ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Ang susi sa pag-unlad ng ating bayan


I have read some of the worthy stories of our fellow Pinoys who are working abroad. And I have also experienced the same struggles and fate as they did. Although I'm not a writer, I was encouraged to write and send you a Pilipino article on how to improve our Philippine economy. At least, I can still express my thoughts in our national language--Pilipino. Bakit nagkawindang-windang ang buhay ng mga Pinoy? Ang dahilan ay ang napakalaking pagkakautang ng bayang Pilipinas sa ibang bansa. Dagdag pa rito ang pagkamatay ng ating mga negosyo para sa eksportasyon. Lahat na lang ng ating mga pangangailangan sa buhay karamihan ay puro mga inangkat. Madalas na tanong na ating nadidinig, "kailan pa uunlad ang ating bayang Pilipinas? Pero dapat din siguro nating itanong sa ating mga sarili kung ano ang ating maitutulong sa bayang Pilipinas at hindi lang kung ano ang maitutulong ng bansa sa atin. Tulad nga ng sinabi ni US Pres. John F. Kennedy: “Ask not what your country can do for you; ask what you can do for your country."


Ako’y isang probinsiyanong may pangarap sa buhay, naglakas-loob na sumugod sa lungsod para maghanap ng trabaho at makapagpatuloy ng aking pag-aaral.
–Mario Lascano
Bilang isang Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa, ako’y pinalad na nakatapos ng pag-aaral sa kolehiyo sa Maynila sa pamamagitan ng sariling pawis, tiyaga, sikap, tulong at awa ng Poong Maykapal. Ako’y isang probinsiyanong may pangarap sa buhay, naglakas-loob na sumugod sa lungsod para maghanap ng trabaho at makapagpatuloy ng aking pag-aaral. Sa tulong at awa ng Diyos, ako’y nakakita ng trabaho, nakapag-aral, at nakatapos ng kolehiyo sa Philippine School of Business Administration (PSBA) sa Maynila. Dagdag pa rito, ako’y npinalad na makapasa sa CPA Board Exam. Kaya talagang totoo ang kasbihan na, “habang may buhay, may pag-asang tagumpay na nakalaan sa ating buhay." Pinalad akong mapasok sa isang bangko sa Makati City. Humigit kumulang ako’y nakapaglingkod ng 21-taon sa nasabing bangko. Ang aking huling buwanang suweldo ay P25,000.00. Pero dala ng aking pangarap na kumita ng mas malaki para matustusan ang edukasyon ng aking anak, mga magulang at mga kapatid, nilisan ko ang ating bayang Pilipinas na tigmak ng kalungkutan tungo sa Estados Unidos noong 2001. Tutoo ang sinasabi ng ating mga kababayan, basta’t hindi ka maselan, marami kang mapapasukang trabaho sa Amerika. Bagamat mahirap at malungkot ang aking buhay dahil malayo ako sa aking mga mahal sa buhay, masaya naman ako sapagkat nabibili ko ang aking mga pangangailan. Pero higit sa lahat, ako’y nakakapagpadala ng dollar sa Pilipinas na katumbas ay P20,000.00 bawat buwan sa aking anak na nag-aaral sa Ateneo de Manila. Malaking kasiyahan na sa isang magulang ang mapagtapos sa pag-aaral at mabigyan ng magadang kinabukasan ang kanyang anak. Naniniwala kasi ako na, “maganda ang kinabukasan kung tayo’y may pinag-aralan." Kaya pakiusap ko lang sa ating mga opisyal na sana ang milyong-milyong ‘Pork Barrel" funds ng ating mga senador at congressmen ay gamitin nila sa pagpapatayo ng mga Science schools sa kanilang nasasakupang distrito. Tulad sa Metro Manila, mayroong mga Science school na puwedeng pasukan ng mga mahihirap pero matatalinong kabataan. Sa lahat ng mga bayan sa buong Pilipinas dapat magkaroon ng mga Science school upang magkaroon ng de-kalidad ang edukasyong sa ating mga kabataan. Sabi nga ni Gat. Jose Rizal, “ang mga kabataan ang pag-asa ng ating bayan." Kaya nga, magandang edukasyon ang susi ng pag-unlad ng ating bayang Pilipinas. Samahan ito ng sipag, tiyaga at lubusang pananalig sa Diyos tungo sa ating tagumpay. Kung minsan, sumasagi sa aking isipan at tinanong ko ang aking sarili: “Kung hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob na makipagsapalaran sa Maynila, makapagtapos kaya ako ng kolehiyo at makapagtrabaho sa ibang bansa tulad ng Amerika?" Maraming salamat sa Poong Maykapal at ako’y nakapagpapadala ng dollar buwan-buwan sa aking mga mahal sa buhay sa Pilipinas. Nabalitaan ko na ang dollar remittances ng mga Pinoy sa abroad at nakatutulong malaki sa ekonomiya ng ating bayang Pilipinas. Kung ganun, kailangang talagang dagdagan natin ang mga kabataan na makatatapos ng kolehiyo at damihan talaga ang mga Science school sa buong bansa. Kung makakatapos sila ng kolehiyo, magkakaroon din sila ng pagkakataon na makapagtatrabaho sa ibang bansa at ang perang ipadadala nila sa Pilipinas at dagdag na tulong din sa ekonomiya ng ating bayang Pilipinas. Mula sa Amerika, ako’y bumabati na mabuhay sa lahat ng ating kababayan, at sa ating bayang Pilipinas! - GMANews.TV Mario Lascano ng Texas, USA Kamusta mga Kapuso! Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kuwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa mga kababayan namin saan mang dako ng mundo, saludo po kami sa inyo. Mabuhay kayo mga masigasig naming Kapuso sa abroad!