ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Buhay seaman: Ang bunga ng pagsasakripisyo sa barko


Magandang araw sa inyo mga Kapuso. Ako po ay isang retired seaman na noong nakaraang taon lamang. Nag-umpisa akong maging seaman taong 1983. Bago ako maging seaman ay nagtatrabaho lang ako bilang waiter sa isang restaurant sa Makati.


Tinitiis ko po ang lahat dahil nga para sa kinabukasan ng aking mga anak. Noon ay nangungupahan lamang po kami sa Moriones, Tundo – sa isang kapirasong kuwarto, kunsaan kumakain kami sa lapag na sementado at doon na rin kami natutulog. Ang sukat ng kuwarto na iyon ay parang kulungan, at wala kaming sariling palikuran..
– Kuya Boy
Subalit sa kagipitan ng panahong iyon, ako ay napilitang mag-apply bilang seaman kahit wala akong alam at natapos na kurso tungkol sa naturang propesyon. Napilitan akong magbarko para sa pamilya ko. Iniisip ko kasi kung papaano ko mapag-aaral ang lima kong anak. Napakahirap at napakalungkot ang mahiwalay sa pamilya mga Kapuso. Subalit tinitiis ko po ang lahat dahil nga para sa kinabukasan ng aking mga anak. Noon ay nangungupahan lamang po kami sa Moriones, Tundo – sa isang kapirasong kuwarto, kunsaan kumakain kami sa lapag na sementado at doon na rin kami natutulog. Ang sukat ng kuwarto na iyon ay parang kulungan, at wala kaming sariling palikuran. Nagtitiis noon si misis na magbalat ng bawang para maibenta sa halagang sampung (10) piso ang isang lata. Iyon ay para makabili ng bigas at ulam na kakanin ng aming mga anak. Sinuwerte ako na nakapag-apply at matanggap na waiter sa Makati kaya lumipat kami ng tirahan at mabigyan ko ng mas magandang environment ang mga anak. Nang maging seaman na, nagsumikap ako na mag-ipon para mabigyan ko ng magandang buhay ang pamilya ko. Si misis ang tumatayong ama at ina ng aming tahanan habang ako ay nasa barko. Nagtiis po ako sa malalaking alon at lamig sa dagat. Lumalaki ang aking mga anak na walang ama sa kanilang birthday at graduation sa school. Sa tulong at awa ng Poong Maykapal, ang akin pong mga anak mga Kapuso ay nakatapos na rin sa kanilang pag-aaral at puro professionals na. Ang panganay ko na babae ay nakatapos ng Commerce, ang sumunod naman ay nakakatapos ng Hotel and Restaurant Management. Ang pangatlong anak ko na lalaki ay nakapagtapos ng BS Marine Engineering, ang ikaapat ay nakapagtapos ng BS Marine Transportation, habang ang ikalima (ang bunso ko) ay nakapagtapos ng BS Physical Therapist. Ang akin pong mga anak na lalaki ay puro mga binata pa at kasalukuyan nasa barko rin. Ang isa ay 2nd Officer sa isang carship ng Japanese company, at ang isa ko pang anak na binata ay officer in charge sa engine sa isang tankers na Japanese company.
"Ako naman ngayon ay nasa bahay na lang dahil hindi na pumayag ang aking mga anak na ako ay bumalik pa sa barko. Ang sabi kasi nila ay sila naman ang magtatrabaho. Mga Kapuso, kami po ng aking asawa ko ay very proud sa aming mga anak dahil hindi po sila napasama sa mga masamang impluwensiya na barkada at wala silang naging bisyo."
Ang akin namang bunsong anak na babae ay nasa isang Saudi Arabia hospital bilang physical therapist. Nakapasa na rin siya sa board exam at bale three years na siya doon. Ako naman ngayon ay nasa bahay na lang dahil hindi na pumayag ang aking mga anak na ako ay bumalik pa sa barko. Ang sabi kasi nila ay sila naman ang magtatrabaho. Mga Kapuso, kami po ng aking asawa ko ay very proud sa aming mga anak dahil hindi po sila napasama sa mga masamang impluwensiya na barkada at wala silang naging bisyo. Nakapagpatayo na kami ng sariling bahay at may sasakyan na rin kami. nagpapasalamat po kami sa Poong Maykapal na nagbunga ng maganda ang lahat ng aming pagsisikap naming mag-asawa. Ako po ngayon ay nagse-serve kay Lord bilang Special Minister of the Holy Eucharist (Lay Minister) at member na rin ako ng Knights of Colombus. Wala po kaming palya sa pagsimba, at pagro-rosary kay Mama Mary bilang pasasalamat sa lahat ng mga biyayang aming natanggap. Ang mga paghihirap na napagtiisan ko sa barko para sa kinabukasan ng aking pamilya. Maraming salamat po sa inyo mga Kapuso at mabuhay po kayo. - GMA News 'Kuya Boy’ Ranara Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang ating kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng inyong saloobin, walang mapagsabihan ng sikreto, o kaya naman nais magbigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas na ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!