHCP, matagal na siyang nagsasaliksik kasama ang Juan D. Nepomuceno Center for Kapampangan Studies ng HAU ukol sa buhay ng matapang na Muslim.  Gamit ang mga mahahalagang primaryang batis, nilatag ni Ian sa aklat ang mga primaryang rekord upang maitama ang kuwento at mailagay ang Labanan sa Bangkusay sa tamang lugar nito kasama ng Mactan, Balintawak, Bataan at EDSA! 

Liban sa nasabing aklat, inilunsad din ang talambuhay na isinulat ni Alfonso ukol sa Bikolanong propagandista na si Jose Ma. Panganiban na inilathala naman ng Ateneo de Naga University Press.

Ang Saysay ng Bangkusay

Ang Bangkusay ngayon ay kilala ng marami, mali man o tama, bilang isang peligrosong lugar, isang mahirap na lugar.  Ngunit ang nangyaring Labanan sa Bangkusay ay importanteng pangyayari sa kasaysayan, may saysay, dahil sa ilang kadahilanang mababasa sa aklat na The nameless hero: 

 


Una, ipinapakita ng labanan na sopistikado na ang ating mga hukbo bago pa man ang kolonyalismo.  Naitala ng mga Espanyol na 2,000 tropa sa 40 karakoa ang kanilang sinagupa.  Sino ba ang nagsabing wala tayong kabihasnan bago pa ang kolonyalismo? 

Ikalawa, sinasabi nito sa atin na mayroon nang mga diplomatikong pakikipag-alyansa ang mga sinaunang bayan sa mga panahong ito.  Tila “mutual defense treaty” ang pagsama ng mga taga-Hagonoy sa mga taga-Macabebe. 

Ikatlo, nililiwanag nito ang papel ng Macabebe at ng mga Kapampangan sa Kasaysayan ng Pilipinas—na hindi lamang ito kasaysayan ng pagkiling sa mga kolonisador—Espanyol man o Amerikano, kundi isa sa mga unang tumindig laban sa kanila!  Isang pamana ng kabayanihang Kapampangan na ipagpapatuloy nina Alejandrino, Hilario, Hizon, Ninoy Aquino at Taruc! 

Ika-apat, inilalantad nito sa publiko ang kuwento ng tunay na bayani ng Bangkusay na hindi si Rajah Sulayman, hindi rin si Tarik Soliman, ngunit ng isang matapang na Muslim na pinangunahan ang kanyang bayan na labanan ang ating magiging kolonisador sa loob ng tatlong siglo, gayung marami ang tumanggap sa kanila. 

Ikalima, ibinibunyag nito kung gaano kahalaga ang kuwentong ito, na maging ang mga Propagandista ay isinasama ito sa kanilang pagtatangka na hirayain at itatag ang bansa.  Na sa paglaon, ang Maynila at Pampanga ay magkakaroon ng tunggalian para sa kuwento ng bayani ng Bangkusay.

Ika-anim, karagdagan pa itong ningning sa record ng paglaban sa mga Espanyol ng ating mga Muslim na Pilipino—ang kanilang pinakadakilang pamana sa kasaysayan ng pakikibaka para sa kalayaan ng bansa. 

Ikapito, ipinapakita nito kung gaano kahalaga ang ambag ng pagkukuwento ng lokal na kasaysayan o kasaysayang pampook, halimbawa sa Pampanga, sa pagbubuo ng tunay na kasaysayang pambansa. 

At panghuli, dahil pinaniniwalaan na ang Moro na pinunong Macabebe, ang unang naitalang namatay para sa kalayaan, ay kabataan din dahil tinatawag siya ng mga Espanyol na Bambalito, ipinapakita nito ang papel ng kabataan sa pagbubuo ng kasaysayan ng bansa

Ayon sa aking foreword sa nabanggit na aklat, napapanahon ang aklat dahil, “In a time when so many people so easily want to surrender their freedoms, Bangkusay is a reminder that the history of this nation, to borrow Benedetto Croce, is ‘a story of liberty’—of the struggle to be truly free.”