ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Maswerte nga ba ako? (1)


Limang buwan na ako rito sa Dubai…August 10, 2008 nang tumungtong ang mga paa ko sa UAE. Noong nandun pa ko sa Pilipinas bago ako umalis sobrang excited ako, excited sumakay ng eroplano, excited mangibang bansa. Hindi naman ako turista pero parang ganun na rin kasi visit visa ang hawak kong papeles. Katulad ng ibang pumupunta sa Dubai, trabaho ang hanap ko rito. May asawa't anak na rin ako, dalawa ang naiwan ko sa Pinas - isang nagdadalagang 12- years-old at isang boy na si “Bunsoy" kung tawagin ko, 4-years-old naman. Ang aking asawa ay isa ring OFW sa bansang Qatar. Nagtataka siguro kayo bakit kailangan kong pumunta rito samantalang nasa abroad naman ang asawa ko. Maliit ang sweldo niya roon, hindi sapat para mapag-aral namin ang dalawa naming anak sa mahusay na eskwelahan. Apat na taon mula ngayon ay may kolehiyo na ako - in short hindi kaya ng husband ko na i-provide ang family needs namin na mag-isa. Kaya naman kailangan niya ng tulong ko, at sayang naman ang kasabihan na, "oppurtunity knocks once." Marami ang nagtatanong sa akin, "mabuti pinayagan ka ng asawa mong mag-abroad at iwan ang dalawang anak mo?" Totoo nga naman mahirap iwanan ang dalawang bata na walang magulang. Hindi ko naman idea ang pumunta rito sa Dubai. Tulad din ako ng ibang ina na ayaw iwan ang kanilang anak. Gusto kong nakikita at nasusubaybayan ang paglaki ng mga anak ko. Pero malupit ang tadhana sa amin mag-iina. Ito ang gusto ng Daddy nila, ito na rin ang ginusto ko, para na rin sa kinabukasan nila. Ayaw ko kasing dumating ang panahon na kailangan na nilang mag-aral tapos wala kang pera. Tanggapin na natin na kahirapan ang dahilan kaya nandito tayo sa ibang bansa. Mas may opportunity dito…mas malaki ang sahod. Noong nalaman ng buong kapit-bahay namin na aalis ako, alam kong marami ang nainggit at marami ang natuwa. Sabi nila swerte raw ako dahil wala akong hirap na makapupunta sa Dubai. Totoo naman kasi iyon...’ni isang sentimo kasi wala akong ginastos. Mabait lang talaga ang Diyos kasi binigyan nya ako ng biyenang mabait na nag-provide ng gastusin ko. Iyon din ang isa sa mga naging dahilan ko para pumayag na pumunta rito Libre at parang binigyan ka lang ng pagkain sa harap mo, ang gagawin mo na lang ay nguyain at lunukin, ‘di ba maswerte ako? Ang iba ay nangungutang pa para lang makapunta rito, ang iba nagsasangla ng gamit para lang may pang-placement fee. Ako ‘di ko prinoblema ang pera. Nandyan sila para tumulong sa akin. Kung ikaw, hindi mo ba iga-grab ang opportunity, pero ang kapalit ay pagkalayo sa mga anak mo? Pero kahit papaano kailangan ko rin namang ibalik ang kanilang nagastos sa akin kapag nakaluwag-luwag na kami. Madaling sabihing maswerte nga akong nilalang at nandito na ko sa Dubai ngayon, nakapunta ng walang hirap, pero yun nga rin ang akala ko. Nang unang araw ko rito super init para kang nasa oven. May idea naman ako na ganito kaiinit sa Dubai ‘pag summer, pero di ko inakala na ganito pala ang pakiramdam ‘pag nandito ka na. Daig mo pa ang nasa oven na inakala ko. Nang dumating ako rito hanap kaagad ako ng trabaho, isang araw na pahinga sa jetlag tapos lakad na. Akala ko ganun lang kadali ang lahat gaya ng mga sinasabi ng kamag-anak ng asawa ko. Ilang CV(Curriculum Vitae) ba ang naubos ko? hindi ko na mabilang. Basta ang alam ko ginawa ko ang lahat para makahanap kaagad ng tabaho. May diploma naman ako, yun lang ang bala ko sa laban na ito. Sobrang hirap ang naranasan ko sa paghahanap ng trabaho. Bukod sa sobrang init, inabot pa ako ng Ramadan. Kaya hindi pwedeng kumain in public, sarado ang mga kainan sa umaga, hindi pwedeng uminom ng tubig in public. Hindi ko kaya naranasan ito sa Pinas, ang mag-effort na maghanap ng trabaho ng ganito. Kasi naman sa atin, ‘pag nakitang married ka na sasabihin, "don't call us, we'll call you." Kaya never talaga akong naghanap ng trabaho na ganito ka-dibdiban. Natatandaan ko ubos na ang pera ko pero kailangan kong mainterview sa Shiekh Hayed road. From Satwa to Skiekh Hayed road nilakad ko. First time in my life na maglakad ng ganun kalayo sa init ng araw. Naisip ko nga, “sana pala sumama ako sa way of the cross sa Pinas noong mahal na araw at least may practice ako." Wala na kasi akong pang-taxi, 1 hour akong naglakad para lang matunton yung interview na yun. Kaya lang ‘di na ko tumuloy kasi sobrang sakit ng paa ko. Nang tingnan ko sa toilet ang 10 toes ko puro paltos hanggang talamapakan. Ngunit hindi ako umiyak noon, ginamot ko ang sugat at kinabukasan larga ulit. Masakit pa ang paa ko pero this time nagsuot na ko ng stinelas, pagdating ko sa building nag-pass ng CV suot ulit ang shoes. Ang dami kong nakilalang mga kabayan sa daan na katulad kong naghahanap ng kapalaran sa Dubai. Ilang Pinoy na ba ang nakapalitan ko ng mobile number…napuno nga ang phone book ko, pero mailap pa rin sa akin ang swerte. Minsan naman dahil nga sa Ramadan noon walang mabilhan ng pagkain. Pang-apat na interview ko hindi ko nakaya. Kaka-walk-in ko ay nalipasan ako ng gutom. May typing test ako pero hindi ko na kinaya dahil kamuntikan akong himatayin sa loob ng opisina. Sobrang panghihinayang ko dun sa shipping lines na yun kasi ang dali lang trabaho – typing. Pero inabot ako ng malas, maswerte na ‘pag tinawagan pa ko pero hindi na’ko umasa. Sa kabila ng mga hirap, dito ko talaga napatunayan na "walang imposible" sa Diyos. Totoo na kapag may tiyaga ka, may nilaga. Nakahanap ako ng trabaho sa madaling salita, sa awa siguro si Lord sa akin at hindi lang basta trabaho ito. (itutuloy) - GMANews.TV "Roshane96" Maswerte nga ba ako (2)