ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Paano nga ba ang maging isang ina?


Pagmamahal, pag-aaruga, at paglalambing. Kanino ba natin ito unang nadama? Masyado pa raw tayong bata at sasabihang wala pang muwang sa mundo. Hindi maipagkakaila na ang kanyang hele ang nagpapahimbing sa ating pagtulog.

"Sa harap ng maraming tao, tayo pa rin ang kanilang ipinagmamalaki. Sa harap ng kanilang mga kumare at kakilala...ang anak nila ang laging ibinibida." -- Dwight C. Ernieta
Tagos sa puso ang pakiramdam ng kaniyang haplos kaya’t nababalisa tayo sa kaunting sandali na siya ay napapalayo. At sa tuwing siya ay maaaninag, may kung anong pakiramdam na nagbibigay sa atin ng kapanatagan at ngiti. Ang paglipas ng panahon ay kasabay ng pagbabago. Dati’y hindi natin gustong mawalay sa kanila, ngunit unti-unti itong napapalitan nang pagpupumiglas at hangaring kumilos sa ating sariling buto. Dahilan kung bakit ang ilan sa atin, ganoon na lang kung sila ay balewalain. Pero paano nga ba ang maging ina? Matinding hirap ang kanilang pinagdaraanan para sa atin. Hindi natin sila lubos na binibigyan ng panahon. Minsan nga ay hindi natin sila pinapansin, maging ang kanilang mga payo. Minsan, inuuna pa natin ang ating barkada, o kaya’y nagpapakita nang katigasan ng ulo. Ilang beses mo na ba siyang sinasagot tuwing pinangangaralan o kaya’y nagdadabog kapag inuutusan? Pero sa kabila ng lahat nang ito, tayo pa rin ang kanilang kaligayahan. Sa harap ng maraming tao, tayo pa rin ang kanilang ipinagmamalaki. Sa harap ng kanilang mga kumare at kakilala – ang anak nila ang laging ibinibida.

Wala silang gagawin at sasabihing masama tungkol sa atin dahil sila ang unang nagdaramdam sa kapag tayo’y tinutukso. Hindi ba sila ang unang sumusugod sa tuwing tayo’y napapalaban? Sila ang unang nasasaktan sa panahong tayo’y nabibigo.

Wala silang gagawin at sasabihing masama tungkol sa atin dahil sila ang unang nagdaramdam sa kapag tayo’y tinutukso. Hindi ba sila ang unang sumusugod sa tuwing tayo’y napapalaban? Sila ang unang nasasaktan sa panahong tayo’y nabibigo. Sila ang unang tumatangis sa panahong nawawalan tayo ng pag-asa. Ang kanilang mga ngiti ay ubod tamis, kahit ang damdamin nila’y patagong humihikbi. Lahat kaya, lahat kinakaya, lahat ay kakayanin! Sinusunod nila ang ating luho habang pinagkakaitan ang sarili. Pinag-aaral ng buong inam, habang babad ang katawan sa matinding trabaho. Salat sa oras sa sarili, at hindi magkandaugaga sa maghapong gawain. Ngunit kahit minsan, hindi mo sila maririnig na umaangal. Ni hindi sumagi sa isip nila na tayo’y kanilang pahirapan. Dahil sila ang unang tumatawa sa tuwing nakakita nila tayong nakangiti. Doble ang kanilang kasiyahan kapag nakikitang hindi tayo nahihirapan. Sila ang unang nagdiriwang ng ating tagumpay sa tuwing nasusunod ang ating mga hangad sa buhay.

Ang akdang ito ay para sa mga inang naulila, sa mga inang nangungulila, sa mga inang tinakasan ng bait dahil sa matinding pag-aalala sa kinabukasan ng kanilang anak.

Ganito ba ang maging ina? Ang italaga ang sarili para lamang sa supling niya! Ngunit ang anak, ano ang kaya nilang gawin para sa kanilang ina? Minsan sa isang taon lamang kung sila ay pahalagahan. Minsan nga may ilan pa na sila’y nakakalimutan. Sa araw na ito, hayaan ninyong kami naman ang magbalik ng pasasalamat sa lahat ng inyong kabutihan. Ang akdang ito ay para sa mga inang naulila, sa mga inang nangungulila, sa mga inang tinakasan ng bait dahil sa matinding pag-aalala sa kinabukasan ng kanilang anak. Para sa mga inang naihabilin na sa mga bahay-ampunan, sa mga inang nangingibang bansa, sa mga inang napalayo at lumayo dahil sa malalim na kadahilanan. Para sa mga inang ibinuwis ang buhay mailuwal lamang ang kanilang sanggol. At sa mga inang nasa bilangguan dahil sa pagtatanggol sa kanilang anak. Para ito sa lahat ng may pusong ina, dalagang ina, nais maging ina at magiging ina. Para sa aking mahal na ina, sa mga ginang, butihin, mga giliw, at mga ilaw ng tahanan…dakila po kayo, saludo kami sa inyo. At hanggang may sanggol na isinisilang sa mundo, ang bawat araw ay mananatiling, “Araw ng mga Ina." – GMA News Dwight C. Ernieta Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang ating kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng inyong saloobin, walang mapagsabihan ng sikreto, o kaya naman nais magbigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas na ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!