ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Ang pakikipagsapalaran ng isang Batangueno sa bansa ng mga Arabo


Madalas noong bata pa ako kapag tinanong ako kung ano ang pangarap ko, mabilis ko agad isasagot na "gusto ko maging duktor."Pero bakit nga ba ayun agad ang propesyon na tumatatak sa murang isip ng isang bata? Marahil impluwensiya ng kapaligiran, nakikita at naririnig. Subalit habang ako ay lumalaki at nagkakaisip, namalas ko na sa klase ng pamumuhay na meron kami, naitatanong ko kung kaya ko bang makamit ang pangarap kong maging duktor? Subalit hindi dun matatapos ang pangarap ng isang bata, madalas kapag nagde-day dreaming ako, na-imadyin ko na mayaman kami, na sagana sa lahat ng bagay, walang problema, walang inaalala. Masarap din naman sa pakiramdam na kahit sa imahinasyon lang ay naranasan mong yumaman.


Subalit hindi dun matatapos ang pangarap ng isang bata, madalas kapag nagde-day dreaming ako, na-imadyin ko na mayaman kami, na sagana sa lahat ng bagay, walang problema, walang inaalala. Masarap din naman sa pakiramdam na kahit sa imahinasyon lang ay naranasan mong yumaman.
– Rodelio
Sa estado ng buhay meron kami, masasabi kong kami ay isang malaking pamilya na sinubok at pinatatag ng kahirapan. Ipinanganak akong mahirap, lumaking mahirap, at alam ko hindi ako habang-buhay na mahirap. Oo, ipinanganak akong mahirap, lumaki ako at nagkaisip sa bahay namin sa Sitio Imus Lumbang na Bata, Calaca, Batangas. Sa isang bahay na dating pagmamay-ari ng kapatid ng aking ama, dun na ako lumaki at nagkaisip. Doon ko rin naranasan na kapag may malakas na bagyo, lumilipat kami sa bahay ng lolo ko kasi kapag lumakas ang hangin posibleng magiba ang aming abang tahanan. Babalik lang kami kapag humupa na ang unos. Doon ko rin naranasan na maglaro kasama ng mga kapatid at mga pinsan ko...dun ko naranasan ang walang kapantay na pagmamahal ng magulang – sobrang mapagmahal si Tatay at si Nanay. Oo't salat kami sa materyal na bagay pero hindi kami kalianman naging salat sa pagmamahal at pagkalinga ng magulang. Dito ko naranasan ang hirap ng katawan, ang pagbubukid ang ikinabubuhay namin. So asahan mo na sa bukid ka araw- araw, sunog ang balat sa araw, nangangapal ang kamay sa kalyo, nabubulok na kuko sa paa. Sabi ko nga sa mga kaibigan ko, lahat ng klaseng hirap na alam nila naranasan ko na. Pero sa kabila ng kahirapan, hindi yun naging hadlang para makapag-aral kami. Pilit kaming iginapang ni tatay para makapagtapos kahit hanggang high school man lamang. Si ate ko, si kuya, si meng at ako, halos sabay-sabay kami na nag-aaral noon pero kinaya ni tatay ang lahat gastusin at hirap. Doon ako humanga sa tatay ko, sa kanyang determinasyon at pagiging masigasig. So nung nag-aaral na nga kami, dumating sa buhay naming ang dalawang panibagong anghel, sinundan ako ng isa pang babae at pagkatapos ay isang lalaki at babae ulit hahaha..dami namin ano? Walo kaming magkakapatid. Tapos may isang parte ng buhay namin na hindi naming inaasahan na mag-aangat sa amin kahit papano sa kahirapan. Nag-ahente ng lupa si tatay at sinuwerteng nakabenta siya. Kumita yata siya that time ng almost 400,000 pesos. From that moment ay nagpatayo na kami ng sementadong bahay na that time malaki na ang value ng P400,000 di ba?

Dun ko naranasan ang walang kapantay na pagmamahal ng magulang – sobrang mapagmahal si Tatay at si Nanay. Oo't salat kami sa materyal na bagay pero hindi kami kalianman naging salat sa pagmamahal at pagkalinga ng magulang.

Ayun nakaranas kami kahit papaano ng kaunting sarap, at kapag may unos hindi na kami lumilipat sa lolo ko, mas matibay na ngayon ang bahay naming. Dream come true para sa tatay at nanay kasi nakapagpatayo na kami ng bahay. Then naubos ang pera sa pagpapagawa ng bahay, wala na naman kaming pera, kayod na naman si tatay. Buy and sell ng mga hayop ang ginawa niya, yung kinikita niya dun nanggagaling ang kinakain namin araw-araw at ang panggastos sa school. Kaso hindi sa lahat ng pagkakataon kumikita, bumagsak ang hanapbuhay ni tatay, nagkanda lugi-lugi, naloko pa ng isa walang pusong tao. Ayun nag-umpisa na naman ang kahirapan sa buhay namin. Nariyang hindi namin alam kung saan kukuha ng pambili ng bigas, 'ni kape hindi makainom, kakain na asin ang ulam. Pero hindi pumayag si tatay sa ganung buhay, nagsangla siya ng lupa sa bangko para makabayad sa mga pagkakautang at makapagsimulang muli. Nakabayad na sa mga utang at nakapag aral ako kahit papaano kasi nakapasa akong full scholarship grant sa Rufino J. Cardinal Santos foundation. Habang nag-aaral, katu-katulong ako sa bukid, tulong-tulong kami nina kuya, na at the same time namimili ulit si tatay paminsan-minsan. Ttumakbo nang matulin ang panahon pero hindi pa rin kami tinatantanan ng kahirapan. Halos tumigil na ako sa pag-aaral noon, pero sige lang dahil hindi pumayag si tatay. Tama si tatay sa kanyang determinasyon, March 15, 2006 nakuha ko ang diploma ko sa Batsilyer ng Agham sa Pagtutuos. Nakatapos ako ng accountancy pero hindi nangangahulugan na katapusan na ng kahirapan. Parati pa rin kaming sinusubok nito, hindi ako makapag-aplay kasi wala akong panggastos, wala akong mahiraman. Sa bahay at bukid pa rin ako. Noon ko naranasan na mag-ikot sa gubat, manguha ng mga bagay na makakain, gulay, kamote, gabi…halos maiyak na ako. Pero hindi ako nawalan ng pag-asa, at tamang hindi mawalan ng pag-asa dahil nagkaroon na ako ng pagkakataon na makapunta ng Cavite. Nag-aplay ako at sinuwerte naman na after a month ay nakakuha ako ng trabaho. Doon nag-umpisa ang buhay ko, nasuportahan ko kahit papaano ang pangangailangan sa amin, naaabutan ko ng pera si tatay at si nanay, nakakapag grocery ako ng gamit para sa bahay. Pero hindi doon natapos ang pangarap ko, kasi after ng dalawang taon sa pinapasukan kong kumpanya sa Cavite, sinubukan kong mangibang bansa.

Dito sa Riyadh, KSA mas lalo akong napalapit sa Diyos at mas nagtiwala ako Kanya at sa Kanya ko itinataas ang pinakamataas na papuri at hiling na sana habang nandito ako gabayan Niya ang pamilya ko sa Pinas..

Nag-aaral na sa kolehiyo ang kapatid kong sumunod sa akin kaya kailangan ko ng mas malaking kita. Nagtourist ako sa Singapore, tatlong buwan akong sinubok ng pagkakataon dun, Kahirapan pa rin ang naranasan ko dun, hindi ako nakahanap ng trabaho at umuwi ako sa Pilipinas na luhaan. Nabigo ang mga pangarap ko, pangarap na hindi para sa sarili ko kundi para sa pamilya. Ayun uwi ako ng Pilipinas at nagsimulang muli. Nagtrabaho ulit ako sa kumpanyang pinagtrabahuhan ko na mas mataas na ng konti ang sweldo. Tumakbo ang panahon, ang mga araw, naisipan kong lumipat ng mapagtatrabahuhan. Nakakita naman ako sa Lipa, maganda ang kita kaso hindi maganda ang kultura sa kumpanya. Pero saki ko, ok lang, sa’ken ang importante okey ang kita. Lakad na naman nga araw, hanggang dumating ang isang oportunidad na makapunta ako ng Kaharian ng Saudi Arabia. Nagpaalam na ako sa kumpanya sa Lipa, at noong May 1, 2010 na kaarawan ng pinakamamahal kong ina, umalis ako ng Pilipinas. Umalis ako na baon ang aking pangarap – ang pangarap na tuparin ang pangarap nina tatay at nanay na makaahon sa kahirapan. Kaya heto ako ngayon, nagsasakripisyo sa isang mainit na bansa na may kakaibang kultura at relihiyon. Sobrang lungkot at naho-homesick ako pero nilalabanan ko. Siyanga pala, isa akong accountant dito, at masaya ako kasi alam kong ito ang umpisa ng pagbangon naming. Ito ang umpisa nang pag-ahon namin, hindi lang para sa Tatay at sa Nanay kundi para sa mga kapatid ko na umaasa na balang araw ay aahon at giginhawa kami… Dito sa Riyadh, KSA mas lalo akong napalapit sa Diyos at mas nagtiwala ako Kanya at sa Kanya ko itinataas ang pinakamataas na papuri at hiling na sana habang nandito ako gabayan Niya ang pamilya ko sa Pinas. Ako nga po pala si Mauricio Rodelio Bautista Gatdula, lehetimong Batangeno..Mabuhay mga Kapusong OFW! - GMANews.TV Kamusta mga Kapuso! Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kuwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa mga kababayan namin saan mang dako ng mundo, saludo po kami sa inyo. Mabuhay kayo mga masigasig naming Kapuso sa abroad!