Kung May Hirap, May Ginhawa (2)
(Karugtong) Naging sobrang hirap ang buhay namin dahil hindi na naghanap-buhay ang aking ama mula ng magbalik sa Saudi Arabia. Kami na nang nakababata kong kapatid ang naghanap-buhay at nagsuporta sa kanila. Dahil hindi nakatapos ng high school, sa pangangatulong (kasambahay) kami bumagsak. Sa sweldo na 300 pesos isang buwan ay napagtiisan namin ng kapatid ko ang maghanap- buhay. Para kahit papaano ay makahawak ng pera at mapag-aral din ang aming mga nakababata pang mga kapatid. Malaking hirap ang dinanas naming magkapatid ngunit tinitiis namin iyon para lang may maibigay kaming pera sa aming ina. Ang aming ina ay nagpapakahirap din sa pananahe para may pangsuporta sa mga pangangailangan ng aking mga nakababatang kapatid. Dahil sa sobrang kahirapan, ang mga nakababata kong kapatid ay natutong magtrabaho sa bukid at nakikihati sa mga aanihing palay, kamote, saging, mais at kung anu-ano pang pwedeng itanim. Taong 1986 nang makatagpo ang aking kapatid ng isang amo na taga-Magsaysay Olongapo City. Ako naman ay nagbabakasyon sa aming tiyuhin sa Cabalan, Olongapo City. Dahil maraming kakilala ang aking tiyahin sa Olongapo, ipinakilala niya ako sa isa niyang kaibigan na nagtatrabaho sa isang restaurant sa Magsaysay. Hindi ko alam na pag-aari pala iyon ng amo ng aking kapatid. Nag-apply ako ng trabaho sa kanilang restaurant at doon ay nakilala ang mga kaibigang nagtatrabaho sa mga disco house. Dahil sa pagod na ako sa pangangatulong, namasukan na rin ako bilang isang waitress sa Olongapo. Dito marami akong naging kaibigan. Sa tuwing uuwi ako sa aking mga tiyahin at tiyuhin, madalas akong sermunan na humanap na rin ng mapapangasawang Amerikano para makarating daw ako sa America. Paraan daw iyon para makatulong sa aking mga magulang at mga kapatid na naghihirap dahil sa kapabayaan ng aking ama. Paglipas ng dalawang taong pagta-trabaho ko bilang waitress, naingganyo na rin akong mamasukan bilang isang mananayaw sa isang club sa Olongapo. Doon kumikita lamang ako ng 30 pesos sa isang gabi. Marami akong mga naging kaibigang mga Filipino. Pero takot akong makipagkaibigan sa mga estranghero. Ngunit dahil sa aking tiyahin, natuto akong makipagkaibigan sa mga dayuhang Amerikano. Nakilala ko sila sa bahay ng aking uncle na nagtatrabaho sa loob ng US base bilang isang labandero. Dahil 2nd year high school lang ang natapos ko, hindi ako masyado marunong magsalita ng English sa mga Amerikanong hindi naman marunong mag-Tagalog. Pero hindi nagtagal ay natuto na rin akong mag-English kahit na balu- baluktot. Nawala na rin ang takot ko sa makipag-usap sa mga estranghero na gustong makipagkaibigan sa akin. Taong 1988 nang lumipat ako ng club at doon nagtrabaho bilang isang mananayaw. Dito ko nakilala ang aking nobyo na nagpahinto sa akin sa trabaho bilang mananayaw. July 1988 nang makilala ko ang aking nobyo na siyang nagpahinto sa akin sa pagsasayaw. Pagdating ng Setyembre ay nag-propose siya sa akin para magpakasal kami. Natakot ako sa simula, pero dahil sa aking mga tiyahin at tiyuhin na nagtulak sa akin ay pumayag na rin akong magpakasal. Disyembre nang umuwi kami sa Bataan at ipinakilala ko siya sa aking mga magulang, mga kapatid at mga kamag-anakan. Enero 1989 ay bumalik siya sa Amerika at hindi ko na inasahan na magkikita pa kaming dalawa. At hindi ko inaasahan na darating ang petisyon niya sa akin buhat sa America. Nagmamaka-awa siya na sundin ko at gawin ang lahat para makasunod ako sa kanya sa US para doon na kami ikasal. Malaki ang naging takot ko noon dahil inisip ko na magiging iba ang ugali niya dahil nandoon na siya sa sarili niyang bansa. Nangako siyang babalik sa Pilipinas pero mga ka-trabaho na lang niya ang dumating at hindi na siya kasama. June 1989 nang madestino siya Alaska at ako naman ay bumalik na sa aking mga magulang kung saan nya ipinapadala ang buwanang suporta para may panggastos ako sa paglalakad ng mga papeles papunta sa US. At dahil takot akong pumunta sa Amerika, hindi ko agad inasikaso ang aking mga papeles. Sa kabila ng lahat, hindi siya nawalan ng pag-asa na isang araw ay magbabago ang isip ko. Umaasa siya na pupunta ako sa Amerika at magaganap doon ang aming kasal. September 1989 nang ilipat siya ng destino sa Saudi Arabia. Sa isa niyang sulat ay nakipag-break siya sa akin at sinabihan ako na huwag nang ituloy ang paglalakad ko ng mga papeles papuntang America. Natatakot daw siya na baka bangkay na lang nya ang aking aabutan pagdating ko sa America. Nang mabasa ko iyon, parang katapusan na nang daigdig. (Itutuloy) â GMANews.TV Josie C.C. NV