ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Ano sa'yo ang kahulugan ng salitang 'abroad'? (1)


Inip na akong makapag-abroad. Ang bagal ng pagpatak ng segundo...Gusto ko nang makaahon sa kahirapan at mabigyan ng magandang kinabukasan ang aking pamilya. 'Pag binanggit ang salitang “abroad", sari-saring pangarap ang pumapasok sa ating isipan. Pera, magandang career, chocolate, lotion, damit, pantalon, celfon, pabango, alahas, etc. etc. Pero naisip na ba natin kung ano ang talagang kahulugan ng salitang “abroad"?


Makalipas ang tatlong buwan, inaasahan ko man, ikinabigla ko pa rin ang balitang ako ay lilipad na at pupunta ng Saudi Arabia. Naramdaman ko bigla ang kalungkutan dahil iiwan ko ang aking pinakamamahal na pamilya.
– Ahldabest
Taong 2008, nakausap ko ang aking kaibigan sa pamamagitan ng yahoo messenger. Inalok akong mangibang bansa. Maliit pa ako ay pangarap ko na na sumakay ng eroplano, makarating sa lupang banyaga at makakilala ng ibang lahi. Maghahalong kaba at excitement, tinanggap ko ang alok. Sinimulan ang medical, at pagproseso ng papel. Kinainipan ko ang aking pag-alis. Inabot ng tatlong buwan ang pagproseso ng papel at kung ano-ano pang bagay. Gustong-gusto ko nang mangibang-bansa dala ang pangarap na maiahon ang aking pamilya sa hirap ng buhay na dinaranas sa ‘Pinas. Makalipas ang tatlong buwan, inaasahan ko man, ikinabigla ko pa rin ang balitang ako ay lilipad na at pupunta ng Saudi Arabia. Naramdaman ko bigla ang kalungkutan dahil iiwan ko ang aking pinakamamahal na pamilya. Sa loob ng limang taon mula nang ako’y ikinasal, ngayon lang ako mapapahiwalay sa kanila. At simula nang ako’y ipinanganak, ngayon lang ako malalayo sa mga mahal ko sa buhay. Pansamantalang malalayo sa aking mahal na asawa, sa aking apat na taong anak na babae at sa anim na buwan kong anak na lalaki. Andun yung pakiramdam na ayaw ko na palang umalis. Pero nasimulan na, kaya kailangang panindigan. Sabi ng bayaw ko na galing sa Qatar, “Ang maipapayo ko lang sa’yo, pasensya. ‘Yan ang pinakaimportante sa lahat." Tumango ako bilang pagsang-ayon at tinapik niya ako sa balikat. Hinatid nila ako sa airport, halo-halo ang aking nararamdaman – kalungkutan, kaba, at excitement. Hindi na nakababa ng kotse ang aking mag-iina para makapagpaalam nang maayos sa akin dahil sinita ng pulis ang driver sa matagal na paghinto sa tapat. Nang ako’y makababa ng kotse, tatlong oras pa ang aking hinintay sa loob ng NAIA. Maraming text mula sa mga kaibigan at kamag-anak ang aking natanggap – “Paalam," “Ingat," “Pasalubong," at “Good Luck". Makailang beses ako nag-text sa aking asawa pero hindi nagrereply. Maya-maya, nagtext sa akin ang aking Tatay (kasama siya at ang aking biyenan na babae sa naghatid sa akin). “Umalis na kami ‘di na nakapag park, nahuli yung driver. ‘Di na nakareply si Leah dahil naiyak pati kaming lahat. Anak lakasan mo loob mo ingat lagi, huwag pababayaan ang katawan mo, God bless..." Muli kong naramdaman ang kalungkutan. Gusto kong umiyak pero dyahe dami tao :D Dumating ang oras sa pagsakay sa eroplano. Muli nagtext ako sa aking misis at nagreply naman siya agad: “Lagi kang mag iingat, mahal na mahal ka namin. Di pa masyado pansin ng dalawang anak mo na wala ka dito. Miss na agad kita." Ang sakit sa dibdib umalis. Ang bigat ng paa kong humakbang papasok sa loob ng eroplano. Naramdaman ko ang pag-angat ng gulong ng eroplano paalis ng Pilipinas. Paalam pansamantala, bayang aking tinubuan, ako’y makikipagsapalaran sa Gitnang Silangan. Ini-ROAM ON ko na ang aking celfon.

Kaasar ang palabas na pelikula sa eroplano, parang nananadya. Kung ‘di ba naman, akalain mo ang i-play nila ay ang movie ni Jinggoy na, “Katas ng Saudi." Na-imagine ko kung ano ang mangyayari sa akin pagkatapos ng kontrata at makauwi ng ‘Pinas. May posibilidad kaya na makilala ako ng bunso ko?
– Ahldabest
Kaasar ang palabas na pelikula sa eroplano, parang nananadya. Kung ‘di ba naman, akalain mo ang i-play nila ay ang movie ni Jinggoy na, “Katas ng Saudi." Na-imagine ko kung ano ang mangyayari sa akin pagkatapos ng kontrata at makauwi ng ‘Pinas. May posibilidad kaya na makilala ako ng bunso ko? Nailagay ko ang aking sarili sa sitwasyon ng karakter na ginagampanan ni Jinggoy. At ang pinakamasaklap na eksena, nung si Jinggoy ay aalis na muli pa-Saudi. Bumalik ang kalungkutan na aking naramdaman bago sumakay ng eroplano. At nakakahiya man, dire-diretsong pumatak ang luha mula sa aking mata at naglandas ito sa magkabila kong pisngi. May kasama pa nga itong singhot at hikbi (napapagitnaan pa man din ako ng dalawang babae ), nagtalukbong na lang ako ng kumot habang naiiyak. Gumaan ang aking pakiramdam matapos ‘kong makaiyak (talo pa ang diatabs). Paglapag ng eroplano ay binuksan ko na ang aking celfon. Dumating ang text message. “Thank you for choosing Mobily. Saudi’s Leading GSM operator. We wish you a memorable stay. The No. of Philippines Embassy in Riyadh is ******. For assistance call free1100." Saudi na nga ito. Ninerbyos ako pagkalabas ng airport, sigaw nang sigaw ang mga Arab Police. Sabi nung isang Pinoy na kasabay ko, natural sa mga Arabo ang sumisigaw. Para akong nasa palengke. Ang mga kasabay kong kababayan ay puro blangko ang mukha. Sari-saring amoy ng katawan ng tao ang sumalubong sa ilong ko habang nakapila. Nagsisigaw na naman ang mga pulis at pinagtutulak ang mga Pakistani dahil pasaway pumila sa pila ng Pinoy. Kabado ako dahil di ko alam kung sino ang susundo sa akin. Sa kabutihang palad, Pinoy ang sumundo at nakarating ako sa aming camp nang matiwasay. At dito na nagsimula ang aking buhay Saudi. Homesick at kasiyahan sa simula. Nag-birthday ako na walang handa (kumain akong mag-isa ng instant pansit canton), umiiyak ‘pag nakaka-receive ng text galing ‘Pinas, mag-countdown sa status ng yahoo messenger (730 days before going home) at kung ano-ano pang ka-homesick-an na naiisip ko. Taong 2009, gamay ko na ang buhay Saudi. Medyo nakakaintindi at nakakapag-salita na ako ng kaunting Arabic words. Sa panahong ito ko na-realize ang sinabi ng aking bayaw, ang pasensya. (Itutuloy). - GMANews.TV Ahldabest sa KSA Kamusta mga Kapuso! Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kuwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa mga kababayan namin saan mang dako ng mundo, saludo po kami sa inyo. Mabuhay kayo mga masigasig naming Kapuso sa abroad!