ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Yaman ng kulturang Pinoy


Lumipas na naman ang isang taon. Tila ba isang iglap lang at natapos ito na waring walang naganap na tuwirang pagbabago sa lipunan. Isang taon na nangarap ng katiwasayan sa pamumuhay ang bawa’t mamamayang Pilipino; at bigo pa rin ang karamihan. Ano ba naman ang simpleng buhay na dapat makamit ni Juan dela Cruz? Maayos na trabaho, masarap na pagkain sa lamesa, magarang damit na maisusuot, maipagamot ang iniindang sakit sa katawan, at iba pa. Marahil ang mga pangarap na ito ay patuloy na sumasalamin sa sakit ng lipunan, na umuugat sa bulok na sistemang pulitikal na siyang patuloy na nagpapahirap sa ating mamamayan. Ito marahil ang dahilan kung bakit marami sa ating mga kababayan ang patuloy na nakikipagsapalaran sa ibang bansa upang matugunan ang pangangailangan at makamit ang minimithing katiwasayan ng pamumuhay. Kahapon lamang, sa aking masugid na panonood ng programang pang-Pilipino, marami pala sa ating mga kababayan ang napauwi mula sa Taiwan dahil sa pagkalugi ng mga pagawaan at pabrika na nakadepende sa ekonomya ng Amerika. Alam naman natin kung gaano kalaki ang lawak ng impluwensya ng bansang Amerika sa kanilang pangangalakal sa iba’t-ibang bansa sa buong mundo. Dahil sa hinaharap na krisis pang-ekonomiya, ang Estados Unidos ay nasasadlak sa matinding problemang pinansyal. Dahil dito, marami ang patuloy na nawawalan ng trabaho ‘di lamang sa Amerika kundi sa buong mundo. Tiyak na marami ang tuwirang maghihirap sa bagong taon. Lalo pa’t wala namang programa ng pamahalaan na tutugon sa krisis na ito. Nanggagalaiti sa galit ang isang kababayan natin na napauwi sa Taiwan. Kasi hindi pa nya nababayaran ang “placement fee" na ipinangutang niya para lamang mangibang bansa. Umalis siya na buo ang pangarap at matayog ang mithiin na makamit ang matiwasay na pamumuhay, subalit umuwing bigo at sawimpalad. Sa totoo lang, masaklap ang hinaharap natin lahat ngayong bagong taon dahil sa patuloy na krisis pinansyal na humahagapit sa buong mundo. Sang-ayon sa isang ekonomista sa Pilipinas hindi pa raw tuluyang nararanasan ang krisis na ito sa Pilipinas. At ‘pag tinamaan daw ng husto ang ating bansa, marami ang mawawalan ng trabaho, at patuloy na pagkalulon sa kahirapan ng ating mamamayan. Sa mga kagalang-galang na mga politiko natin na maayos ang pamumuhay dahil sa karangyahan at katanyagan, ‘di nila alintana ang kalunos-lunos na sinasapit ng ating mga kababayan sa kabila ng mapagkutyang kahirapan. Patuloy pa rin ang kanilang kahangalan at kahibangan sa pagkalasing sa kapangyarihan. Ano ba ang kailangan para magising sila sa katotohanan na sa serbisyo publiko ay inuuna muna ang kapakanan ng mamamayan bago ang sarili? Kung buhay lang siguro si Gat Jose Rizal, baka lalo siyang masuklam sa nakaririmarim na kalakalan sa pulitika sa ating bansa. At dahil dito, baka makapaglimbag pa nga siya ng bagong serye sa kanyang librong Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Bwa! Ha! ha! Kalilipas lang ang selebrasyon ng Araw ni Jose Rizal kaya’t hayaan natin na sariwain ang kahalagahan ng kanyang iniwang pamana sa mga Pilipino: “di-makasariling pamumuhay, pagmamahal sa kapwa higit pa sa sarili, pagkakakawang-gawa, pagsasakripisyo, pagkamatulungin, mainam na pakikipag-kapwa tao at pagmamahal sa sariling bansa." Lahat ng ito’y waring nauugat sa kulturang Pilipino pero unti-unting naglalaho na parang bula sa pag-ikot ng kaunlaran. Sa aking patuloy na pagnilay-nilay, aking napagtanto na sadyang mahirap na buwagin ang ‘di-magandang sistemang nakaukit na sa ating kultura. Maihahalintulad ito sa dugo na nanalantay sa ating katawan na siyang nagbibigay ng buhay sa atin; “ang sistemang kultural na siyang bumubuo sa ating kamalayang Pilipino ay kumakatawan ng ating pagkakilanlan sa mundo. Masasabing ang Pilipino ay malikhain pero mapanira; mapagmahal pero mapag-imbot; matulungin sa kapwa ngunit nakikitaan ng ‘utak talangka’; mapagpakumbaba datatpwa’t nagpapayabangan sa isang banda; at matalino subalit ‘di mapanuri sa mga isyung sosyal sa lipunan." Ang mas nakasusuklam ay ang ating ugaling pagwawalang bahala sa mga kritikal na isyung sosyal sa ating bansa. ‘Di kagaya noong nakaraang dekada kung saan ang mga Pilipino ay mapanuri sa mapang-aping pamahalaan at nagkaisang gumawa ng makasaysayang “People Power". Ano ba ang nangyari magmula noon? Tila ba napagod na ang mamamayan sa kanilang pakikibaka sa mapang-aping gobyerno. Mas kuntento na lang ang karamihan na punan ang kumakalam na sikmura kaysa ipaglaban at ituwid ang baluktot na sistemang pulitikal. Ang iba naman ay talagang hindi na umaasa sa posibleng magbabago ng ating lipunan. Sadyang ito ang pinakamasaklap sa lahat – kung ang bawa’t isa sa atin tuluyang mawalan ng pag-asa na makamit ang pagbabago, saan kaya tayo dadalhin ng tadhana? Mas pipiliin pa ng iba na mag-shopping na lang kaysa makibahagi sa pulitikal na proseso. Halimbawa, noong nakaraang buwan, marami ang nakilahok sa protesta laban sa gobyerno sa Maynila. Pero mas marami naman ang ipinagwalang bahala ito. Pinapatunayan lamang na wala na sa atin ang makabayang kamalayan, dahil napagod na rin marahil ang mamamayan sa paulit-ulit na mala-sarsuwelang pangangalakal ng ating pamahalaan. Mas nakatutok pa nga ang karamihan sa pamimili sa mga shopping malls! Kung tutuusin, tayo’y mga Pilipino ay lubusan ang ating pagkahumaling sa mga bagay-bagay na kumpuni o ginawa sa ibang bansa. Tahasan nating iniiwasan ang mga lokal na produkto kasi sa ating kamalayan ito’y madaling masira at ‘di maganda. Kaya hayun naglipana ang mga “imported goods" na kumukumpitensya sa ating mga lokal na produkto. Lingid sa kaalaman ng karamihan, ito ang siyang pangunahing dahilan kung bakit unti-unting nawawalan tayo ng kumpiyansa ng sariling atin. Kahit anong bagay na gawa sa atin ay ‘di gaanong pinapangahalagaan. Pero kung tutuusin, marami sa mga produkto na ibinebenta rito sa Amerika ay gawa diyan sa Pilipinas. Laking gulat ko nang nakita ko na ang paborito kong “Polo shirt ni Ralph Lauren" ay gawa sa Pilipinas. Pati ang iba pang magagarang damit kagaya ng Calvin Klein, INC, DKNY, Guess, at marami pang iba ay pawang ginawa sa Pilipinas! Nagpapatunay lang na mataas ang kalidad ng ating teknolohiya. Ngayong bagong taon, ang sa ganang akin, dapat siguro na baguhin natin ang maka-dayuhang pag-iisip at iwaksi ang ating mapanirang “colonial mentality." Dahil dito hindi tayo makausad sa ating pagkakasadlak sa banyagang kultura. Ito marahil ang dahilan kung wala tayong tuwirang pagkakakilanlan sa buong mundo. Kumbaga, gaya-gaya na lang tayo sa kung ano ang uso sa Amerika, o sa ibang bansa. Kalunos-lunos ika nga ang ating sitwasyon. Sana’y lubusan nating isabuhay ang magandang asal ng Pilipino na magpapatibay sa ating pagkakakilanlan – ang pagpapahalaga sa yaman ng ating kultura. - GMANews.TV Elmer Palmones New York City, USA Mga Kapusong Pinoy! Maraming salamat sa nagdaang taon ng ating kwentuhan. Maraming salamat sa inyong pagtitiwala at binuksan ang inyong buhay para ibahagi sa iba. Ang mga karanasan, saloobin, payo, at kung ano-ano pa na ibinahagi nyo sa Kwentong Kapuso ay nagbigay ng lakas ng loob, dagdag na kaalaman at pumawi ng kalungkutan sa marami nating kababayan na malayo sa kanilang mahal sa buhay. Sana'y hindi kayo magsawa sa pagbisita sa ating pambansang website na GMANews.TV at silipin ang iba't-ibang bahagi nito lalo na ang Pinoy Abroad at OFW Station na sadyang nilikha para sa inyo. Muli ang papuri at pasasalamat ay ibinabalik namin sa inyo mga kababayan naming nagtitiis sa ibang bansa upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga mahal sa buhay. At tulad ng nagdaang taon, hinding-hindi kami magsasawa na basahin ang inyong kwento, maigsi man o milya-milya ang haba. Kahit ang laman ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, nagsusumbong, nais lang magpatawa o kahit wala lang, dahil walang magawa. Hihintayin pa rin namin ang inyong mga email sa Pinoyabroad@gmanews.tv para magkaroon ng pagkakataon na makipag-ugnayan sa ating mga kababayan saan man dako sa mundo. Saludo kami sa inyo mga mahal naming kababayang Pinoy sa abroad! Mabuhay kayo mga Kapuso!