ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Nagtaksil si mister


Dear Pinoyabroad@gmanews.tv, Maraming salamat sa pag-feature ninyo ng tungkol sa mga kababayan nating nagtatrabaho sa abroad na naliligaw ng landas. I’m one of the million wives na may husband sa abroad na nakaranas ng ganoong pangyayari. Habang wala akong kamalay-malay na nag-aalaga ng mga anak namin dito sa Pilipinas, nagba-budget ng maayos, nagtitipid, at kahit walang maid basta magampanan lang ang lahat ng responsibilidad... na maging tatay at nanay sa pamilya, pero nagawa pa ring magloko ng aking asawa. Natutuwa lang ako sa mga ganitong mga tinatalakay para mabasa naman ng mga OFW na ‘yan na may asawa na... at sa mga binata’t dalaga na nagsisipagpatol pa at nakakasira ng pamilya. Nakakaawa ang mga bata at lalong-lalo na ang mga asawang naiwan…lalo ang kagaya ko na nagpaka-martir habang malayo sa asawa. At pagkatapos ay ganun lang pala ang mangyayari. Nagkukulang sa padala, halos walang tawag, kapag nagbabakasyon halos ‘di ka na pansin, parang ‘di nasabik sa iyo at sa mga anak, nagmamadaling umalis na ulit. Mga bagay na napakasakit, lalo nang mapatunayan na may nagawa talaga… na nagkaroon talaga ng kabit. My husband is an architect at sekretarya niya ang naging kabit niya. Mabuti na lang at nalaman ko. Ako mismo ang nakabasa ng email at chat niya sa babaeng yun. Halos mamatay ako sa napakasakit na pangyayaring ‘yon. Pero dahil wala akong career dito sa Pinas, dahil nung una pa ay ayaw naman n’ya akong mag-work eh, pinatawad ko siya. Hindi ko na siya pinabalik pa sa bansang iyon. Nag-apply siya sa ibang bansa naman para makaiwas sa babae niya. Sa ngayon wala akong alam sa mga nangyayari sa kanya, kung nagkita ba sila ulit doon o ano pa man. Sana lang magkaroon sila ng puso para sa pamilya nila, at magising sila sa mali nilang ginagawa. Masuwerte naman at nakapag-work siya sa UAE. Maayos naman ang company nila doon at maayos naman ang salary niya. But there's one thing na lagi ko na lang ipinapanalangin sa Diyos – sana hindi na maulit pa iyon. Kaya itong ganitong mga topic ay dapat na mapanatili para sa mga kababayan nating "nawawala sa tamang landas ng buhay. Mag-isip naman sila na may mga umaasang anak at asawa sa Pilipinas…nag- aantay, nasasabik na makasama sila. Maraming salamat at mabuhay kayo Kapusong Totoo! I’m sending this email for all not only for me. Dapat na ayusin din natin ang mga kinikita nila. Magtipid, magbudget ng maayos, mahalin at alagaan ang mga anak, at magpaalala palagi sa mga asawa na mahal natin sila. Kailangan laging magdarasal at sigurado akong magiging maayos ang lahat. Marami pong salamat ulit...God bless po sa lahat ng mga taga-GMA... Kapuso po ako! Favorite ko lahat ng programa ninyo lalo na ang "Eat Bulaga!," 24 Oras! at Saksi! Gng. Aurora Mga Kapusong Pinoy! Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala at binuksan ang inyong buhay sa Kwentong Kapuso upang maibahagi sa iba. Ang inyong mga karanasan, saloobin, payo, at kung ano-ano pa na ibinahagi nyo sa amin ay nagbibigay ng lakas ng loob, dagdag na kaalaman at pumapawi sa kalungkutan na nararamdaman ng marami nating kababayan na malayo sa kanilang mahal sa buhay na naiwan sa Pilipinas. Sana'y hindi kayo magsawa sa pagbisita sa ating website na GMANews.TV at silipin ang iba't-ibang bahagi nito lalo na ang Pinoy Abroad at OFW Station na sadyang nilikha para sa inyo. Muli, ang papuri at pasasalamat ay ibinabalik namin sa inyo mga kababayan naming nagtitiis sa ibang bansa upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga mahal sa buhay. Patuloy kaming hindi magsasawa na basahin ang inyong kwento - maigsi man o milya-milya ang haba. Kahit ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, nagsusumbong, nais lang magpatawa o kahit wala lang at nagpapalipas lang ng oras. Inaanyayahan din naman ang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na may bahagi sa buhay ng isang OFW na nais magpaabot ng kanilang saloobin sa kanilang minamahal na nakikipagsapalaran sa ibayong-dagat. Hihintayin pa rin namin ang inyong mga email na maaari ninyong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa aming mga kababayan saan mang bahagi ng mundo, saludo kami sa inyo mga Pinoy sa abroad! Mabuhay kayo mga Kapuso!