ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Pangarap sa pamilya'y nasira dahil sa isang OFW


Sa murang edad, nakapag-asawa ako sa Pilipinas. Hindi pa ako nakatatapos ng aking pag-aaral noon nang mabuntis ko ang aking kasintahan. Sinikap kong maging mabuting asawa sa kanya. Naghanap ako ng trabaho, kahit ano aking pinasukan. Ang nasa isip ko lang ay mabigyan ng magandang buhay ang aking pamilya – ang magiging anak namin at asawa ko. Nung una, masyadong mahirap para sa akin ang lahat, sa isang fastfood chain lang ako nakapag trabaho. Pero hindi doon tumigil ang pangarap ko na makakuha ng magandang trabaho.


Oo, masakit isipin at mahirap tangapin pero nahuhuli ko siyang may ibang karelasyon, at ilang ulit ko siyang pinatawad.
– NBM
Sa huli ay pinalad akong makakuha ng magandang trabaho. Naging maganda ang buhay naming mag-asawa at maging ang kabiyak ko ay nakakuha rin ng magandang napasukan. Pero hindi rin naging madali sa amin ang lahat bunga ng mga dumarating na pagsubok sa aming dalawa. Ako ang palaging umiintindi sa bawat kasalanan niya sa akin. Oo, masakit isipin at mahirap tangapin pero nahuhuli ko siyang may ibang karelasyon, at ilang ulit ko siyang pinatawad. Inisip ko na lang na kung ako ang magkakamali ay ganun din ang gagawin niya sa akin. Nagagawa ko iyon dahil mahal ko siya at ang aming mga anak. Ipinagwalang bahala kong lahat iyon kahit ilang ulit niyang ginagawa sa akin ang magtaksil. Hanggang sa dumating ang sandali na sinukat na ako ng pagkakataon. Minsan lang akong kabahan, pero siguradong tama naman iyon. Natutulog siya noon at bigla akong nagising nang tumunog ang kanyang cellphone. Hindi ko maisip kung bakit ako kinabahang bigla nang hawakan ko ang cellphone niya. Dati-rati hindi ko inisip na tingnan ang laman ng cellphone niya dahil may tiwala naman ako sa kanya. Ako rin naman pakalat-kalat lang ang cellphone ko sapagkat wala naman akong itinatago sa kanya. Nang basahin ko ang text sa cellphone niya ay bigla akong nagulat, at nanlamig ang aking buong katawan. Hindi ko nakayanan at hindi ako makapaniwala sa aking nabasa. Minabuti kong manahimik na lang pero hindi ako patulugin ng aking isipan. Halos araw-araw ay isang oras lang ang aking tulog at gigising ako dahil aasikasuhin ko ang aming mga anak na papasok. Hindi ko akalaing magagawa niya ulit sa akin iyon. Ginawa ko na ang lahat ng paraan para ‘wag siyang mawala sa akin. Halos pagsilbihan ko siya sa buong araw ay ginawa ko pero iyon pa ang iginanti niya sa akin.

Sana’y magbigay ito ng aral sa ating mga kababayan sa abroad na nakikipag-relasyon sa Pilipinas para lamang maglibang na baka may mabuting pamilya na silang nasisira kagaya ng sinapit ng aking pamilya.
– NBM
Sa halos tatlong buwan na malalim ang aking iniisip at hindi ako natutulog or kumakain, nawalan ako ng tuluyan sa aking sarili. Mabuti na lang at dinala ako ng aking mga ka-officemate sa hospital. Doon ay binigyan ako ng lunas at pinatulog ng ilang araw sa ospital. Nang panahon na iyon ay naunawaan ko na wala pala talaga akong kuwenta sa aking asawa. Kahit kasi ikamatay ko na ay balewala lang sa kanya. Nang maayos na ang aking kondisyon ay umuwi na ako sa amin para makasama ang aking mga anak. Inisip ko na kakayanin ko ang sitwasyon kung ayaw na sa akin ng asawa ko, at least para na lang sa mga anak ko ay gagawin ko ang mga pagsasakripisyo. Masakit sa bawat araw na dumadaan na naririnig kong na nag-uusap sila ng lalaking kinalolokohan niya. Nasa malayong lugar ang lalaki at isa itong OFW. Hanggang sa dumating ang araw na nagpasya akong lumayo na. Masakit sa kalooban ko na malayo sa aking mga anak, pero mas masakit na makita silang naapektuhan sa kalagayan ko. Nagdesisyon akong maghanap ng ibang trabaho at napadpad ako sa Singapore. Nagtagal ako doon ng may apat na buwan na halos naging kaawa-awa ang aking kalagayan. Bigo akong makakuha ng papasukang trabaho doon at pumapasok na sa isip kong bumalik sa Pilipinas. Pero hindi ako agad sumuko, nagpatuloy ako sa paghahanap ng trabaho sa labas dahil nasa isip ko na mas mabuting malayo ako sa Pilipinas para mabigyan ko rin ng magandang buhay ang aking mga anak. Laking pasalamat ko dahil hindi naman ako nabigo dahil kung hindi man ako pinalad sa Singapore ay nakapasok naman ako dito sa Saudi Arabia. Isa na rin akong OFW na katulad ng taong umagaw sa aking asawa. Sana maisip din ng ibang kababayan natin na nasa ibang bansa at naghahanap ng mapaglilibangan na bago sila pumasok sa relasyon ay isipin nila na baka may nasisira na silang maayos na pamilya. Sana isipin nilang mabuti na kaya sila nagpunta sa abroad dahil para sa pamilya nila at hindi para manira ng ibang pamilya. Mahirap maging masaya rito sa abroad lalo na kapag iniisip kong isang OFW rin ang sumira ng aking pangarap para sa aking pamilya...at ngayong isa na rin akong OFW. Sana’y magbigay ito ng aral sa ating mga kababayan sa abroad na nakikipag-relasyon sa Pilipinas para lamang maglibang na baka may pamilya na silang nasisira kagaya nang sinapit ng aking pamilya. - GMANews.TV NBM ng Saudi Arabia Kamusta mga Kapuso! Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kuwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa mga kababayan namin saan mang dako ng mundo, saludo po kami sa inyo. Mabuhay kayo mga masigasig naming Kapuso sa abroad!