ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Ayos ang buhay sa Qatar


Kapuso, sumulat po ako sa inyo upang magkaroon ng linaw ang malabong paglalarawan ni kabayang " evergreen 2007" tungkol sa buhay dito sa Qatar. ‘Di yata ayos yung mga hinaing nya sa buhay dito. ‘Di naman po ganoon kamiserable ang mga bagay tulad ng binanggit niya. Dapat nga magpasalamat siya kasi binigyan siya ng pagkakataon para maiangat ang buhay nito. Ang mga hinaing niya ay personal na niya kasi po nasa tao po ang pagkontrol sa kinikita niya dito. Masyado palang maluho si kabayan kasi may kotse na sarili na siya at iba pang luho na ‘di naman niya kaya-bangan. Ang tungkol sa transport karwa ok naman po ang serbisyo at 80% driver nito ay mga kabayan natin. At ang pamasahe ay 3 riyal lang sa 25 or more kilometer. Kung ayaw niya makahalo ang ibang lahi sa pagsakay dito, dapat mag-taksi o limousine mayroon din dito. Pangit po kasi yung lahat ng sinabi niya sa Qatar at puro kabulaan. Kasi po 28 years na po ako rito since Jan.9 1980 nandito na po ako sa Qatar. Wala po akong masabing ‘di ayos maging sa mga Qatari, basta sumunod lang sa tradition/kultura nila. Sana po kung susulat ang ibang kabayan natin maging makatotohanan. Guest worker lang tayo rito so kung ayaw o ‘di kaya ang makibagay sa Qatari o saan man, umuwi ka na lang. ‘Di yung puro ngak-ngak ‘di mo naman kayang iwan ang trabaho. Aalis ka kaya kang palitan ng sampung tao. So maging totoo ka na lang sa sarili mo. Maraming salamat po. - GMANews.TV Lito E. Maligayang Pasko at Masaganang Bagong Taon mga Kapusong Pinoy! Marami kaming natatanggap na papuri at pasasalamat mula sa ating mga kababayan sa abroad dahil sa ating Kwentong Kapuso. Nagpapasalamat sila dahil nabigyan sila ng puwang sa Pinoy Abroad section ng GMANews.TV na marinig ang kanilang saloobin. Ang iba naman na hindi nagbabahagi ng kanilang kwento ay ipinapahatid ang kanilang pasasalamat dahil nakakapulot sila ng aral at kaalaman sa mga Kapuso natin na nagpadala ng kanilang kwento. Mas marami ang nagsasabi na ang kwento ng iba ay kwento rin nila. Dito ay nalalaman nila na hindi lang sila ang dumadaan sa ganoong mga sitwasyon. Mga kwentong humaplos sa kanilang puso at nagpapatatag sa kanilang kalooban. Nais po naming ipaalam sa inyo mga Kapuso sa abroad na kami ang dapat magpasalamat sa inyong pagtitiwala na ibahagi ang inyong kwento. Ang bawat pagbubukas nyo ng inyong puso - malungkot man o masaya - ay nagbibigay sa amin ng kaalaman kung papaano ang buhay ng malayo sa bansa, lalo na sa mga mahal sa buhay. Hindi kami magsasawa na basahin ang inyong kwento, maigsi man ito o milya-milya ang haba. Kahit ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, nagsusumbong, nais lang magpatawa o kaya naman wala lang, dahil walang magawa. Ang effort nyo na magbukas ng computer o laptop, at bisitahin ang ating GMANews.TV ay malaking pasasalamat na - papaano pa kaya ang maglaan kayo ng panahon na magtipa ng inyong kwento at ipadala sa amin - ay talagang nagpapataba ng aming puso. Kaya hihintayin pa rin namin ang inyong mga email sa Pinoyabroad@gmanews.tv para magkaroon ng pagkakataon na makipag-ugnayan sa ating mga kababayan saan man dako sa mundo. Saludo po kami sa inyong pagsasakripisyo mga Kapuso. At maraming salamat sa inyong walang tigil na pagtitiwala.