ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Kabit noon, legal wife ngayon


Ako ay isang masugid na tagasubaybay ng Kwentong Kapuso. Gusto ko lamang magdagdag ng ilang puntos para sa mga nakaraang artikulo na pawang tumalakay sa mga buhay ng isang kabit, partikular sa mga kababaihan. Hindi ko intensyon na dumihan ang imahe ng isang kabit o ‘di kaya’y bigyan katwiran ang kanilang ginagawa (lalo na sa kapwa ko babae). Hindi ko nais na manghusga o manlibak ng kapwa, bagkus gusto kong bigyan ng payo o konting ideya ang mga taong nasa ganitong kakumplikadong sitwasyon na tila baga ay nabubulagan o kaya naman ay sadyang malinaw ang mga mata ngunit marumi naman ang kanilang nakikita. Kasalukuyan akong nagtatrabaho sa Sharjah U.A.E., at dito na rin ako nakapag-asawa. Dalawang taon na kaming kasal at wala pang anak. Taong 2005 nang lisanin ko ang bansang Pilipinas -- 24 anyos pa lamang ako noon, walang asawa o nobyo. Sa pagtuntong ko pa lamang ng bansang ito ay kaliwa’t kanan na ang narinig kong paalala o payo lalo na pagdating sa mga lalaki. Buong akala ko ay lalaki lamang ang may kapasidad na manloko o mangaliwa, nagunit dito ay nasaksihan ko ang iba’t ibang kulay ng kababaihan.


Buong akala ko ay lalaki lamang ang may kapasidad na manloko o mangaliwa, nagunit dito ay nasaksihan ko ang iba’t ibang kulay ng kababaihan.
– Paula
May ilan na ginagawang libangan ang pagpatol sa may asawa, mayroon din namang pamilyado na rin sa atin pero kung magpaligaw o makipagrelasyon akala mo ay nagsisimula pa lamang mag-dalaga. Mayroon ding kasama nila ang mister dito pero nagagawa pa ring sumakabilang bahay. Iba-iba ang kanilang dahilan – may dahil sa pera, tawag ng laman at mayroon din naman dala ng kalungkutan. Sa huli’y sasabihin mahal nila ang isa’t isa? Iba’t ibang kwento pero anu’t anuman yun, isa pa rin ang katotohan – sila ay nakikiapid at ‘yan ay labag sa tama sa mata ng Diyos at ng tao. Subukan nating kalkalin ang buhay ng isang kabit base sa aking mga nakita, naobserbahan, napakinggang kwento at mula na rin sa aking pananaw bilang isang babae. Tawagin natin si kabit No. 1 na a.k.a. “money maker mistress". Sila yung ginagawang negosyo ang pagpatol sa may asawa. Walang pinipili, hindi seryoso, pera-pera lang. Ngunit katawan nila ang nagiging puhunan. Ilan sa kanila ay ginagawa ito para may maipadala lamang sa pamilya sa Pilipinas. Ume-extra pa pagkatapos ng trabaho, tinatangkilik naman ito ng ating mga kababayan dahil bukod sa mura na ay sariling atin pa hanggang sa magiging suki na nila ang isa’t isa. Nariyan din si kabit No. 2, a.k.a. “bedpartner mistress." Sila naman yung kumakabit dala ng pangangailangan ng init ng katawan. Libre pero dapat performance level lalo na kapag hiraman session na. At si kabit No. 3, a.k.a. “hopeless romantic mistress." Sila yung madalas kumanta o yung may paborito sa kantang, “Bakit ngayon ka lang." “Kung malaya lang ako," “Hiram," “Bukas na lang kita mamahalin," at kung anu anu pang kanta na ang inspirasyon ay pakikiapid. Sila yung umaasa na sana isang araw ay iwan din ng mga hiniram nilang mister ang kanilang mga pamilya. At kapag nasobrahan pa sila sa kahibangan, ninanais din nila na magkaron ng himala at maging orihinal na asawa sila. At kung nalunod na sila sa pagmamahal “daw" ay gugustuhin pa niyang magka-anak sa asawa ng iba.

Sa mga naunang artikulo aking nabasa, halos lahat ay panulat ng isang kabit o ‘di kaya’y legal na misis. Tama ang sabi ng marami, mas maiintindihan mo ang panig ng dalawa, kung ikaw mismo ay nasa sa kanilang sitwasyon.

Madalas itatanggi nilang gusto nilang masira ang pamilya nito, at tanggap niya ang sitwasyon. Pero ang totoo, sa oras pa lang ng pagpasok niya sa buhay ng mister ng iba ay unti-unti na rin kumakaway ang posibilidad na makawasak siya ng isang masayang pamilya. Ngunit ang madalas na dahilan ng ganitong kabit ay, “nagmamahal lang po!" Sila ang mga mistress na akala natin ay hindi natin masisisi dahil sa dakila niyang dahilan – ang magmahal. Pero sa tatlo, ito rin ang pinakadelikadong kabit. Isa siyang malaking banta sa buhay ng hiniram na mister at sa mismong buhay niya. Sa mga naunang artikulo aking nabasa, halos lahat ay panulat ng isang kabit o ‘di kaya’y legal na misis. Tama ang sabi ng marami, mas maiintindihan mo ang panig ng dalawa, kung ikaw mismo ay nasa sa kanilang sitwasyon. Aaminin ko, ako rin po ay minsan din naging tanga. Umasa sa mga pangakong napako, tinali ang sarili sa taong tali na, at umasang baka maging posible ang imposible. Hindi ko ginawang dahilan ang aking mga naranasan para panigan ang mga kabit o libakin sila. Minsan ako naging pangalawa at ngayon ay legal na asawa na. Marahil ang tanong ninyo ay sino kaya ako doon sa tatlong kategorya ng mga kabit? Siguro ay nalilinya ako sa kabit No. 3. Kasi sa maniwala kayo o sa hindi, walang sekswal na relasyon na namagitan sa amin. Siguro mali na umeksena ako sa panahong magulo ang pagsasama ng dati ko nobyo at ng misis niya. Pero ipinagmamalaki ko ang lakas ng loob ko na nahanap ko aking aking sarili para kumawala sa bawal na pag-ibig.

Gusto ko lamang po iparating sa lahat ng nakakabasa nito na ang lahat ng tao ay nagkakamali pero kahit kailan ay hindi tayo ilulubog ng pagkakamaling iyon kung itutuwid natin ang lahat.

Inisip ko lamang na hindi ito ang buhay na gugustuhin ko para sa akin o sa aking magiging anak. Ayaw ko pahabain ang kahihiyang pinasok ko na pwedeng anihin ng ibubunga ng aming pagkakasala. Tanging puso ko ang nadurog at nadungisan sa pagkakahiwalay na iyon na nagamot din ng panahon hanggang sa nakilala ko ang aking asawa. Wala akong nailihim sa mister, at sa kabila ng lahat ay buo pa rin ang respeto at pagmamahal na binigay niya sa akin. Gusto ko lamang po iparating sa lahat ng nakakabasa nito na ang lahat ng tao ay nagkakamali pero kahit kailan ay hindi tayo ilulubog ng pagkakamaling iyon kung itutuwid natin ang lahat. Mahirap ang proseso ng paglimot pero pasasaan ba at matatapos din iyon. Naalala ko ang sinabi sa akin ng dati ko nakarelasyon, “ayaw kong kunin ang bagay na hindi sa akin at para lamang sa mapapangasawa mo dahil ayaw ko sisihin mo ako pagdating ng araw." At iyon nga ang nangyari, naghiwalay kami na parehas na nasaktan ngunit alam naming parehas na para iyon sa ikabubuti nang lahat. Binigyan ako ng Diyos ng isang mapagmahal na asawa at alam ko na kailanman ay walang puwang sa amin ang third party dahil kapwa naming alam ang sakit, pait at pagkasira na puwedeng idulot nito. Ngayon ko nalaman ang iba’t ibang dahilan bakit may kabit, at may naghahanap ng kabit, ano pakiramdam ng asawang naloko, at ng kabit na nabuko. Sa lahat ng iyon, walang papantay sa relasyong kaisa mo ang Diyos, ang batas, malinis na kunsensiya, at may mga pusong dalisay na puno ng pagmamahal at katapatan. Paula Kamusta mga Kapuso! Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kuwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa mga kababayan namin saan mang dako ng mundo, saludo po kami sa inyo. Mabuhay kayo mga masigasig naming Kapuso sa abroad!