ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Ang Pangakong Binitiwan (The Promise)


PANGAKONG BINITAWAN ni Ramon Villorente Deloso Mga kaibigan ko't Kapuso, ang konting aral ay inyong matutunan, sa tula kong ginawang kwento, dito sa GMANews.TV, Mabuhay po tayong lahat! Ito ang iyong katanungan, ano ba ang dahilan ika'y iniwan? .... tunay naman kayong nagmahalan, ang pangako mo'y siya'y babalikan.

Mga bulaklak sa disyerto, halimuyak nila'y katakam-takam, ang kabanguhan ay masarap simsimin, makakapawi sa uhaw na damdamin.

Luhaan ka nang lisanin mo ang iyong mahal, sa babaeng iniwanan mo ng pangako, marami kang katanungan ngayon, mga kasagutan hindi mo maunawaan. Ito ang sagot ko sa katanungang yaon, narito ako sa iyo'y magpaliwanag, hindi basta na lang ang puso'y maghihintay, mayroon bang pangakong dapat asahan? Katulad sa akin nangyari noon, sa Jeddah ay narating ko rin naman, inaasam-asam ng aking pamilya, ang kahirapan ay dapat matugunan. Mayroon naghintay sa akin sa Pinas, babaeng ina ng aking kaisa-isang anak, sayang lang at hindi ko napakasalan, pangako ko sa kanya'y hindi natupad ...dahil maaga siyang binawian ng buhay. Nagkaroon ako ng ibang karelasyon, katugunan ng aking kalungkutan, pag-ibig ba ito o pagnanasa lamang ... sa kanya'y aking naramdaman? Bakit dito sa " Gitnang Silangan" kay daming winasak na tahanan? ang tukso'y dapat iwasan, kapag lumapit ito kusa siyang layuan. Mga bulaklak sa disyerto, halimuyak nila'y katakam-takam, ang kabanguhan ay masarap simsimin, makakapawi sa uhaw na damdamin. Gintong lupain ay mahiwaga ka! sa iyo'y ang daming nasirang pangako, damdamin ay nag-aalab, sa kalungkutan at pangungulila. Kadalasan pamilya ay nabuwag, sa mga baluktot nating damdamin, mga mahal natin sa Pinas naiwanan, umaasa sa pangako sila'y babalikan. Hanggang sa ngayon hindi mo pa rin matanggap, ang mahal mo'y nangako ika'y kanyang hintayin, mga pangyayaring hindi mo maunawaan, sumama sa iba ika'y kanyang pinalitan. Ganito ang sagot kung bakit nagkalayo, ang mag-asawa o magkasintahan, dapat kasi ang pag-ibig ay inaalagaan, tulad ng tanim mong halaman sa iyong bakuran, hindi lamang sa ulan ipaubaya para madiligan. Dito ko winawakasan ang aking tula't kwento, at sa pagtatapos ko sa inyo ako'y magtatanong... Dapat ba iwanan ang pamilya upang mangibang bansa at gaano ba kahalaga ang pera sa inyo? – GMANews.TV Kamusta mga Kapuso! Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kuwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa mga kababayan namin saan mang dako ng mundo, saludo po kami sa inyo. Mabuhay kayo mga masigasig naming Kapuso sa abroad!