ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Pinahirapan ng kababayan


Magandang Araw sa inyong lahat. Nahikayat akong sumulat sa inyo gawa ng gusto ko ring ibahagi ang aking karanasan. Ako’y isang seaman pero hindi ako sa commercial ship nakasakay kundi sa isang ‘Megayacht.’ Labingtatlong taon na akong nagtatrabaho sa Yate. Masarap na mahirap din ang buhay - masarap dahil libre kong napupuntahan ang mga tourist spot sa buong mundo at nakasasalamuha pa ang mga celebrity. Minsan iyung iba ay kilalang-kilala sa Hollywood, at may mga may-ari rin ng yate na mga sikat na sikat na personalidad na napagtrabahuhan ko na rin. Sa 13-taon ko sa yate sa awa ng Diyos ay maganda ang pakikitungo sa akin ng mga kasamahan ko. Halo-halo ang mga kasama ko, may European, may American at may Filipino. Nang huli akong umalis patungo rito sa St.Thomas sa USVI (United State Virgin Island), nagkaroon ako ng problema sa airport sa LAX (Los Angeles). Nakapila ako para sa passport control dahil sa dami ng booth, namili ako kung saan ako tatapat. Nakakita ako ng dalawang Filipino na magkasunod, pinili ko iyung isa dahil mas mukhang mabait. Eto na, kinuha na niya ang passport ko at tiningnan. May nakita raw siyang ‘di raw tama, dapat daw ang annotation sa visa ko ay pangalan ng barko pero ang nakalagay ay OCS na hindi ko alam kung ano ang meaning. Matagal na rin akong nagpapabalik-balik sa USA na gamit ang passport kong iyon at ang visa ko na B1. Sinabi niya sa akin na ‘di daw pwede ang annotation ko at ang visa ko na nasa passport ko. Nang paliwanag ko sa kanya, iyon din ang ibinigay ng US embassy sa akin sa Pilipinas. Binulyawan niya ako at sinabihang wala siyang pakialam, at ‘wag daw akong mangatuwiran pa. Marami pa siyang sinasabi at nakinig lang ako na parang bata. Ang sabi niya, kailangang dalhin daw niya ako sa office nila. At habang naglalakad kami, parang ipinagyayabang pa niya sa mga kapwa empleyado niyang Pinoy at ‘puti’ ang kaso ko. Gusto ko sanang magmakaawa sa kanya na palagpasin na lang iyon dahil malapit na akong mahuli sa flight ko at nakita naman niya sa passport ko na pabalik-balik na ako ng Amerika. Pero siya pa mismo ang nagsabi na, “pabalik-balik ka na dito eto ang gamit mong visa." So ang nangyari, eto dinala niya ko sa office. Iniharap niya ako sa taga-immigration na isang Amerikano at iniwan niya ako doon. Subalit kabaliktaran ang naging pakikitungo sa akin ng Amerikano kaysa kababayan kong Pinoy. Very relax siya at patawa-tawa pa. Tinanong lang niya ako kung anong trabaho ko sa yate, ilan kami sa yate at ilan ang capacity namin, tapos ayun tatak agad siya ng duration of stay ko sa Amerika. Sa kagustuhan kong sa kapwa Filipino pumila para mapadali at maging maganda ang pakikitungo sa akin, naging malaking kabaliktaran. Hindi ko lubos maisip kung bakit minsan kung sino pa ang kadugo mo siya pang magpapahirap sa iyo. Salamat naman at hindi ako naiwan ng eroplano pero lawit ang dila kong nakarating sa gate na napakalayo. Sana naman sa mga kababayan nating nasa passport control sa Amerika, hinay-hinay lang sa mga pareho naming OFW. Sana bigyan din kami ng chance na magpaliwanag at ‘di basta na lang bubulyawan. Sa mga taga-Pinoy Abroad ng GMANEWS.TV, More Power and God Bless To You All!!! NAR ng US