ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

'Tawag ng laman'


Kapag ang pinag-uusapan ay tungkol sa bawal na relasyon tiyak maraming magre-react at ang una mong maririnig sa kanila, “buhay ko ‘to anong pakialam mo?" Ito ang marahas nilang kasagutan kapag guilty ang isang tao, sabay-taas ng boses at maghahamon ng away. Sa pagkakataon na ito ay isasalaysay ko ang aking nalalaman at kung sino man ang tatamaan ay wala akong pakialam. Ito’y kwento na maaring naganap na o kasalukuyang nagaganap sa buhay mo o kakilala mo. Pasintabi po sa matatamaan, masakit kapag ang katotohanan ang siyang pag-uusapan. H’wag mong sasabihin sa akin na ako ang pinatatamaan nito dahil wala akong binabanggit na pangalan at hindi kita kilala at lalong hindi ka nag-iisa sa ganitong sitwasyon. Kung natatamaan man kita pasensya na, napag-usapan lang at walang personalan. Ika nga, “bato-bato sa langit, ang tamaan sorry." Ang pag-aabroad ay isang malaking hamon sa buhay na dapat harapin, uunawain at handang magsakripisyo sa maraming bagay. Katulad ng pangungulila sa mga anak, sekswal na pangangailangan bilang mag-asawa, pangungulila sa buong pamilya at maging sa bayang minamahal. Minsan dumarating sa buhay ng tao ang pangungulilang sekswal at ito’y normal sa isang tao maging binata o dalaga. Lalo na sa OFW na may asawa na hindi maiiwasan na malayo sa piling ng kanyang kabiyak. Ang masaklap nito kapag ang babae o lalaki ang mag-aabroad tiyak may milagrong magaganap – pero hindi ko naman nilalahat. Uulitin ko, hindi lahat dahil may kababayan tayong tunay na dakila na may takot sa Diyos at kayang paninindigan ang sagradong kasal bilang mag-asawa. Sila ay tunay na kahanga-hanga. Pag-uusapan po natin ang kasuklam-suklam na pananabik na kung saan ito’y nagdudulot ng malaking kasiraan sa pamilya. Kapag ang isang tao ay gumagawa ng kabalbalan ay tiyak marami siyang paraan at lahat ng kasinungalingan ay patuloy niyang gagawin kahit ito’y may mawawasak na pamilya. Hindi baleng masira ang pamilya basta’t masunod ang kaligayahan dulot ng “tawag ng laman." Akala nila ligtas na sila sa paningin ng asawa, subalit sa mata ng Diyos ay wala silang maitatago kapatid. Una, maririnig mo sa kanilang mga labi ang mga masasakit na salita laban sa kani-kanilang mga asawa tulad ng walang silbi o walang kwentang tao. Pararatangan na may kalaguyo o may kabit, binubogbog ako, adik at kung ano-ano pang paninira. Nandyan rin na sasabihing hiwalay na ako sa asawa, o ‘di kaya biyuda o biyudo na ako nito lang nakaraang taon o buwan. Ito ang madalas mong maririnig sa mga taong nasusukuban ng “init ng laman" at "pagkukunwari." Tingnan mo naman, buhay pa ang kani-kanilang mga asawa ay pinapatay na. Kung ano-anong paninirang puri ang gagawin upang mapagbigyan lang ang kanilang pagnanasa. Kung mapagmamasdan mo sila daig pa ang mga dalaga’t binata kung magligawan sa isang sulok. Kung maglambingan akala mo’y mga “love birds" na sabik na sabik sa isa’t- isa. Ikaw na lang ang mahihiya sa pinaggagawa nila. Parang mga batang nagsusumbungan ng kani-kanilang mga hinaing o tampo sa pamilya na akala mo’y aping-api. Ito’y isang palabas upang mabigyan ng atensyon para kaawaan at mahulog ang loob ng bawat isa. Ang lakas din ng mga apog at hindi nila inaalinta kung ano ang kahihinatnan nito kapag makarating sa kani- kanilang mga pamilya. Basta sila masaya sa kanilang ginagawa at sasabihin nila sa iba na, “inggit ka lang." Ang nakatatawa pa, may mga kababayan tayo na magkalaguyo na halos mag-lolo o mag-lola na. Patunay na basta sa tawag ng laman, walang pinipiling edad at para bang kung kailan tumanda saka kumarengkeng! Ang kapal din ng mukha ano? Paano mo igagalang ang ganitong klaseng tao na sarili mismo nila ay hindi iginalang. Kung sino pa iyong matatanda na ay sila pa itong nagiging pasaway (pero hindi naman po lahat). Ang sabi nga ng iba, may tatay ka na may lolo ka pa o kaya naman may nanay ka na may lola ka pa, saan ka pa? Yung hindi nila nagawa sa Pinas dito sa abroad ay malaya nilang magagawa kahit mabilad sa kahihiyan ang kanilang pamilya. Kawawang pamilya dahil sa pag-aabroad maraming nawasak na tahanan, at nagkaletse-letse ang buhay dahil sa tawag ng laman. Hindi nila kayang tiisin ang init ng katawan at kadalasang nangingibabaw pa rin ang pagnanasa. Ang masaklap nito, talo lagi ang mga babae kapag nabubuntis dahil hindi na sila makauwi sa kanilang pamilya at magtatago na lang sa isang liblib na lugar. Ang iba ay pinapalaglag ang kanilang dinadala upang itago ang tunay na pangyayari at kahihiyan. Ang sabi nga nila para tumagal ka sa pag-aabroad kailangang magkaroon ng mama o papa. Ito ay subok na raw na panandaliang relasyon na walang commitment sa isat-isa habang nasa abroad. Pagdating sa Pinas ay tapos na rin ang kanilang naging ugnayan. Sino ang niloloko mo? Kung naisahan mo man ang asawa mo sa pangloloko mo, hindi ang Diyos. May pananagutan ka sa Kanya. Ang lahat ng masasamang gawa ay may kaparusahan at maaring hindi sa iyo mangyayari, maaring sa anak mo, sa mga magulang mo o sa mga mahal mo sa buhay. Silang ang magiging kapalit sa lahat ng panlolokong ginawa mo sa kapwa. Maaring hindi pa nangyayari ito sa’yo ngayon pero sa ibang panahon at pagbabayaran mo ang iyong kasalanan, mararamdaman mo ang kaparusahan. Kaya kung hindi ka titigil sa panloloko sa kapwa at sa asawa mo, ikaw rin baka mangyari sa iyo ang kaparusahan ng Diyos. Ang kasalanan ay may katapat na kaparusahan. Alin ang pipiliin mo: sarap, kaparusahan o kaligtasan? Pangalawa, mayroon din tayong mga kababayan na ma-babae o lalake na kahanga-hanga at karapat-dapat na ipagmamalaki. Ito ay dahil sa kanilang katapatan sa pamilya, lubos na pagmamahal sa mga anak at asawa at higit sa lahat may takot sa Diyos. Mangilan-ngilan lamang sila na may tunay na puso’t diwa at may masidhing paninindigan kapag sila’y mapawalay sa pamilya. Kabayan kung ikaw ay isa sa mga ito, ikinararangal ka namin at nawa’y mananatili kang matatag at tiyak sumaiyo ang Diyos. Ito ang mga taong may paninindigan sa sarili at kayang harapin ang ano mang mga pagsubok sa buhay. Hindi nila tinatalikuran ang malaking responsibilidad na inaatang bilang ama o ina sa kanyang pamilya. Hindi ipagpapalit ang dangal dahil lamang sa “kapirasong laman" o “panandaliang aliw." Ayaw nilang dungisan, sirain o ipahamak at ilagay sa kahihiyan ang ang buo nilang pamilya. Sa atin ang kapasyahan at sa Kanya ang kasagutan. Sa mundo na ating ginagalawan ay maraming mga pagsubok. Subalit ito’y pinahihintulutan ng Diyos upang sukatin ang ating katatagan at pananalig sa Kanya. Kapag tayo’y nalilihis ng landas tiyak kapahamakan ang ating kababagsakan. “Kabutihang gawa ang dapat tuluran upang maiwasan ang kahindik-hindik na kaparusahan." Muli maraming salamat sa lahat ng taga subaybay ng GMA Kapuso at sa Pinoy Abroad nawa’y sumaatin ang Diyos sa lahat ng oras. To God be the Glory… - GMANews.TV Ramon Aure Mga Kapusong Pinoy! Maraming salamat sa inyong pagtitiwala at binuksan ninyo ang inyong buhay dito sa Kwentong Kapuso para ibahagi sa iba. Ang mga karanasan, saloobin, payo, at kung ano-ano pa na ibinahagi nyo sa amin ay nagbibigay ng lakas ng loob, dagdag na kaalaman at pumapawi sa kalungkutan na nararamdaman ng marami nating kababayan na malayo sa kanilang mahal sa buhay. Sana'y hindi kayo magsawa sa pagbisita sa ating pambansang website na GMANews.TV at silipin ang iba't-ibang bahagi nito lalo na ang Pinoy Abroad at OFW Station na sadyang nilikha para sa inyo. Muli ang papuri at pasasalamat ay ibinabalik namin sa inyo mga kababayan naming nagtitiis sa ibang bansa upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga mahal sa buhay. At tulad ng nagdaang taon, hinding-hindi kami magsasawa na basahin ang inyong kwento, maigsi man o milya-milya ang haba. Kahit ang laman ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, nagsusumbong, nais lang magpatawa o kahit wala lang, dahil walang magawa. Hihintayin pa rin namin ang inyong mga email sa Pinoyabroad@gmanews.tv para magkaroon ng pagkakataon na makipag-ugnayan sa ating mga kababayan saan man dako sa mundo. Saludo kami sa inyo mga mahal naming kababayang Pinoy sa abroad! Mabuhay kayo mga Kapuso!