ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Kahit wala na siya, proud ako kay Itay!


Ang mahal kong itay! Isa lang ito sa laging namumutawi sa aking bibig nung time na nawala na siya aming patingin. Ito ay noong 2003, habang ibinababa ang kanyang kabaong patungo sa kanyang libingan.


Maraming bagay akong pinagsisihan nung magkasama pa kami sa bahay. Palibasa, hindi ko pa noon naiisip kung gaano pala kahirap ang maging isang ama dahil bata pa ako nun.
– Alex
Nakakaiyak ang mga tagpo noon pero pilit kong nilalakasan ang aking kalooban dahil wala na rin kaming magagawa dahil kinuha na siya. Alam ba ninyo na napakarami ang nakiramay sa amin nung time na ‘yon dahil si Itay ay napakabait sa ibang tao. At sa aming pamilya, isa siya sa maituturing kong "Perfect Father". Hindi pa rin naaalis sa aking isip kung gaano kahalaga ang mga oras na kami ay nagluksa sa kanyang pagkamatay. Mahirap kalimutan ang mga kasiyahan at magandang pangyayari nung nabubuhay pa siya. Ito ay dahil nakatatak na sa aking puso at isip ang kahalagahan ng aking ama. Maraming bagay akong pinagsisihan nung magkasama pa kami sa bahay. Palibasa, hindi ko pa noon naiisip kung gaano pala kahirap ang maging isang ama dahil bata pa ako nun. Naalala ko pa noon na kahit na hirap na ang kanyang katawan sa pagiging barbero ay pilit pa rin siyang kumukuha ng kostumer para lang may maipangbili kami ng pagkain at maihain sa aming harapan. Napakasakit talaga sa aking kalooban kapag naalala ko ang mga bagay na katulad ng ganyan noong buhay pa siya. Naalala ko rin dati na naiinis ako kapag tinatawag niya ang pangalan ko para ipahilot ang kanyang likod dahil sa kanyang karamdaman. Ang bad ko talaga noon, nakakainis. Hindi ko rin makalimutan kapag pinapagalitan at sinasabihan niya ako na ‘wag kong gawin ang mga bagay na ikapapahamak ko. Hays, napapabuntong hininga tuloy ako ngayon… mahirap pala talagang maging isang ama. Nalulungkot ako kapag naalala ko na hindi ako naging mabuting anak sa kanya nung siya ay nabubuhay pa.

Napakasakit talaga sa aking kalooban kapag naalala ko ang mga bagay na katulad ng ganyan noong buhay pa siya. Naalala ko rin dati na naiinis ako kapag tinatawag niya ang pangalan ko para ipahilot ang kanyang likod dahil sa kanyang karamdaman. Ang bad ko talaga noon, nakakainis.

Naalala ko tuloy nung lagi niya ako sinasabihan na ‘wag na akong pumunta sa Holiday Plaza, Pasay para mag-video games. Inaabot ako doon nang madaling araw sa kalalaro ng "Street Fighter at Tekken." Iyon kasi yung kinababaliwan ko nung bata ako. Mahilig din kasi ako sa mga barkada na inaaabot ng hatinggabi sa daan para lang tumambay at makipag kwentuhan. Sobrang bad ko talaga noon. Nang tumuntong na ako sa kolehiyo ay tsaka ko lang unti- unting naiiwasan ang mga barkada. Kasi kailangan kong maging working student dahil medyo mahal ang tuition ko at hindi na kayang suportahan lahat ni Itay. Pero hindi pa rin nawawala ang pangaral niya sa akin habang ako’y nag-aaral sa kolehiyo. Kahit paano ay nakikita ko pa rin ang kanyang suporta. Napakasarap maging tatay ang isang katulad niya. Kaya kahit wala na siya sa aming piling ay palagi pa rin siyang laman ng aming usapan … kasama ang mga apo niya. Kasi nga ay very proud ako sa aking Itay!. Sa’yo Tatay Bhoy, Happy Father's Day! Napakaswerte ko po sa inyo dahil pinalaki ninyo ako nang maayos. Kahit pa hindi tayo gaanong magkasundo dahil sa magkakaiba ang ating hilig. Nag-iisa ka lang sa aming puso dahil ang bawat tao ay may nag-iisang ama sa mundo. At para sa akin, ikaw ang best father. Happy Father’s Day, Tatay Bhoy! At sa lahat ng katulad kong ama na rin ng tahanan… Happy Father's Day sa ating lahat. God bless sa mga pamilya natin. – GMA News Alex Flores ng Doha, Qatar Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang ating kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng inyong saloobin, walang mapagsabihan ng sikreto, o kaya naman nais magbigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas na ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!