ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Kung May Hirap, May Ginhawa (3)


(Karugtong) Sa isa niyang sulat ay nakipag-break siya sa akin at sinabihan ako na huwag nang ituloy ang paglalakad ko ng mga papeles papuntang America. Natatakot daw siya na baka bangkay na lang nya ang aking aabutan pagdating ko sa America. Nang mabasa ko iyon, parang katapusan na nang daigdig. October 1989 nang makatanggap ako ng sulat buhat sa kanyang mga magulang na siyang nagpalakas ng aking loob upang ipagpatuloy ko ang paglalakad ng mga papeles papunta sa America. Hindi naman nagtagal, nabago rin ang pananaw ng aking nobyo na unang nagsabi na kalimutan ko na lang siya. Nagsimula muli siyang sumulat sa akin at nagmakaawa na ituloy namin ang aming kasal pagbalik nya sa America. Ngunit sa tuwing magdedisisyon siyang umuwi ay hindi siya pinapayagan ng kanyang command dahil sa gulo sa Saudi. Pagsapit ng Nobyembre ay natanggap ko ang sulat mula sa Immigration ng Pilipinas at nalaman ko na inaprubahan na ang aking Visa para makarating sa America. Tinawagan ko agad ang kanyang mga magulang dahil sila ang nagpatuloy sa paglalakad ng aking mga papeles. Hindi nagtagal ay ikinuha na nila ako ng plane ticket at lumipad ako patungkong America noong Dec 14. Kahit maikli lang panahon ng paghahanda ay sinamantala ko na ang pagkakataon. Sa mahabang biyahe, nakatulog ako sa eroplano at stopover sa Korea. Buhat doon tinawagan ko ang magulang ng aking nobyo upang ipaalam sa kanila kung anong oras ang aking dating sa Los Angeles Airport. At ang unang araw nang pagtapak ng aking mga paa sa airport ng US nagsimula ang aking takot. Hindi mawala ang kaba sa aking dibdib dahil natatakot ako na baka naghihintay siya sa akin. Baka kapag nakita nya akong muli ay magbago ang kanyang isip at pabalikin na lang ako sa Pilipinas sa halip na pakasalan. Nang palabas na ako sa airport, nakita ko ang mga magulang ng akong nobyo kasama ang kanyang kapatid. Medyo nahihiya ako sa kanila at natatakot na baka hindi kami magkaintindihan. Pero mababait sila at kaagad kaming nagkahulugan ng loob. Kaya naman hindi na ako nahirapang pakisamahan sila. Lumipas ang ilang araw, hindi pa rin nakababalik sa America ang aking fiancee. Pinag-aral ako ng kanyang mga magulang sa Glendale Adult School habang naghihintay sa kanya. Nakilala ko na rin halos lahat ng mga kamag anak nila sa America dahil isinasama nila ako sa kanilang family reunion. Masaya at maayos naman ang naging resulta dahil marami sa kanila ang nagbigay ng magandang atensyon sa akin. Pasko nang makausap ko ang aking fiancee mula sa Saudi Arabia. Hindi pa nya alam na nasa America na ako at naghihintay sa kanyang pagbabalik. Kaya naman malaking surpresa iyon sa kanya. Upang hindi ako mainip, Enero ng 1990 nang ipasok ako ng kanyang ama sa Mc Donald sa down town Los Angeles. Marami akong nakilalang mga kaibigan at kapwa Filipino na nagtatrabaho rin doon. Nagpadala ako ng liham sa Pilipinas upang ipaalam sa aking mga magulang at mga kapatid na huwag silang mag-alala dahil mabuting tao ang napuntahan ko sa US. Marami kaming nilapitang tao para mapadali ang pag-uwi ng aking fiancee dahil tatlong buwan lang akong pwedeng mag-stay sa US nang hindi kasal. Lumapit din kami sa mga lawyer na kakilala ng kanyang mga magulang at nagpadala ng liham sa Congress. Sa sagot nila sa aming liham, sinabi lang na hindi pwedeng abalahin ang Presidente dahil busy sa Gulf War. Nakakatawa pero totoo ang nilalaman ng liham na buhat sa Congress. Pero hindi pa rin kami nawalan ng pag-asa kaya naghintay pa rin kami. Sa dalawang buwang paghihintay ko sa aking fiancee, maraming takot ang aking naramdaman. Iniisip ko palagi na baka hindi na nga kami magkitang muli. May mga kaibigan silang nagsasabi na ipakasal na lang kami sa pamamagitan ng radio station or tv station dahil nawawalan na kami ng pag-asa na mapapauwi pa siya bago mag-expire ang aking Visa. O kaya naman magpakasal kami sa pamamagitan ng proxy at ang kanyang ama ang siyang magpo-proxy sa aming kasal. Hindi ako makapaniwala sa mga sinasabi nila. Ang paghihintay ko ay hindi naman nagtagal dahil sa tulong ng kanyang command ay nakabalik din siya sa America. February 22, 1991 nang salubungin namin siya sa San Diego airport. Hindi nawala ang kaba ng dibdib ko nang makita ko siya sa personal. Paglipas ng ilang buwang paghihintay ay nawala na rin ang aking kinatatakutan. February 24, 1991 nang kami ay magpakasal sa San Diego. At sa araw ng aking kasal, mula sa mobile home na aming tinitirhan hanggang sa simbahan, nangangatog ang aking mga paa. Pero nawala rin ang kaba ko aming reception. Napalitan na ito ng walang katapusang tuwa dahil natapos na rin ang aking paghihintay. Sa kalagitnaan ng aming pagsasayaw ay nawalan ako ng malay at nang magising ako ay wala na lahat ang aming mga bisita. Pati na rin ang kanyang mga magulang na hindi ko na pasalamatan sa lahat ng mga suportang ibinigay nila sa amin habang ako ay naghihintay sa aking fiancee. Isang linggo ang lumipas, namasyal kami sa Los Angeles para dalawin ang kanyang mga magulang. Hindi namin inaasahan na lahat ng kanilang mga kaibigan at mga kapit-bahay ay nagbigay ng welcome home party sa aking kabiyak. Nagsimula uli ang aking kaba dahil halos lahat ng radio station reporter at tv station reporter na dati ko lang nakikita sa Tv at naririnig sa radio ay nakita ko ng personal at nag-interview sa aming mag-asawa. Pati sa Mexico nakarating ang balita dahil sa mga kaibigan nilang Mexicans. Ngayon ay may dalawa na kaming anak. Retired na siya sa Navy at kasalukuyang naninirahan dito sa Carson City, Nevada. Pero hangang ngayon ay hindi pa rin namin nakakalimutan ang mga nakaraan sa aming buhay. Hindi naming nakakalimutan ang mga taong tumulong sa akin para makarating sa US. Naging maayos ang naging buhay ko sa piling ng aking asawa at ng kanyang mga magulang. Tinangkilik nila ako at nagbigay sa akin ng lakas ng loob sa oras ng aking pangangailangan. At dahil na rin sa aking asawa, nakatutulong na ako sa aking mga magulang at kapatid. Nakabili ng sariling lupa sa Pilipinas at nakapagpatayo ng bahay para sa aking mga kapatid. Masaya na ako at maganda na ang buhay ko ngayon sa America. Natapos na rin ang paghihirap ko sa pangangatulong. Ngayon ako naman ang tumutulong sa mga taong nakikita ko na naghihirap dito sa America. Madalas kong sinasabi ngayon sa aking mga anak, kung may hirap may ginhawa kaya huwag mawalan ng pag-asa sa buhay. Marami pong salamat sa mga kababayan kong sumusubaybay dito sa Pinoyabroad@gmanews.tv. Kung hindi dahil sa inyo, hindi ako magkakaroon ng lakas ng loob na ibahagi ang kasaysayan ng aking buhay. - GMANews.TV Josie C.C. NV Kung May Hirap, May Ginhawa (1) Kung May Hirap, May Ginhawa (2)