ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Ang kayamanan ng buhay ng isang OFW


Batid ko na ang kalagayan ng buhay namin noon. Alam ko sa aking sarili na hindi kami mayaman, hindi kami kabilang sa mga pamilyang may maginhawang buhay. Nagsimula akong magkaroon ng “insecurities" tungkol sa pagiging mahirap namin noong nag-aaral ako sa elementarya.


Sa tuwing sinasabi nilang, “kuya, maraming maraming salamat," gusto kong mapaiyak sa sobrang sarap sa pakiramdam. Hindi ko maipaliwanag ang aking kasiyahan. Alam ko sa ‘king sarili na kahit paaano naging bahagi ako ng tagumpay nila sa buhay. Pakiwari ko’y naging parte din ako ng kanilang kinabukasan.
DRAKE
Karamihan sa mga kaklase ko ay may bitbit na mga lunchboxes, samantalang sa akin ay supot lamang ng pandesal. Kumpleto ang mga gamit nila sa eskwelahan, mga nagagandang bag, pencil case, lapis, ballpen at notebook. Samantalang sa akin ay mga pinaglumaan lang din ng mga nakatatandang kong kapatid. Kaya naman ganun na lang ako kainggit sa mga kaklase ko noon. Lalong lumakas ang aking mga “insecurities" noong nag-high school na ako. Bibihira lang akong bilhan ng nanay ko ng sapatos. Sa loob ng apat na taon ko sa high school, dalawang beses lang akong nabilhan. Madalas noon ang suot-suot ko ay sapatos ng tatay o kaya ni Lolo. Basta papalitan lang ni nanay ‘yon kapag nakita niyang upod na upod ang swelas, biyak na biyak na’t nakakanganga na. Palibhasa binili lang ‘yon ni nanay sa tiyangge, kaya ganun na lang kadaling masira. Kaya naman inggit na inggit ako sa mga kaklase kong bago ang mga sapatos lalo na yung may tatak pa. Hindi ako sumasakay ng dyip, nilalakad ko lang ang eskwelahan at bahay namin kahit titik na tirik ang araw. Naglalakad ako dahil noong minsang sumakay ako ng dyip, nakasabay ko ang mga estudyanteng nasa pribadong paaralan (na mga mayayaman lang ang nag-aaral), at pagsakay ko sa dyip, akala mo’y nakakita sila ng pulubi, parang diring-diri at nagtatawanan pa. May nagsasabi pa na, “ano ba ‘yan amoy araw!" Kaya halos manliit ako ng sobra sa kanila, tawanan sila ng tawanan sa loob. Sino ba ang nakakatawa? ako ba? Noong nagkolehiyo naman ako, inggit na inggit pa rin ako sa mga kaklase kong magaganda ang mga bag at sapatos. Sa akin ay biyak pa rin ang sapatos ko at ang bag ko ay napaglumaan naman ng kuya ko. Kaya para makaiwas sa panunukso ng mga kaklase tungkol sa aking sapatos, bumili na lang ako ng mumurahing sandals at nagsa-sandals na lang ako na may medyas. Bagama’t baduy at nakakatawa, ito lang kasi ang kayang bilhin ng kakarampot kong ipon. Kaya noong minsang nakita ako ng propesor na nagsusuot ng sandals agad niya akong sinita. Wala kaming computer noon at nasa ikalawang taon na ako sa kolehiyo noong nakahawak ako ng computer. Nanginginig pa akong gamitin ang computer dahil baka masira ko. Madalas kapag may term paper ay sa makinilya (o typewriter) ko ito ginagawa. Ang baon ko noon ay 50 pesos lang at 40 pesos ang pamasahe. Kaya ang sampung piso ay pilit kong pinagkakasya sa loob ng isang araw. Minsan fishball at biskwit lang ang kinakain ko makatawid lang sa gutom. Kaya sobrang awang-awa ako sa sarili ko noon. Dahil kahit minsan hindi ko naranasang maging mayaman, kahit minsan hindi ako nakaramdam ng ginhawa sa pag-aaral.

Noong nagkolehiyo naman ako, inggit na inggit pa rin ako sa mga kaklase kong magaganda ang mga bag at sapatos. Sa akin ay biyak pa rin ang sapatos ko at ang bag ko ay napaglumaan naman ng kuya ko. Kaya para makaiwas sa panunukso ng mga kaklase tungkol sa aking sapatos, bumili na lang ako ng mumurahing sandals.

Subalit sa awa ng Diyos, nakapagtapos ako sa pag-aaral at dagliang nabigyan ng oportunidad dito sa Saudi Arabia. Bagamat napakabata ko pang nakibaka sa buhay-abroad, tanging baon ko ay pag-asang ibinigay sa akin ng aking pamilya. Maraming luha ang pumatak at marami ring gabi na ako’y nangulila. Subalit pilit na winawaksi ko ito para sa pangarap ko sa buhay, hindi lamang pansarili bagkus kasama ng aking mga mahal sa buhay. Kaya heto ngayon ako, nagsisikap at pilit na binibigyan ng kaginhawahan ang aking mga magulang sa abot ng aking makakaya. Aaminin ko na kung sarili ko lang ang iisipin ko, marahil mayaman na ako. Pero dahil ayaw kong maranasan ng aking mga kapatid ang hirap na naranasan ko noon, pinipilit kong sinuportahan ang kanilang pag-aaral at kalimutan panandalian ang mga kagustuhan ko sa buhay. Sinagot ko ang lahat ng gastusin ng apat kong kapatid sa kolehiyo. Mahirap pero pilit kong kinaya. Sinisikap kong hindi sila nakaramdam ng kagipitan sa araw ng enrollment, at ayaw ko ring naranasan nilang magbaon na halos pamasahe lang. Pinupursige ko na ipatikim sa kanila ang mga hindi ko naranasan noong ako’y nag-aaral pa. Lahat ng gastusin nila sa kanilang pag-aaral ay pilit kong pinupunan. Bago lagi ang kanilang mga sapatos at bag kada taon. Binilhan ko rin sila ng laptop para magamit nila sa kanilang pag-aaral. Ayokong maranasan nila ang hirap ko noon para magpasa lang ng mga research at term paper. Ayokong problemahin nila ang gastos sa pag-aaral maging ang kanilang mga gamit. Ang tanging gusto ko lang ay mag-aral sila para maabot nila ang kanilang mga pangarap sa buhay.

Tayong mga OFW ay isang buhay na patotoo ng pag-asa ng ating pamilya. Hindi man tayo maging mayaman sa pinansyal na aspeto, naging mayaman naman tayo sa dangal, pagmamahal at pagmamalaki ng mga mahal natin sa buhay.

Nakaka-proud lang na nakakatatlo na akong napagtapos sa pag-aaral. Yung kapatid kong nurse ay nagkapasa sa board exam at nagbo-volunteer na sa isang pampublikong ospital. Yung mga kapatid kong inhinyero at arkitekto ay kapwa nagtatrabaho na rin at tumutulong sa aking mga magulang. Ang huli ay nakatapos na rin sa kursong nursing at nakapasa na sa “licensure exam" na may mataas na grado. Batid ko na nakakatulong na rin sila sa aking mga magulang. Sa tuwing sinasabi nilang, “kuya, maraming maraming salamat," gusto kong mapaiyak sa sobrang sarap sa pakiramdam. Hindi ko maipaliwanag ang aking kasiyahan. Alam ko sa ‘king sarili na kahit paaano naging bahagi ako ng tagumpay nila sa buhay. Pakiwari ko’y naging parte din ako ng kanilang kinabukasan. Hindi man ako mayaman sa pinansyal, hindi man ako nagkaroon ng maraming pera sa ngayon, masaya na ako na makatanggap ng simpleng pasasalamat mula sa aking mga kapatid na labis kong ipinagmamalaki. Sapat na sa akin yun! Parang lahat ng pagod, sakripisyo, paghihirap at kalungkutan ay talagang sulit na sulit. Kaya masasabing kong… mayaman na ako. Sana’y pagkunan din ito ng inspirasyon at pag-asa ng kapwa ko OFW. Pag-asa na huwag sumuko sa buhay at pilitin abutin ang kanilang mga pangarap. Tulungan din ang kapwa mahal sa buhay patungo sa magandang kinabukasan. Tayong mga OFW ay isang buhay na patotoo ng pag-asa ng ating pamilya. Hindi man tayo maging mayaman sa pinansyal na aspeto, naging mayaman naman tayo sa dangal, pagmamahal at pagmamalaki ng mga mahal natin sa buhay. Gamitin ang bawat lungkot at pangungulila bilang sandata tungo sa ikatatagumpay, hindi lang sa ating mga sarili ngunit maging ng ating pamilya at mga mahal sa buhay. Totoo nga na tayong mga OFW ay isang kayamanan, kayamanan tayo ng ating pamilya at mayaman din tayo sa pag-asa, pagmamahal at dangal. Mabuhay po tayong OFW! -- GMA News DRAKE Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang ating kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng inyong saloobin, walang mapagsabihan ng sikreto, o kaya naman nais magbigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas na ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!