ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

VIP treatment sa ‘Bilibid,’ hindi masama, ayon kay Jalosjos


MANILA – Iginiit ni Zamboanga del Norte Rep. Romeo Jalosjos na walang masama kung tumanggap ng mas maayos nakagayan sa loob ng piitan ang mga bilanggong nakaririwasa sa buhay. Ang pahayag ay ginawa ni Jalosjos kaugnay sa ipinapatupad na reporma ni Justice Sec Leila De Lima sa New Bilibid Prison (NBP). Kabilang sa iniutos ni De Lima ay pag-alis ng mga kubol na nagsisilbing “VIP" room ng mga mayamang bilanggo at maging mga Chinese drug lords. Nagtungo si Jalosjos sa DOJ noong Martes para ipaabot kay De Lima ang kanyang saloobin tungkol sa mga planong reporma na ipatutupad sa NBP. Ang reporma ay ipatutupad matapos madiskubre na nakalabas ng kulungan kahit walang pahintulot ang bilanggong si dating Batangas Gov Antonio Leviste. Bago makaharap si De Lima, inamin ni Jalosjos sa mga mamamahayag na siya man ay nakatanggap ng VIP treatment habang nakapiit sa NBP mula 1998 hanggang 2009. Hinatulang makulong ng Makati Regional Trial Court si Jalosjos noong 1997 dahil sa kasong panghahalay. Taong 2002, nang pagtibayin ng Korte Suprema ang hatol ng mababang korte. Noong 2007, ibinaba ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo parusa kay Jalosjos na makulong ng 16 taon, tatlong buwan at tatlong araw. Marso noong 2009 nang makalaya si Jalojos matapos mapagsilbihan na umano ang kanyang hatol, "The VIP treatment that was received by us is given by prisoners themselves. As in any place on earth and in heaven, they are not all the same. There are angels, and there are [others] higher than angels," ayon sa dating kongresista. "Now in Bilibid, there are people who can afford and there are people who cannnot afford. In one kubol or in one building, someone has to clean the toilet, someone has to do the cooking. Only those who are willing to do it will do those chores," dagdag pa niya. Hindi umano niya maunawaan kung bakit kailangang ipilit ang “democratization of sufferings" kung saan dapat magdusa ang lahat, kung may isang nagdurusa. Kung aalisin ang mga kubol, nangangamba si Jalosjos na baka manumbalik ang mga kaguluhan sa loob ng bilibid. Habang nakakulong, nagpatayo ng ilang gusali si Jalosjos sa Bilibid. Kabilang dito ang tennis court, gymnasium, at bakery sa maximum security compound ng NBP. - GMA News