ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Ang Buhay Ko Sa Dubai (2)


(Karugtong) Nagtatrabaho rin ako noon sa isang television station sa probinsya at pagkatapos ay lumipat sa isang trading company ng appliances. Pero dahil laging kinakapos pa rin kami sa pera, napagdesisyunan ko na mag-abroad na. Pinadala ko ang pera sa pinsan ko dito at binayaran niya ang visa ko na umabot ng 40,000 pesos. Wala pang dalawang linggo ay may visa na ako at meron na ring flight schedule pa-Dubai. Mahirap iwanan ang pamilya lalo na’t maliliit pa ang mga bata.


Napilitan kami na makiusap sa kanyang kapatid na makituloy ako kahit ilang araw lang habang maghahanap ako ng boarding house. Sa awa ng Diyos, mabait naman ang napangasawa ng pinsan ko at pinatuloy ako sa kanyang bahay.
– L.N.
Sa araw nang pag-alis ko ay naramdaman ko ang bigat ng loob. Masakit para sa isang ina na mawalay sa mga bata. Pero tiniis ko iyon at iniisip ko na lang na para sa kanila naman ang ginagawa ko. Dumating ako sa Dubai May 2008. Paglabas ko ng airport ay hinanap ko kaagad ang pinsan ko pero hindi siya agad dumating. Nag-antay ako ng halos limang oras dahil nalasing siya kinagabihan at na-late ng gising. Sa paglabas namin ng airport ay maramdaman ko kaagad ang init ng panahon na parang sinusunog ang balat mo. Agad kaming sumakay ng taxi papunta sa kanyang accommodation. Pagdating namin doon ay nagpahinga muna ako dahil sa nilalagnat ako. Ang akala ko nang time na iyon ay meron na akong bahay na matutuluyan pero wala pa pala silang naupahan. Napilitan kami na makiusap sa kanyang kapatid na makituloy ako kahit ilang araw lang habang maghahanap ako ng boarding house. Sa awa ng Diyos, mabait naman ang napangasawa ng pinsan ko at pinatuloy ako sa kanyang bahay. Isang linggo akong nagpahinga sa kanilang bahay at nagpasa ako ng CV sa Internet. Sinuwerte rin ako na mapasok kaagad ng trabaho dito sa kasalukuyang kumpanya namin. Ang paglipat ko ng bahay ang inasikaso namin kaagad ng pinsan ko dahil sa nakakahiya na doon pa rin ako sa bahay ng pinsan namin. Nakakuha naman kami ng bedspacer na isang accommodation din ng isang kumpanya. Pero ang isang kuwarto ay pinaupahan sa mga babae. Umabot din ng tatlong taon bago ko naisipan na lumipat ng ibang flat kasama ang pinsan ko. Hindi ganun kalaki ang sahod ko sa ngayon, kumakasya lamang yun sa ipinapadala sa Pinas. Kung may matira man ay pambili ng mga kinakailangan ko. Una kong binili ang laptop para mayroon aking komunikasyon sa pamilya ko. Walang masyadong holiday dito sa Dubai, ang Ramadan lang ang may matagal kaming holiday na three days. At ang office hours ay mula 8 a.m. hanggang 2 p.m. Medyo nakakapagpahinga kami sa panahong ito kaso hindi ka pwedeng kumain o uminom sa mga public places sa ganung oras. Mga bandang 6 p.m. ka na pwedeng kumain o uminom sa public places. Kapag araw ng Linggo ay pumupunta ako ng St. Mary’s Church para dumalo sa misa. Napakahirap lang pagpunta dun dahil aabutin ka ng mahigit isang oras sa pagbiyahe at malayo ang lalakarin mula sa bus stop station.

Sa gabi ng Friday ay pupunta kami sa mall para mag-grocery para sa isang linggong pagkain namin. Medyo malayo rin kasi ang lalakarin kapag araw-araw kang mamimili ng uulamin. Madalas na binibili namin ang isang buong manok, isang kilong baboy, mga ready to eat na ulam, sardinas, corned beef at siyempre, ang itlog.

Sobrang sakripisyo ang pagpunta sa simbahan para makapagpasalamat at humingi ng tulong na maging maayos ang kalagayan ko rito at sa pamilya ko sa Pilipinas. Magandang pakinggan ang mga sermon ni Father Tomas, nakaka-encourage na maging isang mabuting tao at nagbibigay ng lakas ng loob lalo na’t malayo sa pamilya. Sa labas ng St. Mary’s church ay mayroong isang bakery na masarap ang pandesal, lalo na kapag bagong luto. Iyon ang madalas kong bilhin paglabas ko ng simbahan. Sa pag-uwi ng bahay sa gabi ay magluluto na naman ako ng hapunan para sa amin ng pinsan ko. Madalas prito ang luto ko dahil sa sobrang pagod na rin. Konti na lang ang oras ng pahinga. Habang kumakain kami sa gabi ay nanunuod ako ng mga teleserye sa laptop at balita na rin sa Pinas. Updated ako sa mga news pati na sa entertainment news. Pagkatapos kumain ay magpapahinga ng isang oras at gagayak naman para mag-jogging. Gabi ang karaniwang pag-jogging dito dahil wala nang oras sa umaga para gawin yun. Madalas mong makikita na malalaki ang tiyan ng mga babae dito sa Dubai. Isa na ako dun kaya napilitan ako na mag-ehersisyo sa gabi at baka pag-uwi ko sa Pinas ay isa na akong dabyana. Sa malapit sa reef mall ako nagda-jogging kunsaan pagkatapos ng five rounds ay babalik na ako sa bahay para magpahinga. Isa ring dahilan kung bakit kailangan kong mag-exercise ay para mapagod ako ng husto at makatulog kaagad kaysa mag-iisip pa tungkol sa mga naiwan ko sa Pilipinas. Napakahirap kasing matulog sa gabi lalo na’t naho-homesick ka. Iyon ang kadalasan na nararamdaman ko rito. Kung minsan kapag naiisip ko ang pamilya ko ay gusto ko nang umuwi para makasama ko na sila ulit. Nandun yung time na maluluha ka at iisipin mo na bakit nandito ka. Madalas ay naiisip ko kung kumain na kaya yung mga bata, kung naaalagaan ba silang mabuti, kung wala ba silang sakit at kung anu ano pa. Sa gabing ‘di ako makatulog ay ipinagdarasal ko na lang na sana ay maayos ang kalagayan nila at bigyan pa ako ng Diyos ng lakas at tatag ng loob para tumagal sa ganitong buhay na malayo sa pamilya.

Kung tumatawag ay huwag puro problema ang pinaparating kundi dapat pagmamahal. Kahit sa simpleng salita na “mahal kita o kaya’y mag-ingat ka parati," ay ipaabot ninyo . Iyan ay mahalagang mensahe sa isang OFW para maibsan ang lungkot at maipadama ang suporta para magpatuloy sa pagpupursige na magtrabaho sila ng maayos.

Kapag naman holiday dito sa Dubai ay namamasyal din kami ng aking mga kaibigan. Madalas ay sa mall lang kami dahil sa hindi mo na kailangang gumastos pa… window shopping lang. Kung minsan ay kumakain sa labas para maiba naman ang kinakain namin. Kapag naman Friday, off namin at kadalasan ay nasa bahay lang. Yun ang oras para maka-chat ko ang pamilya habang naglalaba ng mga damit. Ang Friday ang pinakaaabangan kong araw dahil makikita ko na naman ang mga anak ko at makakausap sila kahit saglit lang sa Internet. Nababawasan ang pagka-homesick ko sa ganung oras. Sa gabi ng Friday ay pupunta kami sa mall para mag-grocery para sa isang linggong pagkain namin. Medyo malayo rin kasi ang lalakarin kapag araw-araw kang mamimili ng uulamin. Madalas na binibili namin ang isang buong manok, isang kilong baboy, mga ready to eat na ulam, sardinas, corned beef at siyempre, ang itlog. Kapag naman araw ng suweldo ay agad-agad akong pumupunta ng exchange shop para magpadala ng pera sa pamilya. Ang matitirang konti ay para na sa panggastos ko dito. Ito ang aking simpleng buhay dito sa Dubai. Sadyang napakahirap maging isang OFW pero kung ang kapalit naman nito ay magkaroon ng magandang buhay ang pamilya mo sa Pilipinas ay mas okey. Sabi nga nila, lahat daw ng pagtitiis ay may kapalit na maganda basta’t magtiwala lamang sa Diyos. Sa pamilya ng mga OFW sa Pilipinas, gawin ninyong kapaki-pakinabang ang perang ipinapadala sa inyo. Huwag itong waldasin sa kung saan saan dahil hindi pinupulot ang pera sa abroad, dugo’t pawis ang puhunan namin. Kung tumatawag ay huwag puro problema ang pinaparating kundi dapat pagmamahal. Kahit sa simpleng salita na “mahal kita o kaya’y mag-ingat ka parati," ay ipaabot ninyo . Iyan ay mahalagang mensahe sa isang OFW para maibsan ang lungkot at maipadama ang suporta para magpatuloy sa pagpupursige na magtrabaho sila ng maayos. Mabuhay ang lahat ng OFW. God bless us all!!! – GMA News L.N. Ang Buhay Ko Sa Dubai (1) Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang ating kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng inyong saloobin, walang mapagsabihan ng sikreto, o kaya naman nais magbigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas na ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!