ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

KKK (Kalaguyo, Kerida, Kabit)


Ito ang mga salitang nag-uugnay sa mga taong gumagawa ng labag sa kautusan ng tao at sa Diyos. At marahil hindi mo rin kayang tanggapin kung ikaw ay tatawagin sa mga salitang ito dahil masakit pakinggan. Para bang nangliliit ka sa iyong sarili at ayaw mong tanggapin na ikaw ay isang mapanukso sa lipunan o kaya naman ay biktima ng iyong sariling makamundong pagnanasa. Ang mga salitang ito ang nararapat doon mga taong baluktot ang paninindigan na walang ibang iniisip kundi ang kanyang sarili kung paano mapasasaya at hindi iniisip kung ano ang magiging bunga nito. Ang masakit pa, ang mga kabit ay siya pang matapang ang apog at daig pa ang legal na asawa kung umasta. Sabagay sabi nga nila, ang kabit ay magaling sa lahat ng bagay; magaling sa kama, magaling mag-alaga at magaling manghuthot at mangbuladas.


Ang masakit pa, ang mga kabit ay siya pang matapang ang apog at daig pa ang legal na asawa kung umasta. Sabagay sabi nga nila, ang kabit ay magaling sa lahat ng bagay; magaling sa kama, magaling mag-alaga at magaling manghuthut at mangbuladas.
– Concerned of Iraq
Sa ating panahon ngayon ay tila tanggap na ang ganitong klaseng relasyon at nangyayari ito sa totoong buhay. Ito’y binibigyang buhay sa mga pelikula at maging sa mga babasahin na tila naging bahagi ng serkulasyon ng ating lipunan. Mistulang naisantabi na ang pagiging Kristiyano natin. Ano nga ba ang maidudulot nito sa ating pamilya at ano nga ba ang magiging bunga kung ang pamilya mo ay naging biktima ng ganitong klaseng pamumuhay? Sino ba ang labis na maaapektuhan? Ang nakikitang ehemplo sa ating lipunan ay ang mga taong tanyag sa pelikula na kung saan pasalin-salin ng iba’t-ibang asawa maging lalaki man o babae. Lantaran ang kanilang relasyon at ganoon din ang mga kilalang personalidad sa ating lipunan na tila normal na ang ganitong gawain. Kadalasan ang nagiging biktima ng ganitong pamumuhay ay ang mga anak na wala namang kinalaman sa mga pangyayari. Ndadamay sila sa imoralidad na pamumuhay na kagagawan ng kanilang mga magulang. Wala pong katahimikan ang ganitong pamumuhay na tila hinahanap mo sa liwanag ang katotohanan. Subalit hindi mo masumpungan sa dilim ng iyong pinagdaanan. Hindi po natin maikakaila na ang mga batang bunga ng wasak na tahanan, kadalasan ito’y napapahamak sa maling gawain. Dahil sa kapabayaan ng mga magulang ay lalong napapariwara ang kinabukasan ng kanilang mga anak. Kulang sa kalinga, pagmamahal at pag-aaruga ang dahilan upang magrebelde ang mga anak sa labas. Mabibilang sa mga daliri ang mga batang matutuwid ang landas kahit sila’y bunga ng wasak na tahanan. Pilit nilang pinaglabanan ang mga pangungutya ng lipunan. Pansinin po natin na tila dumarami ang ganitong uri ng relasyon lalong-lalo na sa mga mag-asawang magkalayo dahil sa uri ng kanilang hanapbuhay, marahil isa na rito ang mga nag-a-abroad. Sadyang may mga kababayan po tayong walang takot sa Diyos kung gumawa ng pangangalunya basta masunod ang kanilang pagnanasa at tawag ng “laman." Hindi nila alintana kung ano ang sasapitin sa hinaharap ng kanilang pamilya.

Nakakaasiwang tingnan na alam mong hindi sila tunay na mag-asawa (magkalaguyo) pero akala mo kung maglampungan daig pang mga kalapating tigang.

Nakakaasiwang tingnan na alam mong hindi sila tunay na mag-asawa (magkalaguyo) pero akala mo kung maglampungan daig pang mga kalapating tigang at hindi na sila nahihiya. Makakapal ang muks at kung magtawagan pa sa isa’t-isa ay; “Pa," “Ma," “Honey." Kaswal lang ang ganitong pangyayari sa abroad. Ilang araw lang sila magkakilala sa abroad pero kung magturingan akala mo napakatagal na nilang magkakilala. Binabalewala ang mahabang panahon at pagsasama ng kanilang tunay na asawa; nagka-anak at nagka-apo na ay patuloy pang nangangaliwa. Ang masaklap pa nito, kung sila’y tatawag sa Pilipinas ay magkatabi pa sila sa telepono habang kinakamusta ang kanilang mga tunay na asawa’t pati ang mga anak. Nagkakaselosan pa ang mga iyan na hahantong sa pag-aaway. Ang ganitong mga eksena ay makikita mo sa mga telephone booth sa abroad, pinapakinggan ang mga sasabihan ng isa -- na akala mo e siya ang tunay na asawa. Minsan pumapapel at nagkukunwaring nagmamagandang loob sa kausap sa telepono, ika nga nagpapalakas subalit nangingibabaw ang selos at galit. Hindi kaya sila nakokonsensiya sa kanilang ginagawa habang kausap ang tunay na asawa sa kabilang linya? Gayung nandoon ang kabit sa tabi n’ya. Ika nga sa kasabihan, “namamangka sa dalawang ilog." Tiyakin mo lang na hindi ka matataob at tiyak may paglalagyan ka. Kung dinadaya mo ang iyong asawa at nakaligtas ka sa iyong baluktot na gawa dahil malayo ka at hindi ka nakikita, tandaan natin lahat ay may katapat na kaparusahan. Sabi nga sa kanta, “hindi natutulog ang Diyos." Darating ang panahon susundutin ka ng iyong konsensiya kahit ilang ulit ka pang maligo at magsabon. Kailanman hindi na matatanggal ang dungis ng iyong dangal, daldalhin mo na ‘yan habambuhay.

Darating ang panahon susundutin ka ng iyong konsensiya kahit ilang ulit ka pang maligo at magsabon. Kailanman hindi na matatanggal ang dungis ng iyong dangal, daldalhin mo na ‘yan habambuhay.

Sabi nga nila isang dasal lang ng Ama Namin at Ave Maria, patatawarin na ako ng Diyos. Subalit kung patuloy mong babalik-balikan ang iyong masamang gawa ay tiyak naghihintay sa iyo ang kaparusahan ng Diyos. Hindi man sa iyo mangyari ang kaparusahan, maaaring mangyayari ‘yan sa iyong pamilya. Ito’y hindi sili na agad mong maramdaman. Kaya hindi na tayo magtataka kung may nawawasak na pamilya, mostly sa mga nag-a-abroad dahil na rin sa walang katapatan sa sarili. Walang ibang sisisihin kundi ang payak nating kalooban, sa atin nakasalalay ang pundasyon ng pamilya at kinabukasan ng ating mga anak. Ang kabit, kalaguyo o kerida ay walang maidudulot na maganda sa pamilyadong tao. Bagkus ay wawasakin nito ang tahanan na ipinundar sa mahabang panahon. Ang kasalanan ng isa ay magiging kahihiyan ng buong pamilya. Kaya tigilan na ang ganitong uri ng relasyon, magbalik-loob ka sa Diyos habang may panahon pa. God bless everyone. – GMANews.TV Concerned of Iraq Kamusta mga Kapuso! Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kuwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa mga kababayan namin saan mang dako ng mundo, saludo po kami sa inyo. Mabuhay kayo mga masigasig naming Kapuso sa abroad!