ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Pangarap sa kabila ng kawalan


Magandang araw po sa GMA Kapuso. Isa po ako sa masugid na sumusubaybay sa mga kwento ng buhay ng mga kababayan kong OFW. Kaya naman naisipan ko rin na ibahagi ang aking kasaysayan na aking idinaan sa pamamagitan ng tula. Maraming salamat po at mabuhay po kayo. PANGARAP SA KABILA NG KAWALAN Magandang araw po sa mga masugid na Kapuso Ako po'y nais din na magbahagi ng buhay na taos sa puso Sa mga katulad kong nasa malayong dako Mga pangarap sa buhay ay unti-unti sanang mabuo Hindi po ako makata, isang karaniwang tao lang Ngunit sa tula ko po idadaan itong aking kasaysayan Sanay magustuhan niyo itong aking pamamaraan Makapagbahagi at makapagbigay-aral kung mayroon man Lumaki po ako sa maliit na pamayanan Inaruga nina lolo't lola ayun sa kanilang kapanahunan kaya naman resulta'y apo nila'y may katinuan Na siyang naging gabay ko sa pangarap sa kabila ng kawalan Nung ako'y magbibinata na ay punong-puno ng pangarap Subalit tanong sa sarili'y paano ko ito mahahanap kung ang sariling magulang 'di ako hinahanap At masabihang kumusta ka anak, ano ba ang iyong pangarap? Nang ako'y magkokolehiyo na, tinapat ako ni lola Naku! apo 'di namin maipapangako na ikaw ay mapag-aaral pa Sagot ko'y ganun po ba? Okey lang po yun lola 'Di niya alam sa pagtalikod ko'y tumulo ang luha sa'king mga mata Paano na ngayon mga pangarap na gusto kong abutin? Sa kabila ng aming kahirapan ito ay mabibitin O Diyos ko! tulungan niyo ako kung anong gagawin At salamat naman may ibang taong tumulong sa akin Sa madaling kwento, ako'y nakapag-kolehiyo sa siyudad Kahit ito'y medyo malayo at nagtitiis sa paglalakad Huwag lang maka-absent sa eskwelahan kong unibersidad At laging iniisip na sana'y mga pangarap ko'y matupad Pagkalipas ng ilang taon nakatapos itong si ako Umaasa na kahit papano pangarap ay unti-unting mabubuo Kahit na magulang ay walang paki sa buhay ko Ipinapangako sa sarili, magsisikap para sa magiging pamilya ko Nag-asawa po ako sa edad na bente-dos anyos Maraming nagsabi na bata ka pa iho at wala ka pa sa ayos Sagot ko nama'y kaya ko na pong harapin ang darating na mga unos Magsisikap kaming mag-asawa para sa aming panggastos Una ko pong trabaho ay sa isang sangay ng gobyerno Subalit dalawang taon lang ay tapos na ang termino Naghanap at nakakita uli ng work dun sa isang pribado Ngunit walong taon na, sabi ko'y walang mangyayari dito Hanggang isang umaga tumawag ang ahensiya mula Maynila Interesado ka bang magtrabaho dun sa ibang bansa? Sagot ko po'y opo, ano po ba ang offer nila Ikaw ay napili ng isang employer na taga-Saudi Arabia Salamat naman at ito na ang simula ng mga pangarap ko Sahod ay 'di kalakihan pero puwede ng panimula ito Upang mabigyan ng magandang buhay ang pamilya ko Magtitiis ako para sa kinabukasan ng mga anak ko Mahigit isang taon nagtrabaho sa Gitnang Silangan Nagtiis sa kakaibang klima, linguaheng 'di maintindihan Trabaho rito, trabaho doon kahit ano na lang Pagka ikaw ay nandito na, ika'y wala ng magagawa Sa tatlo kong mga anak at mahal na asawa Lagi kong sinasabi magpapakabait sila Dahil hindi biro ang trabaho ng kanilang mahal na papa Nang sa ganun ang buhay nami'y guminhawa Subalit minsan may mga oportunidad na mahirap tanggihan Isang umaga may nag email na isang kaibigan Baka gusto mo magtrabaho dito, umuwi ka agad sa ating bayan Upang maayos lahat nang iyong kinakailangan Sa OFW isang masayang araw ang ikaw ay pauwi na Dahil mahal sa buhay na naghihintay ay makakasama mo na Nanamnamin mga panahong ika'y nawalay sa kanila At ngayon pinaghirapan sa malayo ay iyo nang nakikita Umuwi ako ng Pinas buwan ng Nobyembre At muli ring umalis buwan ng Disyembre Doon na ang tuloy sa bansa na maraming tigre Sana'y gabayan ako ng Maykapal sa aking diskarte Ngayon ay nandito na ako at muling nagtatrabaho Medyo maganda ang lagay at sana'y magtuloy-tuloy ito Upang mga pangarap sa buhay ay unti-unti nang mabuo Kaya mo 'yan, 'yan ang bulong sa sarili tuwing nag-iisa Kaya naman pangarap sa kabila ng kawalan Ay unti-unti na pong nasisilayan Sa tulong ng Maykapal na siya kong laging kanlungan Matutupad ito basta magtiwala ka lang sa kanya kabayan Sa lahat po ng nakababasa ng aking kasaysayan Maraming salamat po at sana'y inyong nagustuhan At sa GMA Kwentong Kapuso maraming salamat din po Nawa'y marami pang OFW ang mapapasaya ninyo ng totoo. - GMANews.TV Gibz ng Africa Kamusta mga Kapuso! Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kuwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa mga kababayan namin saan mang dako ng mundo, saludo po kami sa inyo. Mabuhay kayo mga masigasig naming Kapuso sa abroad!