ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Naglabas ng saloobin: Ang karanasan ko sa Saudi (1)


Tawagin niyo na lang akong Danny, isa akong Technical Support dito sa Saudi Arabia at dating nagtrabaho sa isang call center agency sa Pilipinas. Nangibang-bayan dahil sa pangarap kong guminhawa ang buhay naming mag-asawa sa abot ng aking makakaya. Ito ang kwento ko.


Pagkatapos ng isang linggong delayed ay makakaalis na rin ako sa wakas. Ito na ang kasagutan sa dasal ko. Hinatid ako ng asawa ko sa airport. Pero teka, nawala yung saya ko. Bigla akong nalungkot, naisip ko na dalawang taon kong hindi makakasama ang mga mahal ko sa buhay lalo na ang asawa ko.
– Danny
Oct 2010, 11:00 pm. Pagkatapos ng isang linggong delayed ay makakaalis na rin ako sa wakas. Ito na ang kasagutan sa dasal ko. Hinatid ako ng asawa ko sa airport. Pero teka, nawala yung saya ko. Bigla akong nalungkot, naisip ko na dalawang taon kong hindi makakasama ang mga mahal ko sa buhay lalo na ang asawa ko. Pilit kong itinago ang nararamdaman ko sa harap ng asawa ko habang nasa airport kami. Naalala ko ang huling gabi ko sa Pilipinas, wala akong ginawa kundi panoorin ang asawa ko habang siya ay nasa kalagitnaan ng pagkakatulog. Ang daming mga alaala ang bumabalik sa isipan ko, sa lahat ng paghihirap na pinagdaanan namin, ito na ang kasagutan – Saudi. Pumatak na ang 9:00 p.m. at palapit na ang oras na magkakalayo kami. Pero pilit kong dinedma ang oras at nag-antay pa ng 30 minuto bago maghanda. 9:30 p.m. na, sabi ko sa asawa sige, sakay na sa taxi at magche-check in na kami. Dumiskarte ako na makalabas ng airport para ihatid ang asawa ko sa taxi kahit bawal lumabas ang mga pasahero. Huling sulyap at yakap na may kasamang iyakan. Parehong mahigpit ang hawakan namin, sabay tawag sa taxi at pinasakay ko siya. Sabi ko uwi na para makapagpahinga na siya. Sabay halik at talikod, at naglakad papasok sa airport ulit. Ang hirap ng ganung pakiramdam. Yung wala kang magawa dahil kailangan mong gawin. Sa airport nakilala ko ang iba pang Pilipino na kasama ko, lima kami lahat. Puro first timer puwera lang dun sa isang matanda na wala pang ilang buwan sa Saudi ay umuwi dahil sa kalupitan ng employer. Ang tawag namin sa kanya ay “Master." Si A. na dating nagtatrabaho sa agency na tumulong sa amin makaalis; si J. na nakilala ko sa PDOS o Pre Depature Seminar; si D. na sa biyahe ko na nakilala. Limang Pilipino na matatapang na sumugal mangibang-bayan para sa kinabukasan ng kanilang pamilya. Bawat isa may kwento pero dito sa kwento kong ito, ako ang bida. Boarding time na! Pagpasok sa eroplano ay kanya-kanya kami ng upuan. Hindi kami magkakatabi kasi kailangan umupo sa tamang upuan na nakalagay sa tiket. Napakalaki ng eroplano at sa loob karamihan ay mga Pinoy na babae, lalaki, may matanda, at may bata. Pero sa sobrang laki ay parang hindi pa puno yung eroplano. Mayroon pang mga bakanteng upuan.

Pero napansin ko na lahat ng pasahero pa-Saudi ay pini-pick up at isinasakay sa bus papuntang hotel. Sa kasamaang palad ay napalibutan ako ng apat na dayuhan at sa amoy nila ay talagang magpapaalala na nasa Middle East na nga talaga ako.

Oras nang paglipad, pinapatay na ang mga cellphone, laptop at kung anu ano pang electronic devices. Umaandar na ang eroplano para makabwelo, sa paglipad at nakita ko sa malayuan ang Ninoy Aquino International Airport na dalawang taon bago ko muling makikita. At habang papalayo, naalala ko ang asawa ko, dun ako nalungkot! Pilit kong ibinaling yung atensyon ko sa mga kung anu anong bagay sa eroplano para hindi ako malungkot. May katabi akong matandang babae na mamasukan sa Jeddah, Saudi. Labas-pasok na siya ng Saudi, sa pananamit niya alam ko na na Muslim siya. Unang stopover sa Bangkok, Thailand. Nakita ko ang paligid, napakaganda at maraming ilaw kahit nasa loob lang kami ng eroplano. Siguro mga isang oras ang itinagal namin dun para magsakay ng pasahero at pagkatapos ay alis na ulit. Napakahaba ng biyahe, pero ayos lang, maya’t maya may mga pagkain naman nilalabas yung mga stewardes kaya medyo nabaling yung atensyon ko sa pagkain. Hindi nagtagal ay nakarating rin kami ng Kuwait. Umaga iyon kaya kitang-kita ko ang disyerto sa paligid, at shocks heto na! nasa Middle East na ako! Lumapag ang eroplano sa Kuwait airport, at nalaman namin na ang next domestic flight namin ay mga 4:30 p.m. pa. Mag-a-alas syete pa lang ng umaga, mahaba-habang antayan ito. Hindi pa naman ako natulog sa eroplano. Pagpasok naming sa Kuwait airport, napansin ko na maliit lang ito, parang NAIA lang pero malinis. Napag-alaman namin na mayroon pala kaming tutuluyan na hotel malapit sa airport para makapagpahinga, habang nag-aantay ng next flight. Bigla kaming napaisip, lalo na ako, ‘wala kaming pambayad sa hotel.’ Pero napansin ko na lahat ng pasahero pa-Saudi ay pini-pick up at isinasakay sa bus papuntang hotel. Sa kasamaang palad ay napalibutan ako ng apat na dayuhan at sa amoy nila ay talagang magpapaalala na nasa Middle East na nga talaga ako. Sa loob ng hotel may kasama akong Pinoy na hindi ko lang matiyak kung si J. Hindi rin kami nakapagpahinga o nakatulog kasi ang liligalig namin. Para kaming mga bangaw na malilikot at kung saan- saan gumagala sa loob ng hotel. Patingin-tingin lang kasi wala naman kaming budget.

Maliit na eroplano na pang domestic ang nasakyan ko. Halos palubog na ang araw nang nakaalis kami. Pasado mag-aalas otso ng gabi nang lumapag ang eroplano namin. Heto na, sabik na naman ako sa kakaiba sa paningin na nakikita ko. Lahat ng babae nakaitim, mata lang ang nakikita. Minsan nga pati mata nakatakip, ang tawag ko sa kanila ay mga ninja.

Mayroon kaming food stub pero hindi nga lang namin alam kung para saan kasi isa lang ang bawat isa sa amin. Umaga pa lang, breakfast pa lang yung sine-serve sa hotel at nalaman ko pang lunch yung stub namin. Kaya wala kaming nagawa kundi mag-antay. Dumating ang oras ng kainan, pila-pila na, puro Pilipino, napakarami. Lahat yun ay sa Saudi ang punta, iba’t ibang lang ang city lang ang destinasyon. Nakalatag ang mga pagkain sa mahabang lamesa at halos lahat sinubukan ko. Puwede naman palang magpabalik-balik. Nakadalawang balik lang naman ako pero pili lang, kinain ko yung mga kilalang pagkain lang. Pagkatapos, tumambay kami sa lobby ng hotel at balik sa kuwarto. Dumating na ang takdang oras para bumalik sa Kuwait airport. Pagdating dun ay nag-antay pa kami ng mga dalawang oras mahigit bago nakasakay sa eroplano na delayed ang flight. Maliit na eroplano na pang domestic ang nasakyan ko. Halos palubog na ang araw nang nakaalis kami. Pasado mag-aalas otso ng gabi nang lumapag ang eroplano namin. Heto na, sabik na naman ako sa kakaiba sa paningin na nakikita ko. Lahat ng babae nakaitim, mata lang ang nakikita. Minsan nga pati mata nakatakip, ang tawag ko sa kanila ay mga ninja. Nagtagal pa kami sa immigration dahil naiwan ang isang kasamahan namin dahil nag-froze ang computer nung immigration officer. Hinintay lang niya na bumalik sa dati at wala siyang ginagawa. Mga isang oras na nakalilipas ay ganun pa rin. Sa kakakulit namin ay pinatay niya ang computer at binuksan ulit. Ayun at nagamit. pwede naman palang ganun bakit kailangan maghintay pa ng isang oras. Sa wakas ay nakalabas na kami, ang problema na lang ay yung susundo sa amin… hindi namin kilala. Sinubukan naming tawagan yung cellphone number na binigay sa amin pero walang sumasagot. Pero wala naman nabahala sa grupo at lumabas na kami sa immigration papunta sa exit. Laking gulat namin nang may tumawag sa amin nang Pare! Pare! (Itutuloy) - GMA News Danny Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang ating kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng inyong saloobin, walang mapagsabihan ng sikreto, o kaya naman nais magbigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas na ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!