ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Si 'Bagets' sa abroad (1)


“Bagets" ang palayaw ko. Usong-uso kasi noon ang pelikulang ito ni Aga Muhlach. Kaya naman kahit na hindi na ako tinedyer at hindi ko rin naman kamukha si Aga ay ito pa rin ang tawag sa akin hanggang ngayon. Ako ang dakilang utusan sa pamilya. Sa aming walong magkakapatid, ako na yata ang pinakapaborito ng nanay kong pabilhin sa tindahan, pautangin ng isang kilong baboy kina Aling Josie, at utusang pumunta sa kung saan-saan. Samantalang si tatay, ako naman ang madalas utusang magpakain ng bibe, magsuga ng kalabaw at mag-araro sa bukid. Ako kasi ang klase ng batang hindi gaanong aalahanin sapagkat kayang-kaya kong pangalagaan ang aking sarili. Kaya naman ganung kalaki na lang ang tiwalang binibigay nila sa akin. Sa tuwing inuutusan ako ng aking nanay at tatay, sari-saring dabog, kalampag at padyak ang inaabot nila sa akin bago ako kumilos. Ubos na ang pasensya nila at namumuti na ang mga mata nila sa galit, at magkandapilas-pilas na ang tenga ko sa labis na inis nila sa akin. Ako na yata ang pinakasuwail, pinamakulit at pinakamatigas ang ulo sa aming magkakapatid. Hindi kami nanggaling sa nakaririwasang pamilya. Marahil dahil na rin sa dami naming magkakapatid haya halos maubos na ang lahat ng ari-ariang naipundar ni lolo na ipinamana sa tatay ko. Ang lalakas pa man ding kumain ng apat kong kapatid na lalaki at tatlong kapatid na babae. Kaya sa aming pamilya, kulang ang isang sakong bigas sa loob ng isang linggo. Sunud-sunod din ang pagitan ng edad namin, at halos nag-aabot na nga ang iba. Kaya ganun na lamang ang hirap ng magulang ko mapag-aral lamang kami. Marahil hindi pa uso ang “family planning" noon, o ‘di kaya talagang hindi lang nakiuso ang mga magulang ko rito. Batid ko ang kahirapan at katatayuan namin sa buhay, madalas nakikita ko ang aking nanay na umiiyak na lamang sa isang tabi habang nag-iisip kung saan s’ya makakahanap ng pera. Samantala ang tatay ko naman ay halos nakukuba na sa pagtatrabaho sa bukid. Mahirap ipaliwanag ang mga nararamdaman ko ‘pag nakikita kong ganoon ang sitwasyon namin.


Gusto ko man silang tulungan wala akong maitutulong sa kanila. Madalas, madudurog ang aking puso kapag nakikita kong nahihirapan ang aking mga magulang dahil sa amin.
– 'Bagets'
Gusto ko man silang tulungan wala akong maitutulong sa kanila. Madalas, madudurog ang aking puso kapag nakikita kong nahihirapan ang aking mga magulang dahil sa amin. Ayaw ko silang nakitang nasa ganoong sitwasyon. Pilit kong nililibang ang aking sarili at ipinapakita sa kanila na hindi ako naaawa o naapektuhan sa kalalagayan namin. Kaya madalas pinagdidiskitahan ko na lang yung "Funny Komiks" na hiniram ko sa aking kaklase. Kasi kahit papaano nakakalimutan ko ang problema namin sa buhay. Dahil sa karanasan namin, lagi kong sinasabi sa aking sarili na babaguhin ko ang aming buhay, pipilitin kong ibahin ang sitwasyon ng pamilya ko. Katulad din ng komiks na binabasa, nais kong magkaroon ang buhay namin ng “happy ending" din. Araw-araw kung magsimba ang nanay at tatay ko. Gigising sila ng mga alas-kwatro ng umaga para ihanda ng nanay ang aming almusal. Pagkaraan ay didiretso na sila sa simbahan para dumalo sa alas-sais na misa. Kaya naman pagkagising namin ay handa na ang lahat ng aming kakainin, at hihintayin na lang namin sila para bigyan kami ng baon at ihatid sa aming eskwelahan. Natatandaan ko rin nga noon, tinatanong ko ang nanay kung bakit kailangan nilang magsimba araw-araw. Ngumiti lang s’ya at sinabing, “Kasi nananalangin ako sa Diyos na sana ituro N’ya sa akin ang taong pwede kong mautangan." Medyo natawa ako sa sinabi ng nanay ko pero humanga rin ako sa kanyang lakas ng pananampalataya sa Diyos. Iginapang kami ng aming mga magulang sa hirap. Halos hindi na sila natutulog kakahanap ng taong pwedeng nilang mahiraman ng pera. Nagkasabay-sabay kasi kaming apat sa kolehiyo - dalawa rito ay nasa pribado pa at kami namang dalawa ng ditse ko ay nasa pampubliko (pamantasan). Samantala, ang apat ko pang kapatid ay nasa sekondarya at elementarya. Kaya naman halos pasakit sa aking mga magulang kung paano kami makakaraos sa araw-araw.

Minsan din naringgan ko ang isang kakilala ng tatay na nagsabi, “Eh, kasi naman, anak kayo ng anak hindi n’yo naman pala kayang buhayin.
– 'Bagets’
Minsan din naringgan ko ang isang kakilala ng tatay na nagsabi, “Eh, kasi naman, anak kayo ng anak hindi n’yo naman pala kayang buhayin." Noong mga panahon na iyon, gusto kong sapakin ang mukha ng kausap ng tatay ko. Pero nang makita kong yumuko at ngumiti lang ang tatay ko, naunawaan ko na palipasin na lang ang lahat. Nagtrabaho rin ako bilang isang “service crew" sa isang fastfood chain habang nag-aaral. Ito ang sumuporta sa akin sa mga pang-araw araw kong gastusin sa eskwelahan. Subalit nahirapan akong pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho kaya hindi ko na rin nakayanan ang “pressure." Halos sunud-sunod din ang aking pagbagsak kaya napagdsisyunan nilang tumigil na ako sa pagtatrabaho. Bagamat labag ito sa akin kalooban, sinunod ko ang kagustuhan nila at maging seryoso sa pag-aaral. Pinilit ko talagang makatapos sa pag-aaral para balang-araw makatulong din ako sa amin. Pero tila mailap sa akin ang pagkakataon. Nahirapan ako sa paghahanap ng trabaho pagkatapos ng kolehiyo. Marahil dala na rin ng pagiging baguhang “graduate", hindi ako ang prayoridad ng mga kumpanya. Bukod pa sa parang tantos ng bingo ang aking “transcript" sa dami ng bagsak. Halos tatlong buwan din akong naghintay ng pagkakataon na makakita ng trabaho. Subalit madalas, umuuwi akong bigo. Ang magulang ko pa rin ang sumusuporta sa akin lalo na sa pamasahe at pagkain habang ako ay naghahanap ng trabaho. Nakalulungkot sapagkat ito na sana ang pagkakataon kong makatulong sa kanila. Ngunit dagdag pahirap pa rin pala ako sa amin. (Itutuloy) - GMANews.TV Edwin sa Saudi Si 'Bagets' sa abroad (2)