ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Bakit dapat maging masaya kahit naho-homesick?


Magandang araw sa lahat ng masugid na tagabasa ng Kwentong Kapuso. Isa rin po ako sa mga masugid na tagasubaybay ng mga kuwento ng ating mga Kapusong OFW. Magdadalawang taon na rin naman ako dito sa ibang bansa. Nakatutuwang isipin na nakatagal ako dito, malayo sa pamilya at kinagisnang bayan ko sa Pinas. Masasabi kong nasanay na ang katawan at isip ko sa klima at kultura nila dito...pero hindi ang aking puso. Naho-homesick pa rin ako hanggang ngayon; sabi nila natural lang daw ‘yon.


Nang unang taon ko rito, maalala ko lang na wala sigurong gabi na ‘di mababasa ng luha ang unan ko. Impit lagi ang iyak ko kapag ako ay nakahiga na sa kama. ‘Pag nasa work ka naman ok lang kasi nalilibang ka. Pero iba pa rin ‘pag nakauwi na ako kasi doon makikita mo na nag-iisa ka lang.
– Roshane96
Nang unang taon ko rito, maalala ko lang na wala sigurong gabi na ‘di mababasa ng luha ang unan ko. Impit lagi ang iyak ko kapag ako ay nakahiga na sa kama. ‘Pag nasa work ka naman ok lang kasi nalilibang ka. Pero iba pa rin ‘pag nakauwi na ako kasi doon makikita mo na nag-iisa ka lang; mag-isang magluluto at kakain. Hindi ko naman naiisip na umuwi, mahirap kasi ang buhay sa Pinas. Gaya ng karamihang sinasabi nila, yun ang nasa isip ko. Konting sakripisyo pa ka’ko para sa mga anak ko. Minsan nga naranasan ko na managinip na nasa Pinas daw ako, nakahiga sa kama ko katabi ang mga anak ko. Paggising ko nandito pala ako sa maliit na kuwarto na tinutuluyan ko. Ayun atungal na naman ako, hindi ako makakain nang maigi hanggang sa napapansin ko na namamayat na ako nang husto. Sabi ko noon hindi puwede ang ganito, paano kapag nagkasakit ako, walang mag-aalaga sa akin. Kaya nilakasan ko ang loob ko, nilibang ko ang sarili ko; namamasyal ako mag-isa, nagsisimbang mag-isa. Sabi ko nga sa sarili ko nun, kaya ko palang mabuhay na ako lang. Na-realize ko wala naman magagawa ang pag-iiyak at pag-emote ko. Ganun pa rin naman, nandito pa rin ako sa ibang bansa at kailangan na tapusin ang kontrata na pinirmahan ko. Lakasan daw ng loob ‘yan sabi nila…tama nga naman. Nagdecide ka na umalis sa ating bansa dapat alam mo na ang kakaharapin mo rito, isama mo na dun na talaga mag-iisa ka at maho-homesick ka, hindi talaga yun maiiwasan. Ang iba (hindi ko naman nilalahat), di nakakaya ang mag-isa rito. Hindi mo rin naman sila masisisi na magkaroon sila ng kasa-kasama habang wala ang pamilya nila sa tabi nila…mali ‘yon kung tutuusin. Sabi ko nga dapat handa ka sa mga bagay na papasukin mo rito sa ibang bansa. Sadya nga yata ang iba eh ‘di kayang mag-isa, ‘di mo rin sila masisi na magkaroon ng relasyon sa iba dahil nga sa totoo lang mahirap ang mamuhay na ikaw lang dito. Kailangan mo rin ng kaagapay sa lahat ng bagay sa lahat ng oras hindi lang sa isang bagay na hinahanap nila. Pero sabi ko bakit ako nakaya ko nga na ako lang? Thanks God, nakaya ko! Ang una naming libangan dito para mawala ang homesick ay magpa-picture. Wala ka yatang makikita na OFW na hindi adik sa piktsuran…’yan naman tayong mga Pinoy we love pictures. Nakangiti sa mga bawat galaw mo tapos i-post mo sa Facebook at Friendster mo. Nasa background ang mga lugar na ‘di nila alam ang iba dun lang sa likod ng tinutuluyan mo. Para masabi nilang ‘di ka nalulungkot sa kinalalagyan mo ngayon.
Ang iba sa Pinas sasabihin, "Naku si kuwan pasyal ng pasyal ha. Marami na sigurong pera yun. Ang laki pa ng ngiti sa camera mukhang masaya siya dun!." Pero haller! Ate, kuya! Papicture lang po ‘yan, bus card lang po ginamit para makapunta diyan at.kumain muna sa bahay bago umalis para makatipid para di na kumain sa restaurant. Isip nga naman ng Pinoy sa Pinas. Ito na lang po ang libangan namin dito, para mapasaya ang sarili naming...makita ng iba na mukhang masaya kami rito. Pero may iba sasabihin na, "Di naman siguro siya naho-homesick diyan, nakita mo ang ngiti abot hanggang taenga." Haller ulit! Alangan naman sa picture eh nakasimangot ka! Pero ‘di lang ninyo alam sa likod ng mga ngiti na yun ay may kanya-kanyang kuwento ng hinagpis sa buhay dito sa ibang bansa. ‘Di nila alam kung ilang baldeng luha ang naibuhos dahil nami-miss na nila ang mahal nila sa buhay sa Pinas. Kaya big smile lang kuya at ate para maganda ang kuha mo sa pictures para di nila halata na ganun na kadami ang nailuha mo. Pasalamat na nga lang meron ng Internet ngayon. Nakakapag-chat kami, may libangan kahit papano, may nakakausap sa oras na may problema. Minsan kasi yun sa Pinas ‘di mo sila makausap dahil sa time difference. Darating minsan kasi sa puntong gusto mo lang kausap yung mahihingahan mo ng sama ng loob. Iyan ang naging libangan ko rito nang nagkaroon ako ng laptop. Dumami ang kaibigan ko mula sa iba’t ibang bansa, mga OFW din kagaya ko na walang magawa. Adik na nga raw ako kasi mas lamang na kaharap ko ang laptop kaysa sa totoong tao. Nakakalibang naman kasi. Imagine mo ‘di mo sila nakikita pero nakakapag-share kayo ng ideas and life story ninyo. Nakakatuwang isipin nga na dahil sa Internet nawala ang homesick ko, nagkaroon ng mga kaibigan na makakapagpaalis ng kalungkutan kahit pangsamantala. Nakupo! ‘wag lang mawawalan ng internet connection malamang mawala rin ako sa sarili ko, hehehe.

...nakakamiss naman talaga kasi ang buhay sa Pinas kahit na mausok, polluted at walang disiplina ang ibang tao. Nakaka-miss din ang ingay ng kapitbahay, maiinit na pandesal sa umaga, pagsakay sa jeep, ang bagong katay na baboy kasi dito frozen ang baboy.
– Roshane96
Hindi ko pa rin naman masabi totally na na-overcome ko na ang homesickness kasi until now nararanasan ko pa rin ang umiyak sa gabi lalo na kapag nami-miss ko ang mga anak ko. May pagkakataon na naiisip ko na wala ako sa mga special occasion na dapat sana nandun ako. Pera, laruan at chocolate na lang ang puwede kong ibigay sa kanila, bukod sa walang sawang pagsasabi sa kanila na, "Anak, I love you!" Iba pa rin siyempre yung kasama ko sila sa paglaki nila. May magagawa po ba ako? Wala rin naman. Oo, madaling sabihin na, "Sus umuwi ka problema ba ‘yon? Para makasama mo mga anak mo. "Haller, paano naman kinabukasan nila, magtitiis na lang muna ako sa homesick na ‘yan." Tutal may internet naman, darating din ang time na makauuwi rin ako dun sa kanila…malapit na. Iniisip ko na lang na kung kasama nila ako malamang ‘di ko naiibigay ang mga bagay na nais nila. Hay! nakakamiss naman talaga kasi ang buhay sa Pinas kahit na mausok, polluted at walang disiplina ang ibang tao. Nakaka-miss din ang ingay ng kapitbahay, maiinit na pandesal sa umaga, pagsakay sa jeep, ang bagong katay na baboy (kasi dito frozen ang baboy), ang tuyo, ang mga puno at halaman…ayan nami-miss ko na naman talaga ang Pinas. Kailan ba kasi magbabago ang gobyerno natin para naman ‘di na mauso ang OFW. Kung sana lang maganda ang buhay sa atin, wala sana ako rito. Hindi ko sinisi ang gobyerno sa kapighatian ko rito, ang sa akin lang po kung sana ginagawa nila ng maayos ang trabaho nila para mapaunlad ang bansa natin. Kung wala sanang corruption siguro nga uunlad ang bansang Pilipinas. Napapag-iwanan na tayo ng mga kalapit natin na bansa. Sila umuusad, tayo paurong. Sa mga kagaya kong naho-homesick diyan, magpakatatag lang tao at libangin ang sarili. Mag-unwind minsan, lumabas ka sa hawla mo. Maganda naman siguro ang kapaligiran mo ngayon. I-appreciate mo na lang muna kung ano ba ibinigay sa’yo ni God. Isipin mo mas masuwerte ka kasi may trabaho ka, may pera ka na naipapadala sa pamilya mo sa Pinas. Remember, nandito ka sa abroad para sa pamilya mo kaya ‘wag mong kalimutan ‘yon. Isipin mo na rin na nakakatulong ka para umunlad ang ating bansa dahil sa dollar na pinapadala mo sa kanila. Set your mind in a positive way, lahat nang ito para sa ikakabuti mo at pamilya mo. Alam ko iiyak pa rin ako sa mga darating na buwan, alam ko maho-homesick pa rin ako kahit pa may internet o laptop sa harap ko. Pero gusto kong isipin na salamat naho-homesick pa ako, kasi ibig sabihin mahal na mahal ko ang pamilya ko sa Pinas at hindi ko sila nakakalimutan. Sana ganun din kayo mga kabayan, lilipas din ‘yan sabi nga nila. Isang araw ‘di mo namamalayan nasa airport ka na pala papauwi ng Pilipinas bitbit ang pasalubong para sa kanila. Salamat at mabuhay tayong lahat ng OFW sa buong mundo na buhay na bayani sa isip, salita at sa gawa! - GMANews.TV Roshane96 Kamusta mga Kapuso! Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kuwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa mga kababayan namin saan mang dako ng mundo, saludo po kami sa inyo. Mabuhay kayo mga masigasig naming Kapuso sa abroad!