ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Homesick o homeseks?


Ikaw ba ay talagang nakararanas pa ng homesickness hanggang ngayon? Kung ganoon, basahin mo muna ang mga sumusunod na letra ng Pa-ABAKADA. Game KNB? Game na! S N M S Y K. T W K H? T W N… H H H H… H L T W P… H H H H… M S Y K N B? W L P? H L! P R K T NG… N K NG NG K N… T M B? H L… NG NG K P? M H L G T L G P R M S Y K… T W N… H H H H 'Yan ang tamang exercise ng bunganga para ang homesick ay mawala. Pero 'wag namang sobra, papasok ang langaw, mahihilo sila. (At least, sa Baygon, nakatipid ka!) O, naho-homesick ka pa ba? (Konting praktis pa ng ABAKADA). Ang homesickness ay isang pakiramdam ng taong nangungulila sa mga mahal sa buhay - sa anak, asawa, magulang, mga taong malalapit sa iyo na nagbigay kulay sa dati mong mundo. Samantalang ang homeseks naman "daw" ay isang masidhing pakiramdam (makara?) ng isang taong nangungulila lalo na pagsapit ng dilim o madaling-araw at naalala ang asawa at ilalabas ang matigas na… ice cube at bubuhusan ng cola. Uminom ka muna at nang mahimasmasan na, sabay sa pagkanta ng "So please, understand my situation, I love you but I cannot be with you" (ang lupitttt!). Homesick, homesick at homesick. ‘Di ba't halos 'di mawaglit sa ating ulirat at pag-iisip? Sabi nila, ito ay sa simula lang. Ngunit hanggang ngayon ay patuloy pang nararamdaman lalo na't may mga anak na naiwan. Mabuti na lang may FOCAL magazine sa Israel na nagbibigay saya't ligaya. Kahit papaano, homesick ay naiibsan (kaya laging sold-out saan man!). Simula pa lamang nang mag-apply tayo rito, homesick ang sinasabing kalaban ng isang OFW. Ngunit nanaig ang pag-asa nating magpatuloy na maglakbay kaysa naman magugutom ang pamilya at titingala na lamang sa bahay. "Tititiisin ko ito, titiisin ko para sa mga anak ko!" Yan ang lagi nating sinasambit. Sabay patak ang mga luha at hagulgol hanggang ang mata'y mamaga nang ika'y nangibang bansa. Pagkalipas ng ilang taon, kumusta na kabayan? Ganyan pa rin ba ang iyong nararamdaman? Ibig sabihin, nananabik ka na talaga na mahagkan ang mga mahal sa buhay. Nakokontento ka na lamang ba sa larawan na laging tinititigan at sa ilang sandali na tawag sa telepono para marinig ang kanilang tinig? Lalo na't narinig mong ganito ang sinasambit ng mga anak mo… "Mama/Papa, umuwi ka na, kahit wala na tayong pera at bahay, basta umuwi ka na. Miss na miss na kita, hu hu hu.." Sino ba namang magulang ang hindi madudurog ang puso kapag nakakarinig ka ng ganito sa mga anak mo? Gustuhin mang umuwi o magbakasyon sa sandaling iyon, no choice talaga eh, maliban na lang kung talagang medyo nakaipon ng konting pantustos habang magbabakasyon. O minsan umuutang na lamang makauwi at makapiling lamang ang mga anak na hirang kahit saglit lang. Ganyan ang magulang, mapagmahal, maalalahanin, gagawin ang lahat ng pagsasakripisyo para mga mahal sa buhay - na parang abot-kamay lamang. Isang malaking hamon din ang pangingibang bansa lalo na sa bahagi ng mga may-asawa. Dahil sa pansamantalang paghihiwalay, may tuksong nakaamba sa sinuman at susubok sa katatagan kung papaano ito mapaglalabanan. Sa bahaging ito, naglalaro sa isipan ang pabirong-salita na "homseks" sa halip na homesick lang. Dahil paano nga ba naman pupunan ang pangangailangang sekswal gayong malayo sa kabiyak? Sabi nga nila, it depends upon the beholder how you manage yourself and how you handle situations as far as sexual desire is concerned. Solusyon? Napakadali para sa iba. Karamihan, kakapit sa bawal na pag-ibig at dito umuusbong ang salitang "motek" (sweetheart) na lintek. Lilinya ng, "tao lang ako." But it is not a good excuse either dahil kailan ka ba naging ipis, aso, pusa o daga para maging exempted at mahulog ka sa bitag ng iba? Hindi matalinong desisyon ang isuko ang katawan sa ibang tao at hayaan mong kalikutin o mangalikot ng kung sinu-sino para matugunan ang sekswal na pangangailangan mo. Malaki ang responsibilidad ng bawat isa sa pangangalaga ng pangangatawan at hindi hinahayaang babuyin ng ilan. Let me share a simple lines I've read in a wedding invitation that goes this way. "I submit myself and share with YOU the beauty of life. Whatever trials come between us, I promise to LOVE you with all my HEART and be with you faithfully for you are a precious gift sent by GOD..." Napakaganda at napakadaling unawain di ba? Sa unang linya, hindi po sinabing "I submit myself and share with ANYBODY…" Ngunit nang makawala sa piling ng asawa, bakit ka nagpaparaya sa iba at tila nagiging parausan na? Hindi po ito ang tamang solusyon kung ika'y nakararanas ng homesickness. Subukan mong mag-isip ng libangan o hobbies na maaari mong pagkaabalahan. Gaya ng paintings, cross-stitching, composing literary pieces, mag-gym, mag-surf sa internet, learn to play musical instruments like piano, guitar, drums (except playing organ, baka ibang organ ang mabutingting, yofi!), lumahok sa kapaki-pakinabang na gawain ng isang samahan o seminar workshop, take time to read the BIBLE as well, you need to PRAY a lot in order to escape from evil thoughts and wrong doings. Sa ganito at sa muli nating pag-uwi para makapiling ang ating kabiyak o mga mahal sa buhay, taas-noo nating sasabihing, "I am proud! Nakatiis ako, malinis at marangal, kung nahomesick man, naka-survive ako!"… At muling bigkasin ang mga letra ng pa-ABAKADA… N P K S Y, B K S M K L W, N K NG NG K P! T M N… M H L G, M S Y K! H L… NG NG P! - GMANews.TV By: Yoseff E. Siador Jerusalem, Israel yoseff_koneks@yahoo.com Mga Kapusong Pinoy! Marami kaming natatanggap na papuri at pasasalamat mula sa ating mga kababayan sa abroad dahil sa ating Kwentong Kapuso. Nagpapasalamat sila dahil nabigyan sila ng puwang sa Pinoy Abroad section ng GMANews.TV na marinig ang kanilang saloobin. Ang iba naman na hindi nagbabahagi ng kanilang kwento ay ipinapahatid ang kanilang pasasalamat dahil nakakapulot sila ng aral at kaalaman sa mga Kapuso natin na nagpadala ng kanilang kwento. Mas marami ang nagsasabi na ang kwento ng iba ay kwento rin nila. Dito ay nalalaman nila na hindi lang sila ang dumadaan sa ganoong mga sitwasyon. Mga kwentong humaplos sa kanilang puso at nagpapatatag sa kanilang kalooban. Nais po naming ipaalam sa inyo mga Kapuso sa abroad na kami ang dapat magpasalamat sa inyong pagtitiwala na ibahagi ang inyong kwento. Ang bawat pagbubukas nyo ng inyong puso - malungkot man o masaya - ay nagbibigay sa amin ng kaalaman kung papaano ang buhay ng malayo sa bansa, lalo na sa mga mahal sa buhay. Hindi kami magsasawa na basahin ang inyong kwento, maigsi man ito o milya-milya ang haba. Kahit ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, nagsusumbong, nais lang magpatawa o kaya naman wala lang, dahil walang magawa. Ang effort nyo na magbukas ng computer o laptop, at bisitahin ang ating GMANews.TV ay malaking pasasalamat na - papaano pa kaya ang maglaan kayo ng panahon na magtipa ng inyong kwento at ipadala sa amin - ay talagang nagpapataba ng aming puso. Kaya hihintayin pa rin namin ang inyong mga email sa Pinoyabroad@gmanews.tv para magkaroon ng pagkakataon na makipag-ugnayan sa ating mga kababayan saan man dako sa mundo. Saludo po kami sa inyong pagsasakripisyo mga Kapuso. At maraming salamat sa inyong walang tigil na pagtitiwala.