ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Mangyari pa kaya ang tunay na kapayapaan, kaunlaran sa bayan ko?


Isa po ako sa milyon-milyopng tagasubaybay ng Pinoy Abroad/Kwentong Kapuso ng GMA. Kaya naman po ako ay nagpapasalamat sa bumubuo ng kolum n’yo at sa buong GMA Kapuso. Nais ko pong ibahagi ang aking naging karanasan tungkol po eleksiyon noong ako’y nasa ating bayan pa. Naalala ko nung ako’y nasa elementary pa lamang nang magkaroon ng People Power na siyang nagluklok sa yumaong Presidente Corazon C. Aquino. ‘Di ba inani natin ang demokrasya at tagumpay na tinatamasa natin ngayon? Nagkaroon nang bayanihan, pagkakaisa, damayan, pakikilahok at pagmamahalan sa bawat sulok ng Pilipinas. Hindi rin kaya ‘yang kalayaan na ‘yan ang nagsilbi at nakapag-isip upang maging gahaman ang mga pulitikong tumatagal sa puwesto sa ngayon, na walang inisip kundi ang pansariling kapakanan dahil sa sobrang kalayaan ibinigay sa kanila. Isa po ako sa milyon-milyong Pilipino na nakaranas at nakadama ng ‘di maayos na pamamalakad ng mga miyembro ng gobyerno. Nasa ikatlong taon ako sa kolehiyo bilang Political Science noon nang ako’y tumakbo bilang Sangguniang Kabataan chairman sa aming lugar.


Hindi rin kaya ‘yang kalayaan na ‘yan ang nagsilbi at nakapag-isip upang maging gahaman ang mga pulitikong tumatagal sa puwesto sa ngayon, na walang inisip kundi ang pansariling kapakanan dahil sa sobrang kalayaan ibinigay sa kanila.
– Aj
Marami akong kaibigan, kamag-anak, kalaro at may kaunting kaalaman na rin sa batas na siyang nag-udyok para ako’y tumakbo sa larangan ng pulitikang pangkabataan. Ang sa tingin ko noo’y nakalalamang ako sa aking mga katunggali at akala ko noon ay sapat na yun para manalo. Sa panahon ng pangangampanya, sumali ako sa lahat ng pagtitipon at nakilahok sa usapang kasali ang kabataan na ang layon ko ay makuha ang simpatya at boto nila. Dumami ang aking naging kaibigan na pati ang aking mga katunggali ay naging aking kaibigan din. Nang aking silang nakausap, ika ko’y kung sinuman ang papalarin ay diringgin din ang aming mungkahi, opinyon at suhestiyon sa aming lugar. At yun ang usapan -- bilang tao, bilang kabataan at bilang kasapi ng mamamayan -- na magtataguyod ng kaunlaran sa aming lugar. Pero ‘di lingid sa aking kaalaman na ang aking mga katunggali ay mga anak ng pulitikong naghahari sa amin at ang aking ama nama’y isang hamak na tsuper lamang. (ED: Sa darating na Oktubre ay gaganapin sa Pilipinas ang halalan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan.) Dalawang linggo bago sumapit ang halalan may iba’t-ibang istratehiya silang ginagawa – akain dito, pakain doon, pangako dito, pangako doon – at ‘di ko nga lubos maisip na eleksiyong pangkabataan iyon pero may perang binabahaginan; na ang magulang ng aking katunggali ang siyang pawang kalaban at ako’y basing-sisiw sa kanilang puso’t isipan.

Lumayo ako at nagpakaseryoso sa aking pag-aaral. Ang kursong politikal ay aking kinalimutan, ayoko na kasing luminya sa maruming larangan. Pero hindi dahil sa ako’y duwag sa labanan, gusto ko lang sa malinis na pamamaraan.
– Aj
Ako’y ‘di naniniwala sa kanilang istratehiya basta patuloy lamang akong nangangampanya at ang layon sa kabataan ay para sa kanila. Nang sumapit ang halalan, pananaw ko’y sila’y aking naungusan. Subalit ang aking saya’t plano sa kabataan, ay napalitan ng dalamhati, inis, muhi, galit sa ama nga aking mga kalaban. Ako pala’y palamuti lamang sa kanilang pagtatagisan. Ang aking tanong, ‘bakit ganun ang iminulat nila sa aming isipan? ‘Di ba’t itinuturo sa ating paaralan na ‘iboto ang karapat-dapat at magkaroon ng malinis na halalan?" Nang isa sa anak nila’y naluklok bilang chairman ng Sangguniang Kabataan, ika ko’y siguro naman ay may adhikain, prinsipyo at ‘di tatahak sa pansariling kapakanan. Ako’y nagwawangis na buong akala ko’y tama, yun pala’y pagluklok sa kanya parang tinta ng ballpen na madaling mabura at ang ama pala na mapaghari at laging nagdidikta. Lumayo ako at nagpakaseryoso sa aking pag-aaral. Ang kursong politikal ay aking kinalimutan, ayoko na kasing luminya sa maruming larangan. Pero hindi dahil sa ako’y duwag sa labanan, gusto ko lang sa malinis na pamamaraan. Ito’y aking pinalitan ng kursong Parmasyutikal nang ako naman ay makatulong sa iba nating kababayan. Makapagbigay ng tamang kaalaman tungkol sa gamot at ang kahalagahan. Bunsod pa nito ako’y nangibang bansa dahil ‘di mawaglit ang talamak at buwayang nahahari sa maliit naming bayan. Bayang sinilangan kailan kaya natin matatamasa ulit ang totoong kapayapaan? ‘Di kaya sa kabilang-buhay na lang? Kawawa naman ang natitira kong kababayan na lagi na lamang napagsasamantalahan. Subalit lugmok man sa mga pangako ng mga kandidato, buo pa rin ang loob ko at umaasang may magaganap na pagbabago. Isang botong, isang tama, isang adhikain, bawat isang kabataan makilahok sa pagbabago at lahat tayo’y punyaging ituturing ng buong mundo. Sana sa pag-uwi ko ang matadnang kong nakaupong pangulo ay tunay na may puso, may malasakit sa aking bansang sinilangan at sa sambayanang Pilipino. - GMANews.TV Nagpapasalamat po ng marami, Aj Echague ng UAE