ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Certified Kapuso sa Africa


Pagkatapos kong mabasa iyong kwentong galing sa Dubai, naisipan ko ring ituloy ang sarili kong kwento. Actually, last year pa yata ako sumubok na mag-share ng kwento rito pero hindi ko natapos hanggang sa naiwala ko na ‘yong aking komposisyon. Gusto kong ikuwento ang buhay dito sa Nigeria. Madalas kong naikukumpara ang buhay dito, sa buhay sa ibang mayayamang bansa gaya ng Amerika, Canada at mga bansa sa Europe. Nagtataka ako kung bakit sa ibang commercial ads sa TV tungkol sa mga Pinoy Abroad, masyadong malungkot ang pagkaka-describe sa kanila, gayong napakaganda ng living conditions nila doon kung ikukumpara rito sa Nigeria. Halimbawa na lang ang mga roads at government facilities dito. Mayroon ding maayos na mga kalsada pero ang karamihan ng mga kalsadang madadaanan mo, daig pa ang surface ng buwan dahil sa kapabayaan ng gobyerno. Iisa lang yata ‘yung pagamutan na matatawag mong ospital, at wala kang mapupuntahang public places na masasabi mong pwede kang mag-relax. Hindi lang naman ‘yung structures per se’ ang problema, kundi ‘yung security aspect ang mas nakadadagdag sa isipin para hindi ka mag-enjoy sa iyong free time rito. Ang mga Pinoy kasi rito, considered na “white man," kapareho ng mga Caucasians. Pero madalas na napagkakamalang Chinese ang mga Pinoy; hindi ma-distinguish ng mga locals ang mga Asian races. Sa ganitong kalagayan, mainit din sa mata ng mga criminal elements ang mga Pinoy. Hindi naman lubusang masisisi ang mga Nigerians kung bakit mataas ang kanilang crime rate. Marami kasi talagang naghihirap dito kahit na nasa Top 10 oil-exporting countries ang kanilang bansa. Dito nanggagaling ang langis pero wala silang maayos na power plant kaya patay-buhay ang supply ng koryente. Mas malala pa sa sitwasyon ng Pilipinas ang kabulukan ng gobyerno nila kaya maraming mga kriminal at rebelde. Ito ang dahilan kung bakit halos ‘di ako lumalabas ng aking kwarto, umiiwas sa mga hassles sa labas ng bahay – mula sa mga reckless drivers hanggang sa mga mangongotong na pulis. Pagkagaling sa trabaho, tuloy lang sa kwarto. Dito na ako nagluluto, kumakain, at gumagawa ng mga office works na hindi ko maubos-ubos kahit gaano kalaki ang available time ko. Maganda na rin ito – kaysa malulong ako sa kung anu-ano pang mga bisyo, ‘yung mga office works ang pinaglilibangan ko sa kwarto! ‘Di ba ang bait ko? Wala naman kasing ibang magagawa pagkatapos magbasa ng mga emails at konting balita sa GMANews.tv. Sana nga lang magkaroon ng GMA Pinoy TV dito sa Africa para mabawasan ang sobrang boredom dito. Naalala ko tuloy na isang dahilan kung bakit ayaw ko sanang mag-abroad – hindi ko na kasi mapapanood ‘yung Kili-TV at marami pang shows ng GMA na inaabangan ko pagkatapos ng trabaho sa Pilipinas noon. ‘Di ko na rin mapapanood ang mga shows ng pamangkin ko na naging isa sa mga prime artists ng tv station na ito. Ito na rin ang isa sa mga dahilan kung bakit ako lumipat sa Bahrain noong 2006. Tiniyak ko muna na mayroong Pinoy TV doon bago ko tinanggap ang job offer. Nag-subscribe agad ako sa Orbit pagdating ko doon. Fair lang naman ang installation at monthly fees. Sulit na dahil napapanood ko noon ang magagandang shows gaya ng Majica, Super Twins, Captain Barbell, Asian Treasures, Unang Hirit, etc. Ang Eat Bulaga, 2 times kong pinapanood. Pinapanood ko rin kahit ang Mahiwagang Baul at Sis! Less than 2 years lang ako nag-stay sa Bahrain. Masama kasi ang ugali ng mga locals doon. Doon din ako namulat sa tunay na kalagayan ng mga Pinay DH. Naisip-isip ko, kung ‘yung mga tauhan kong Arabo, kinakalaban ako dahil sa pagka-Pinoy ko, paano pa kaya yung mga kababayan natin na kasama nila mismo sa loob ng bahay yung amo nilang Arabo? Mas masaklap ang kalagayan nila kaysa sa akin o sa mga kababayan nating nasa western societies. Napansin ko rin doon na habang nagreremit ako ng 600 dinars, ‘yung mga kasabayan kong Pinay ay nagreremit ng 30-60 dinars lang. Tapos magbabayad pa sila ng 1.5-2 dinars sa Bahrain Financing or Dahlil Exchange. Kawawa naman ‘yung mga kababayan natin doon. Ang isa pang hindi magandang nangyari doon ay nang nagkaproblema ang misis ko sa boss niya sa pinagtatrabahuhang malaking company sa Laguna. Hinaharass kasi siya ng boss niya. Wala akong maitulong kundi ang mag-email sa DOLE, sa ilang women’s welfare group, at sa isang TV reporter para mapa-imbestigahan ang kaso. Maganda naman ang kinahinatnan ng kaso, na-terminate ‘yung boss niya dahil na rin siguro sa email ko sa top management noong company ng misis ko. Yung government agency, walang kibo, walang aksyon. Yung women’s group, walang kibo, walang aksyon. Yung well-known tv reporter, walang kibo, walang aksyon. Salamat sa inyong lahat! Ngayon, narito na uli ako sa Nigeria. Balik sa mahirap na buhay. Hindi naman ako maka-subscribe sa GMA Internet TV dahil hindi kaya ng internet speed ko ang minimum requirement. Bukod pa dyan ang maya’t-mayang power interruptions at voltage fluctuations kaya napakahirap talagang mag-download dito. Ito sana ang ma-realize ng GMA Executives. Hindi pwedeng mag-succeed ang internet tv dito, kaya mas magandang mag-workout sila ng agreement with DSTV for satellite viewing. Ang mas masama pa, hirap pa rin kami sa pagbalik dito dahil sa existing travel ban (travel ban talaga, hindi deployment ban lang). ‘Yan ang hindi namin matanggap! Wala namang problema sa kidnapping ang mga land-based workers dito. Yung mga seaman lang na pumupunta dun sa napakalayong Niger Delta ang may problema, nadadamay na kaming lahat. Ano kaya kung mag-impose din ng travel ban sa Pilipinas ang US, UK, Australia, Canada, South Korea at Japan dahil sa kidnapping sa Mindanao? Pagtatawanan siguro sila ng Executive Secretary? Papogi lang ‘yung ibang politiko dyan, kunwari nagmamalasakit, pero ang totoong epekto ng ginagawa nila, pahirap at additional na gastos sa mga OFW. At syempre, tanggap ko na ring lumalaki ang anak ko na malayo ang loob sa akin dahil once a year lang kami nagkikita. Hindi ko na na-enjoy na maka-bonding siya bago siya nag-7 years old. Mukhang hindi na rin siya magkakaroon ng kapatid dahil lumilipas ang mga buwan na ‘di ko nakakatabi si misis. Thirty-nine na siya ngayon, nauubusan na ko ng panahon! Sana sa susunod na pag-uwi ko, makatsamba na! Sige mga Kapuso, dito muna ako at kailangang mabawasan muna ang ‘di maubos na office works ko. Kailangan ding maglaba na ako ng mga underwear at maghugas ng mga plato at kaldero bago maubos ng mga kasamahan ko na nasa kani-kanilang kuwarto ang rasyon naming tubig. Salamat sa pagbabasa ng kuwento ko! Pinoy Engineer sa Nigeria Mga Kapusong Pinoy! Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala at binuksan ang inyong buhay sa Kwentong Kapuso upang maibahagi sa iba. Ang inyong mga karanasan, saloobin, payo, at kung ano-ano pa na ibinahagi nyo sa amin ay nagbibigay ng lakas ng loob, dagdag na kaalaman at pumapawi sa kalungkutan na nararamdaman ng marami nating kababayan na malayo sa kanilang mahal sa buhay na naiwan sa Pilipinas. Sana'y hindi kayo magsawa sa pagbisita sa ating website na GMANews.TV at silipin ang iba't-ibang bahagi nito lalo na ang Pinoy Abroad at OFW Station na sadyang nilikha para sa inyo. Muli, ang papuri at pasasalamat ay ibinabalik namin sa inyo mga kababayan naming nagtitiis sa ibang bansa upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga mahal sa buhay. Patuloy kaming hindi magsasawa na basahin ang inyong kwento - maigsi man o milya-milya ang haba. Kahit ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, nagsusumbong, nais lang magpatawa o kahit wala lang at nagpapalipas lang ng oras. Inaanyayahan din naman ang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na may bahagi sa buhay ng isang OFW na nais magpaabot ng kanilang saloobin sa kanilang minamahal na nakikipagsapalaran sa ibayong-dagat. Hihintayin pa rin namin ang inyong mga email na maaari ninyong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa aming mga kababayan saan mang bahagi ng mundo, saludo kami sa inyo mga Pinoy sa abroad! Mabuhay kayo mga Kapuso!