ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Buhay Saudi talaga


A friend named "Maeng Ni" posted this. Lahat ng sinabi niya nakakatuwa at totoo, tiyak makakarelate ka. Akala ng mga tao na nasa Pilipinas kapag nasa Saudi ka akala nila marami kang pera ng langis. Ang totoo, marami kang utang. Dahil credit card lahat ang gamit mo sa pagbili mo ng mga gamit mo. Kailangan mong gumamit ng credit card kasi naubos na ang cash sa kapapadala sa Pinas. Kasi kapag hindi ka nagpadala, iisipin nila nakalimutan mo na sila. Akala nila mayaman ka at marami kang pera kasi buwan-buwan, libu-libo padala mo, walang palya. At kapag pumalya ka, iisipin nila baka nagbisyo ka na o may sinusustentuhan kang iba. Hindi nila alam na food allowance na lang ang natitira sa'yo. At kapag kinulang ka, umuutang pa at lista muna sa malapit na bakla. Kapag may okasyon sa Pinas - birthday, fiesta, anniversary, Pasko, New Year, at iba pa - padala ka agad ng panghanda, ang sarap ng kainan nila. Hindi nila alam ikaw tyaga sa budget meal, noodles o de lata at itlog na nakakabutlig na ng balat, hay naku! Akala ni Tatay, Nanay, Ate, Kuya, anak, mga pamangkin at iba pa namumulot ka ng pera sa Saudi. Kapag may problema text kaagad. Kamusta sa una pero sa bandang huli kailangan ng pera. Hay naku! Nakaka-alergic na ang text sa roaming puro gastos…minsan ikaw ang nagpapadala ng load. Load mo nga utang pa nga! Hay naku! Bakit ba nauso pa 'yan, dagdag gastos lang talaga. At kapag 'di ka reply aawayin ka pa! Akala nila masarap maging OFW at tinatawag ka na "bagong bayani." Naku mas masarap pa 'yong nasa Pinas na sa katas ni "bagong bayani" ay syang umaani! Utang sa Saudi lalong dumarami. Akala nila masarap sa Saudi 'di nila alam 'di ka na nga makauwi kasi roundtrip ticket kina-cash pa mapadala lang at ibayad sa utang. Akala nila sosyal ka na kasi ang kulay ng buhok mo uso pa at naka-highlight pa. Hindi nila alam, ang buhok mo namumuti na sa stress at problema at kapag minalas, nalalagas pa! Akala nila masarap sa Saudi kasi pag-uwi mo mestiso ka. Maputi at mamula-mula ang balat mo, 'di nila alam na babad ka sa opisina at kulong sa bahay mo dahil no choice ka. Kasi ang mga kapit-bahay mo 'di mo kaano-ano, walang pakialaman at kung lalabas ka sunog ang balat mo sa sobrang init ng araw! Akala nila mayaman ka na kasi may kotse ka na. Ang hindi nila alam hulugan pa ito. Ang totoo, kapag hindi ka bumili ng kotse sa Saudi maglalakad ka ng milya-milya sa ilalim ng init ng araw o kaya sa winter na kasama ang asawa mong nakatakip ang mukha. O kaya naman tiyaga kang mag–abang ng saptco o coaster na ubod ng babaho ng mga pasahero. At pagbaba mo amoy putok ka na rin, grabe! Walang jeepney, tricycle o padyak sa Saudi... Maraming mga driver na ubod ng baho. Kapag minalas ka pa ang taxi driver na nasakyan mo rapist pa! Akala nila masarap ang buhay dito sa Saudi pero ang totoo puro ka trabaho. Kasi kapag 'di ka nagtrabaho, terminated ka na gagawan ka pa ng kwento ng kapwa mo Filipino dahil sa inggit. Hindi ka na pwedeng tumambay sa labas kasi baka ma-rape ka pa. Kapag ikaw ay palaboy- laboy lalo na kung ikaw ay nakasando o short na maiksi. Naku! takam na takam ang mga manyakis na ibang lahi! Akala nila masaya ka kasi nagpadala ka ng picture mo sa Redsand, Hidden Valley, Faisaliah Mall, Riyadh Zoo, Corniche, Obhur at iba pang attractions. Ang totoo, kailangan mo ngumiti kasi minsan-minsan ka lang makakapagpa-picture. Hindi kasi basta-basta pwedeng magpakuha ng picture dito at baka makulong ka. Akala nila malaki na ang kinikita mo kasi riyal na sweldo mo. Ang totoo, medyo malaki kapag pinalit mo ng peso. Pero hindi ba ang gastos mo rin dito sa Saudi riyal din. Ibig sabihin ang riyal mong kinita, sa presyong riyal mo din gagastusin. Ang P15.00 na sardinas sa Pilipinas, sa Saudi 3.00 riyal. Ang isang pakete ng sigarilyo sa Pilipinas P40.00, sa Sudi SAR 6.50. Alangan namang puro cafeteria food ang kakainin mo aba mamatay ka sa highblood o heap nyan kasi nga umaapaw na sa mantika! Kaya lang 'pag naubusan ka ng pera no choice you have to take the risk . Akala nila buhay milyonaryo ka na kasi ang ganda ng bahay at kotse mo. Nagpa-lipo kay Calayan at nagparetoke kay Vicky Belo. Ang totoo nag-loan ka lang sa Saab, Samba o Riyadh bank na huhulugan mo ng limang taon. Ibig sabihin, alipin ka ng bahay at kotse mo at ng luho mo at ng bansang ito! Kasi nga mag-loan ba naman dahil sa luho bwahahaha! Maraming naghahangad na makarating sa Saudi lalo na mga nurse at mga medtec, pati cleaners kasi mahirap maging normal na manggagawa sa Pilipinas. Madalas pagod ka sa trabaho 'pag dating ng sweldo mo, kulang pa sa pagkain mo. Pero ganun din naman sa ibang bansa lalo na kaya sa Saudi. Wala kang outlet ng stress mo kasi maraming bawal! Hindi ibig sabihin riyal na ang sweldo mo, yayaman ka na. Kailangan mo ding magbanat ng buto para mabuhay ka sa ibang bansa. Isang malaking sakripisyo ang pag-alis mo sa bansang sinilangan at malungkot iwanan ang mga mahal mo sa buhay. Hindi pinupulot ang pera rito o pinipitas o iniigib. Hindi ako naninira ng pangarap, gusto ko lang buksan ang bintana ng katotohanan. Mahirap mangibang bayan. Sino ba ang may gustong iwan ang sariling bayan? Manilbihan sa dayuhan at malayo sa pamilya? Hangga’t may Pinay DH na nangingibang bayan na simbolo ng ating kahirapan. Ang kawawang bayan ni Juan patuloy na mapag-iiwanan. Kaya Juan iwan ka ng pera para sa'yo, para sa kinabukasan mo. Nilo Monge