Rizal Law @60: Anyare?!
The 60th year of the historic Rizal Law or Republic Act 1425 passed without much fanfare last Independence Day 2016. Its main goal was to inculcate nationalism by developing moral character, personal discipline, civic conscience, and the teaching of duties of citizenship. Did it succeed?
Six years ago, Araw ng Kasarinlan, June 12, 1956, pinirmahan ni Pangulong Ramon Magsaysay ang Republic Act 1425, na nagtatakda na kailangang mailagay sa curricula ng lahat ng pampubliko at pribadong mga paaralan, kolehiyo at mga unibersidad ang mga kurso ukol sa buhay, mga akda at mga sinulat ni Jose Rizal, lalo na ang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Ito ang dahilan kung bakit noong hayskul tayo ay pinag-aralan natin ang Noli at El Fili, at sa kolehiyo, required ang Rizal course.
Tunguhin ng batas: Pagmamahal sa bayan
Ano ba ang layunin ng batas na ito? Well, ang unang whereas provision ng batas ay nagsasabi na kailangang muling ialay ang sarili sa ideals ng kalayaan at nasyunalismo, “for which our heroes lived and died.” Sa diwa, hindi lamang pala si Rizal ang pinapahalagahan ng kurso. Ito ay kurso ukol sa mga bayani. Kurso ito ukol sa kabayanihan.
Gayundin, ang mga ginawa at sinulat daw ni Rizal ay palagian daw na bukal ng pagkamakabayan na dapat ituro sa mga bata. In short, after the course, dapat mahal na ng bata ang bayan.
Bakit malaking bagay sa mga pangunahing may-akda ng batas na sina Senador Claro Mayo Recto at dating pangulo, Senador Jose Paciano Laurel ang pagsusulong ng nasyunalismo sa pamamagitan ni Rizal? Ito ay dahil noong 1956, tila patuloy na lumalawak ang interes ng Amerika sa kabila ng kasarinlan. Ang kultura at pulitika natin ay nakagapos sa interes ng Estados Unidos. Nagiging Brown Americans of Asia na tayo at baka mawala ang ating pagmamahal sa bayan. Magising na lang tayo na mga Amerikano na tayo at wala na ang pagka-Pilipino natin.
Ang pagkontra ng Simbahang Katoliko
Ayon din sa batas, dapat raw ay ipabasa sa mga bata ang unexpurgated o walang putol na bersyon ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Ito ang dahilan kung bakit mariing tinutulan ng Simbahang Katoliko ang pagkapasa ng batas. Biruin mo, ang mga debate noon para sa batas ay kasing init at emosyunal nang nangyari noon sa Reproductive Health Law.
Natakot ang simbahan na kapag binasa raw ng walang putol ng mga bata ang mga nobela ni Rizal, maaari raw silang mawalan ng pananampalataya sa simbahan dahil sa mga pagtuligsa at pagkuwestiyon ni Rizal sa mga prayle sa Pilipinas at sa doktrina. Isinulat ang mga nobela sa panaho ng kolonyalismo. Baka raw maisip ng mga bata na gayon pa rin ang kaso noong 1956. Ayon sa ilan, patay na si Rizal ay nais pang patahimikin muli.
Sinong mag-aakala na pag-aawayan si Rizal? Nariyan ang mga pro-Catholic groups tulad ng Knights of Columbus at iba pa. Nariyan naman ang mga pro-Rizal na sinamahan ng mga grupo ng kabataan, Veteranos de la Revolucion, Alagad in Rizal, mga Mason, at mga Knights of Rizal.
Sa sobrang init ng debate sa mababang kapulungan, dalawang kongresista, si Emilio Cortez ng Pampanga na maka-Rizal at si Ramon Durano ng Cebu ay bigla na lamang nagsapakan sa Kongreso. Na nagbati rin naman kapagdaka.
Nag-walk-out naman sa isang misa si Manila Mayor Arsenio Lacson nang magbasa ang pari ng pastoral letter mula sa Arsobispo na tumutuligsa sa panukalang batas, isang pastoral letter na ang mga kopya ay sinunog naman ng 3,000 kabataan sa may Plaza Miranda sa harapan mismo ng Simbahan ng Quiapo.
Nagbanta ang mga paaralang Katoliko na magsasara sila kung ipapasa nila ang Batas. Sagot ni Recto, isara ninyo at nang magawa sila ng pamahalaan na mga pampublikong paaralan. Ang iba naman ay nanakot na hindi na sila maihahalal sa susunod na halalan, ngunit hindi natinag si Recto. 'Yan ang political will, hindi 'yung nag-aabsent kapag botohan na.
Ito ang inabot na away para lamang maipasa ang isang batas na ang bottomline ay ituro sa kabataan ang pagmamahal sa bansa pero ngayon hindi na pinahahalagahan.
Anyare?!
Ayon sa Batas Rizal, liban sa pagkakaroon ng sapat na kopya sa mga aklatan ng bansa ng mga kopya ng buhay at mga sinulat ni Rizal, maaari ka ring humingi ng kopya ng mga nobela ni Rizal sa mga pamahalaang pambarangay. Subukan kaya natin ito ngayon?
Gayundin, maaaring sulatan ang mga kinauukulan kung nais ng isang estudyante na ma-exempt sa pangangailangan na basahin ang mga nobela ni Rizal sa relihiyosong mga kadahilanan, ngunit kailangan pa ring kunin at tapusin ang kurso.
Ngunit sa pagkawala ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo sa hayskul, maipapabasa pa kaya sa kolehiyo ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo sa loob ng isang semestre gayong napakarami nang pinag-aaralan sa kursong Rizal? Sa Unibersidad ng Pilipinas tinawag itong subject na Philippine Institutions 100, o P.I. 100. Kaya biru-biruan ng mga estudyante noon, “P.I. 100 times.”
Ang iba, ginagamit ang Rizal Course para lalo pang siraan si Rizal.
Tanong ni Joey Vargas, isang artist, sa isang panayam para sa dokumentaryong Ang Tao sa Piso ni Matt Baguinon, “Kung papaano nga ba kagaling ang mga guro na nagtuturo tungkol sa kanya ngayon? Dahil kung magagaling silang nagtuturo tungkol sa kanya, mapupunta sila sa usapin ng pagmamahal sa bansa? Kung maging magaling ang mga guro, then probably makaka-impluwensya si Rizal. Pero ngayon, hindi ko alam, I think of textbooks of Noli Me Tangere and El Filibusterismo being treated na may guide questions which I don’t find successful.”
Siguradong maraming guro at paaralan sa buong Pilipinas ang maayos na nagpapatupad ng Batas Rizal at nagtuturo ng Rizal Course. Subalit, mahigit kalahating dekada ng implementasyon nito, nagtagumpay ba ang Batas Rizal na ipunla ang pagmamahal sa bayan? Lalo bang mahal ng mga Pilipino ang kanilang bayan? Nagkaroon ba ng nasyunalismo?
May mga nagsasabi na kailangan pa ba natin ang Batas Rizal e iba na ang panahon? Iba ang panahon ni Rizal at nina Recto at Laurel sa panahon ngayon. Subalit kung tutuusin, nakaharap pa rin ba tayo sa kolonyal na kaisipan at impluwensya? Mayroon pa bang nang-aapi at nagsasamantala sa bayan? Mayroon pa bang mga Sisa na nababaliw dahil sa kahirapan ng buhay?
Ayon kay Dean Gloria Santos ng Philippine Historical Association bago namatay, bahagi sa krimen ng pagkabigo ng Batas Rizal na maipunla ang nasyunalismo ang mga guro ng kasaysayan dahil hindi nila naituro ng maayos ang kurso. Ngunit guro lamang ba ang dapat sisihin? Nagkulang din kaya ang mga institusyon at sistemang edukasyunal? Palaisipan ito na dapat nating mapag-usapan kung nais natin na ituloy ang implementasyon ng batas sa susunod pa na kalahating siglo.
Aanhin naman natin kung alam natin ang mga detalye ukol sa buhay ni Rizal, kung patuloy ang korapsyon ng ilan sa ating mga lider at ang mga tao sa social media imbes na bigyang inspirasyon ang isa’t isa sa diwang Pilipino ay minumura naman ang isa’t isa? Tayo pa ba ang Pilipinas na pinangarap ni Rizal?
Pag-usapan po natin
Pag-usapan natin ang isyu sa bisperas ng birthday ni Rizal, June 18, 2016, Sabado, sa ganap na 1 p.m. sa Gateway Gallery, sa sampaksaan na “Rizal Law @ 60: Anyare?!”
Magsasalita po sina Bb. Gemma Cruz-Araneta, apo sa tuhod ni Rizal, ukol sa paksang “Legislating Rizal;” Prop. Jonathan Balsamo, guro ng Rizal, ukol sa kanyang pananaliksik na “Rizal Course: Turo at Tuto;” at si Prop. Jose Victor Torres, Ph.D., isang historyador, para sa paksang “Telegráfo, Electricidád y Poste de Luz: Notes on the Teaching of Rizal and His World.”
Para sa karagdagang detalye, bisitahin ang Facebook page ng Proyekto. Para sa reserbasyon, kontakin si John Ray Ramos sa 09202228889.
Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila. Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado.