ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad
Ang Balat sa Tinalupan
BALAT SA TINALUPAN ni Gilson B. Aceveda Sa aking pagsilang ay lubak-lubak pa ang makikipot na daan Ang aming bakuran ay puros mga puno na nagsisitaasan Ang mga halaman ay sa malinis na hardin nakasalansan At ang mga bulaklak nila’y di mapigilan ang paghalimuyak sa kapaligiran Malamig ang simoy ng hanging sa ami’y bumubuhay Malinaw ang tubig mula sa bukal sa ‘di kalayuan Mga kalesa’y hila-hila ng mga kabayong ang mga paa’y nagtataguktukan At ang liwanag ng gasera sa gabi’y bituin sa kalupaan Simpleng pagkain ang sa mesa’y aming pinagsasaluhan Sakol-sakol ng mga kama’y ang bawat pagsubong kay inam Kumpleto ang pamilyang nagsasalo-salo sa hapag kainan Habang pinakikinggan ang huni ng mga ibong musika sa kamalayan Sa panahon ng tag-init ay maaliwalas pa rin ang kapaligiran Ang himpapawid ay kinukulayan ng mga saranggolang nagsisiliparan Puno pa rin ang kalsada ng mga mumunting paslit na naghahabulan Patintero, tumbang preso at saksak puso ay ilan lang sa kanilang pinagkaka-abalahan Sa panahon ng tag-ula’y nandiyan pa rin ang masasayang kabataan Hindi mapawi ang ngiti sa mga labing hinihilamusan ng kasiyahan May mga bangkang papel na ipinapaanod sa malinis na tubig kanal Habang ang mga magulang sa bintana nila’y pawang nakatanaw Habang yumayao’y nag-iiba na ang hugis ng aking mundo Kumikinis ang daan at ang mga kabayo’y pawang naglalaho Wala na ang hardin at ang mga puno na sa bakura’y kumakanlong At ang huni ng mga ibo’y napalitan na ng busina ng mga motor na de-gulong Ang malinis na hangi’y nahaluan na ng maiitim na usok Ang bukal sa ‘di kalayuan ay naiga na at tuluyang natuyot Sa paligid-ligid ay wala na ang nagtatasaang mga puno Bagkus napalitan na ng mga ga-bundok na basurang kasula-sulasok Sumisikat ang araw na tila sa mga balat ay sumusunog at pumapaso Ang ula’y bumubuhos na mistulang papawiin ang mga bayan sa mundo Ang hangi’y humahambalos at ang bawat madaanan ay kanyang iginugupo Minsan nga’y may pagyanig pang kinakambalan ng mga along delubyo Ano na ang nangyayari sa mundong aking sinilangan? Nasaan na ang magagandang larawan ng aking nakaraan? Nais kong ibalik ang kahapong sa isipan ko’y nakahimlay Ibig kong muling masilayan ang ganda at halimuyak ng aking kapaligiran Gaano pa kaya ang itatagal ng ating inang daigdig? Ilang taon pa kaya maaaring itapak ang mga paa sa sahig? Hanggang kailan pa kaya pwedeng langhapin ang hangin sa paligid? Bukas kaya’y masisilayan ko pa ang mundong pagod na sa pagtitiis? Kabayan, sa aking hinuha’y hindi pa huli ang lahat Hilumin ang sugat ni Inang Kalikasang lugmok na sa hirap Huwag ng dagdagan pa ang bigat ng basurang sa kanya’y pinalasap Upang ang katawan nati’y hindi lumutang sa basurang ating ikinalat Maghahalo ang balat sa tinalupan, ito ang singil ni Inang Kalikasan... -- GMA News Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang ating kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng inyong saloobin, walang mapagsabihan ng sikreto, o kaya naman nais magbigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas na ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!
Tags: kwentongkapuso
More Videos
Most Popular