ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Ninakaw na Hininga, Ninakaw na Pag-asa


Narito po ang aking akda na aking ibinabahagi para sa inyo at sa ating mga kababayan. Ito po ay isang akdang tumatalakay sa kinasapitan ng ating mga kababayang nabitay sa China at sa ilan pang mga kababayang nakaumang bitayin sa ibang panig ng daigdig. Sila ang ating mga kababayang ninakawan ng hininga...Nawa'y magbunga ng aral ang sinapit nila. Maraming salamat at mabuhay ang mga 'Bagong Bayani.' More power! Ninakaw na Hininga, Ninakaw na Pag-Asa ni: Gilson B. Aceveda Mahapdi ang sili sa balat lalo na’t naipahid mo sa iyong mga mata Hilamusan ng tubig, punasan ng bimpo at saka iharap sa bentilador Patuloy ang pagdaloy ng mga luha, itaas ang ulo at sapuhin ang baba Hindi maikurap ang mga mata, pilitin mang ipikit, kusang bumubuka Mahirap ang may ganitong kalagayan, nawawala sa kalawakan Nasaan ang liwanag ng kandila, hindi ko makita Nasaan ang init ng gatong na kusot, malamig pa rin ang aking sikmura Hindi ko mabanaagan ang kulabong bintana, basa ng tubig ulan Kay lamig ng panahon sa gitna ng tindi ng sikat ng araw Ako’y nahihibang sa aking kinalalagyan.

Lumalangoy ang aking muni sa putikang batis na aking kinasadlakan Pilit inaabot ang pangpang na sa akin ay kakanlong sa gitna ng kahirapan Pangpang na puno ng mga alkadang sa akin ay nakaumang Isang lugar sa mundo na noo’y pinawi ng lakas ng hanging sa kanya’y gumupo Masarap pa ang mabuhay, namnamin ang bawat hiningang kay baho Gula-gulanit ang bawat hibla ng aking kalamnam, nais kong ito’y maghilom Nakabaluktot ang katawan dahil sa takot na bumalot sa akin sa magdamag Putol-putol na pintig ng aking pusong nagdurugtong ng aking buhay sa pagkamortal Dumadaloy ang dugo papalabas sa aking bisig na hindi maigalaw sa tindi ng ngimay Manhid ang buong katawan, nakabulakta sa tindi ng kahirapan. Saan ko hahanapin ang aking sarili sa nawawalang libingan Paano ko pagdudugtungin ang bawat buto na nadurog sa kalasingan Kailan ko mababanaagan ang paggalaw muli ng aking katawan Sino ang tutulong sa akin upang ibangon ang aking pagkatao na niyurakan ng punyal Hindi ko kayang pagmasdan ang kaawa-awang kalagayan ng aking moral. Nasaan na ako sa gitna ng aking paglaban sa aking kahirapan Kahirapang lumulunod sa akin at humihila sa kumunoy ng kaguluhan Hindi ko na kayang mabuhay sa ganitong uri ng himagsikan Barilin niyo na ako sa aking sintido upang tuluyanng mabura ang ulirat kong nawawala Sabay sunugin sa sigang ginagatungan ng aking dugong namumutla. Kasalanang bulung-bulungan nila na akin daw ginawa, ay hindi kayang pagbayaran ng kasinungalingan. Kasinungalingang unti-unting kumikitil ng aking buhay sa loob ng bilangguan Buhay na nais ko pa sanang ipagpatuloy para sa aking mga mahal sa buhay Mga minamahal na nagdadalamhati ngayon sa aking kinahantungan Kinahantungang puno ng pighati’t dusang aking pinagbayaran Bawiin man ng tao ang buhay kong ipinagkaloob ng Maykapal Husgahan man ng mga banyaga na sa aking pagkatao’y lumuray Iisa lamang ang tunay na nakakaalam ng katotohanan Ang nasa itaas lamang ang may karapatang ako’y husgahan Ako sana’y huwag ninyong kaawaan, sapagkat nasa langit ang hustisyang aking inaasam. Buhay ko lamang ang nanakaw nila sa aking pagkatao Kinabukasan ng mga mahal ko sa buhay, hindi na tutubo sa paso Diligin man at sabuyan ng aking natutuyong abo Panalangin ko’y dinggin upang sumuloy ang isang pag-asang sa kanila’y hahango Bigyang saysay ang hininga kong ninakaw na siyang pumatid sa pagtibok ng aking puso. – GMA News Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang ating kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng inyong saloobin, walang mapagsabihan ng sikreto, o kaya naman nais magbigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas na ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!