Minamahal ko pong mga taga GMA NEWS TV. Mabuhay po kayo. Malugod po akong bumabati sa mga taga-GMANews.TV at nagpapasalamat din po ako sa pagbibigay ninyo ng pagkakataon sa amin bilang mga OFW na makapagbigay ng opinyon at ilang balita tungkol sa mga nangyayari sa bawat lugar na aming kinaroroonan. Sumulat po ako upang magdagdag ng ilang kuro-kuro o puna sa mga sulat na nalalathala tungkol sa mga ugali ng ibang Pinoy o "kayabangan" ika nga ng iba sa madaling salita. Sa palagay ko po hindi dapat na gawing issue o usapin ang mga ganoong bagay, bagaman ako ay nagkokomento upang magbigay linaw lamang. Hindi lamang tayong mga Pilipino ang may ugali na nagmamalaki o nagyayabang, totoo man o hindi ang tungkol sa mga karanasan na nakamit sa ibayong dagat, o ang hindi pagpansin sa ibang kababayan. Maging ang ibang lahi po ay ganoon din naman sa kanilang sariling kababayan maging anuman ang estado o sitwasyon ng hanap-buhay. Ang ilan lamang po sa ating mga kababayan ay ginagawang "big deal" ang mga ganoong sitwasyon. Marahil po dahil sa personal na layunin o maaaring hindi nila nagustuhan ang kanilang narinig at nahigitan ang kanilang dapat na ipagyabang. Baka naman hindi sila naasikaso sa paraang kanilang inaasahan na dapat na maging pagturing sa kanila ng mga tao na sa kanilang pamantayan ay mas mababa sa kanilang estado. Maging ang mga Indians o Nepalese, kahit mga Amerikano o Briton, o âdi kaya maging Germans o pangkalahatang European ay hindi rin nagpapansinan sa labas. Kung sino rin lang sa kanilang grupo ang magkakasama, sila rin lamang ang nagbabatian at nagkukuwentuhan, iyon man ay kabuhayan o kayabangan. Ang mga Lebanese rito sa Middle East ay kanya-kanya rin ng buhay. Magkita man sa Department store, halimbawang ang isa ay saleslady at ang costumer ay isang manager, âdi mo rin kapapansinan ng ekstra-ordinaryong turingan na katulad ng inaasahan ng ilan nating mga kababayan.
Ang napupuna ko lang po ay tila yata ginagamit na ng ilan ang sukatan kung magkano ang sinasahod ng bawat isa upang makamit ang pagturing na kanilang inaasahan sa kanilang kapwa kababayan.
â Mang Daniel
Ang napupuna ko lang po ay tila yata ginagamit na ng ilan ang sukatan kung magkano ang sinasahod ng bawat isa upang makamit ang pagturing na kanilang inaasahan sa kanilang kapwa kababayan. Sa akin pong pananaw, hindi basehan kung mataas man o mababa ang sinasahod ng isang tao upang makamit ang dapat na pagturing. Ang mahalaga ay respeto at paraan ng paglapit sa kaniyang sariling kababayan. Kung magkataon man po na hindi naging epektibo ang naging paraan, hindi naman po dapat na ikasama ng loob ng bawat isa kundi alalahanin na lamang ang ilang bagay na inaasahan na makita ng isang estranghero sa kanyang kapwa estranghero. Ang nakararami po sa ating mga kababayan, saan man naroroon ay hindi naging mapalad na katulad ng iba na magkaroon ng sahod o "pay slip" na pwedeng i-kuwadro at ipagmalaki sa iba. Ang nakararami po ay nagkakasya rin lang na makapagbigay ng sapat kahit hindi na makapag-ipon upang mabigyan lamang ang pangangailangan ng pamilya at mapag-aral ng mga anak. Kung sakali man po na sa ating paglapit sa ating mga kababayan ay hindi natin nakamit ang pagturing na ating inaasahan, sila po katulad ng nakararami na may sari-sariling dalahin sa buhay. Hindi naman po siguro mangyayari na kung hindi man naging maganda ang pagkikita ng bawat isang magkababayan ay iyon na ang heneral na ugali ng isang tao sa kaniyang kapwa tao⦠maging kababayan man o hindi. Ang masasabi ko po lamang ay huwag naman sana nating ituring ang ating mga kababayan base sa kanilang sinasahod o pagharap sa kapwa dahil lamang sa siya ay mas mababa ang estado o hanapbuhay kaysa sa taong nagrereklamo. Mas mapalad po ang ilan sapagkat mas mataas ang inyong estado kaysa sa nakararami. Kung sakali man na ang kanilang mga kuwento o pagkilos ay nakahihigit sa kilos na normal para sa iba, hindi po iyon dahilan upang ikasama ng loob ng ilan sa kaniyang kapwa. Unang-una, hindi sila ang pinagkukuwentuhan; Ikalawa, hindi responsibilidad ng isang tao na i-justify ang kaniyang kuwento tama man o mali sa taong hindi naman niya kausap. Maging ito man ay kaniyang kababayan. Hindi rin po dapat na maging basehan kung magkano ang sinasahod upang punahin ang kanyang kapwa kababayan dahilan lamang sa hindi niya nakamit ang pag-aasikasong kaniyang inaasahan. Sana po ay mas bigyan natin ng pansin ang sitwasyon ng iba nating mga kababayan na hindi nagkapalad na makamit ang nakamit ng ilan at matulungan ang mga nangangailangan. Marami po tayong mga kababayan na nagtitiis sa init at lamig upang mabigyan lamang ang pamilya ng sapat na pangangailangan. Huwag na po sana nating sayangin tulad po nitong GMANews section na dapat na mas binibigyan ng pagkakataon ang mga isyung pangkalahatan kaysa sa mga isyu na ang layunin lamang ay personal na kapakanan. Maraming salamat po.
Mang Daniel Mga Kapusong Pinoy! Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala at binuksan ang inyong buhay sa
Kwentong Kapuso upang maibahagi sa iba. Ang inyong mga karanasan, saloobin, payo, at kung ano-ano pa na ibinahagi nyo sa amin ay nagbibigay ng lakas ng loob, dagdag na kaalaman at pumapawi sa kalungkutan na nararamdaman ng marami nating kababayan na malayo sa kanilang mahal sa buhay na naiwan sa Pilipinas. Sana'y hindi kayo magsawa sa pagbisita sa ating website na GMANews.TV at silipin ang iba't-ibang bahagi nito lalo na ang Pinoy Abroad na sadyang nilikha para sa inyo. Muli, ang papuri at pasasalamat ay ibinabalik namin sa inyo mga kababayan naming nagtitiis sa ibang bansa upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga mahal sa buhay. Patuloy kaming hindi magsasawa na basahin ang inyong kwento - maigsi man o milya-milya ang haba. Kahit ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, nagsusumbong, nais lang magpatawa o kahit wala lang at nagpapalipas lang ng oras. Inaanyayahan din naman ang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na may bahagi sa buhay ng isang OFW na nais magpaabot ng kanilang saloobin sa kanilang minamahal na nakikipagsapalaran sa ibayong-dagat. Hihintayin pa rin namin ang inyong mga email na maaari ninyong ipadala sa
Pinoyabroad@gmanews.tv Sa aming mga kababayan saan mang bahagi ng mundo, saludo kami sa inyo mga Pinoy sa abroad! Mabuhay kayo mga Kapuso!