
Idineklara ng Department of Tourism (DOT) bilang tourist destination sa Pilipinas ang Tutuban Center Mall na makikita sa Divisoria (Recto) sa Maynila. Ang pagdeklara sa mall bilang tourist attraction ay isinabay sa paggunita ng kapanganakan ng bayaning si Andres Bonifacio nitong Nobyembre 30. Si Bonifacio na kinikilalang ama ng rebolusyon ay isinilang sa Tutuban noong 1863. Ayon kay Stephen Yap, Vice President ng Tutuban Center Mall, layunin ng kanilang kooperasyon sa DOT sa pagdeklara sa lugar bilang tourist destination, na maisama ang bansa at ang nabanggit na establisimyento sa listahan ng mga âshopping destination" ng mga dayuhang turista. Ang konsepto ng programa ay hango sa mga sikat na night market sa Hong Kong; Bangkok, Thailand; Kuala Lumpur, Malaysia at iba pa. Dahil dito, buong taon nang magkakaroon ng night market sa Tutuban Mall at maging mga kainan. Tiniyak naman na paiigtingin ang seguridad sa lugar para sa kaligtasan ng mga mamimili. Ang Tutuban Mall ay nakatayo sa 22 hektaryang lupain na dating sentro ng transportasyon ng mga Pilipino sa Metro Manila dahil nandito ang istasyon ng tren. Makikita ito sa hangganan ng Dagupan St at Claro M Recto sa Divisoria. Bagaman ginawang pamilihan ang makasaysayang istasyon ng tren, pinananatili naman ang orihinal na disenyo nito sa harapan. Taong 1993 nang buksan sa publiko ang mall pero 1994 ito nang pasinayaan mismo ni dating Pangulong Fidel Ramos. -
Fidel Jimenez, GMANews.TV