ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Daga at keso


(Kay Anonymous)
“Ang Araw ay nananatiling Araw Kahit tinatabingan ng mga ulap.” – sabi ng isang monk kay Pawan
“Hiwalay na sina Daga at Keso!” Balita ng barkada ng pamangkin ko. Katsika ni pamangkin sa terrace ang iba pang kamaganak. At naglalakad sa kalye ang nagbrodkas ng ulo ng mga pinakahuling kaganapan sa amin. Ang subdibisyon namin ay mas disente ang mga bahay kumpara sa looban ng karaniwang tinatawag na iskwakwa o iskwater. Pero mas mukhang mga barungbarong kung ihahambing sa mga mansyon ng Ayala Alabang. Dadalawa ang aspaltado’t sementadong pinaka-main streets. Halos bawat bakuran e, may mga halamang panalo kumpara sa mga makikita sa sala na naka-flower vase at yari sa plastik. Ang ibinalitang sina Daga at Keso ay pares ng binata at misis na mga kapitbahay. Si Daga ay nasa 4’ 6” ang taas. Malapit na sigurong magtrenta, kayumanggi at pang-corporate ang gupit. Kapag nakipag-usap sa ‘kin e, mga usong kanta ng mga usong banda ang madalas na hirit. Monumento rin daw sa kanya ang tumira ng “Himig Natin.” Matagal na siyang Endo (contractual na end of contract.) Nakashorts pa lang siyang pumapasok sa mababang paaralan ng poblacion nang magkangitian kami. Si Keso ay mga 5’3”. Mahigit trenta, maputi, lampas balikat ang buhok. May binatilyo nang anak sa isang engineer sa Techno Park, nadadaanan ito papuntang timog. Plain homemaker. Meron silang kotseng 90’s model. Magdadalawang taon na yatang nangungupahan sa isang apartment na 70s ang arkitektura. Wala kaming pagkakataon na magkabatian. Hindi rin nag-iismiran. Kumba’t Daga at Keso ang tawag sa kanila, ‘yon din ang tanong ko kay pamangkin. “Hindi ko alam tito.” Pero ibinansag daw ‘yon ng mamang nagtatrabaho sa renovation ng ospital na nasa bungad ng subdibisyon. Awtomatikong nag-scan ng ibig sabihin ang alaala sa diksyunaryo at thesaurus na nakaprograma sa utak ko. Wala! Baka naman hinugot ito sa kasabihang, “pag wala ang pusa, maglalaro ang daga.” Samantala, ang keso ay makikita sa pagawaan, convenient store, ref, mesa at tinapay, kung nakapalaman na. Madalas ko sila makitang magkasabay, makasalubong. O kaya, nag-aabang ng sasakayan sa hi-way. Tumatawid pauwi. Kung minsan e, nakasakay sila sa kotse. Parang hilaw na kanin sa resto ang ngiti ni Daga kapag di maiwasang nagtatama ang mga sulyap namin. Si Keso e, parang isang nagdadasal na sister matapos iluwal ang anak nila ni father. Hindi matinag sa ingay ng mga kapitbahay at harurot ng mga traysikel. May pagka-stoic. Ano kaya ang mundo ng Daga at Keso? Nagpapahiwatig ba ang mga ito ng tiyaga at kasaganahan? Peste kaya? Hindi naman siya mukhang dagang punk. ‘Yon bang nakikita na tumatakbo, humihinto at lumilingunlingon galing sa kanal habang basa ng langis ang lagaslagas, pero parang Mohawk na nakatayo ang natitirang mga balahibo. ‘Yong ale e, hindi naman tipong kesong nakapalaman sa mga tirang hamburjer na pantawid-kalam at pinupulot sa basurahan ng mga mamamagpag. Ano nga kaya? Hmmm… Year of the Rat pa naman ngayon. Bukod sa madalas makitang magkakaharap sa loob ng sariling bakuran sila Keso, engineer at mga anak, may mga pagkakataon ding kahalubilo ng pamilya si Daga. Nagpapalipas-oras sila sa pamamagitan ng balasa, cut, deal at dumidiskarte ng baraha ng puso. Minsan daw e, tinanong ni Daga sina pamangkin at chipmunk. “Pa’no kung na-inlab kayo sa babaing me asawa, liligawan n’yo ba?” “Hindi!” Parehong sagot ng magpinsang pamangkin at chipmunk. “Na-inlab kasi ‘ko e.” ‘Yon lang daw ang pagkakataon na napag-usapan ng mga magkababata ang tungkol sa bagay na ’yon. At walang tinukoy na kung sino ang layon ng damdamin ni Daga. “Tapos nu’n, sila na!” Sabi ni pamangkin habang bumubuhat ng improvised dumbbell. Si pamangkin ay anak ni bayaw sa katulong nila. Hindi pa nakikita ni pamangkin ang nanay niya hanggang ngayon. Mga dalawang taon naman si chipmunk nang dumating sa compound. Naghiwalay noon ang hipag ko at asawa niyang mabigat ang mga kamay at mahilig mamulutan ng aso habang tumutungga ng gin. “Naninira lang ng pamilya ‘yon!” Sabi pa ni pamangkin. Ano man ang hinaharap na mga pahiwatig ng daga sa taon na ito, may feel lang akong konektado ito sa kasalukuyan at nakaraan – destiny/history – ng isang pinahihiwatigan. Kaya lang, mula nang kumiling sa kanan ang timbangan ng aleng nakapiring sa harap ng malalaki ang haliging bilding sa may Taft Av., madali nang paniwalaan ang anumang husga. Kung ga’no kakulangkulang ang mga ebidensya, ganun ito nakakukumbinsi. Kung ga’no nagkakaletseletse ang mga forensic at syentipikong paraan ng imbestigasyon, ganun kapanipaniwala at katatag ang kongklusyon. At laging upisyal ang pahayag ninomang imbestigador. Lahat tayo e, imbestigador ng mga bagaybagay na interesante sa bawat isa sa atin, di ba?. Noong isang araw may nakakita kay Keso na tumatakbo kasunod ang binatilyong anak pauwi sa apartment nila. Hindi napanindigan ang pagka-stoic, o nawiwiwi kaya? At may ibang chika babes na sinasabayan na raw si Daga. Hindi ko na inalam kung nahuli ni engineer na magkapatong ang mga baraha nina Daga at Keso. Malakas siguro ang ebidensyang bumalasa sa kanilang pagkatao. Ang pahiwatig ng daga ay hinusgahan nina pamangkin at chipmunk. Hangad ko para sa kanila ang bukas na walang angas at banayad. Kahit hindi Mayo, awtentiko ang pamumulaklak ng saloobin sa mga puso na hindi flower vase.