ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Ang halaga ng bente-singko


Kay bilis ng panahon. Namumutawi pa sa aking muni ang pag-ikot ko sa pabrikang aking pinanggalingan. Ang paghubog nila sa aking hugis ay nararamdaman ko pa rin sa aking munting pangangatawan.


...mas ‘di hamak na gugustuhin ko pang manirahan sa pitaka ng isang pulubi kaysa malagak sa pitaka ng una kong among walang pakiaalam sa aking halaga... Pulubi man siyang maituturing… sa kanya ko naramdaman ang kahalagahan ng aking pagkakalikha

Sa aking pagkakalagak ay sari-saring sakit ang aking naranasan. Nandiyang naramdaman ko ang bigat ng mga paang sa aki’y nakaapak. Ang mga laway na siyang minsang humilamos sa aking naghihikahos na katawan. Ang pagkahulog ko sa bus na iyon, ang paggulong ko sa isang mabahong kanal, at pagkalubog ko sa pusali ay mga karanasang kailan ma’y hindi ko inasahang aking makakadaupang palad sa mundong ibabaw. Hindi ko maalis ang pagkaawa sa aking sarili. Wala akong magawa sa aking sitwasyong nakapanghihina. Hindi ko alam ang aking gagawin upang maiahon ko ang aking sarili sa putik na lumamon sa akin. Wala akong ginawa kundi ang umiyak kalakip ang panalangin sa taas na ako’y ahunin sa aking kinsadlakan. Tinigib ko ng luha ang aking katawan upang kahit konti’y mabawasan ang baho na dulot ng mga duming sa aki’y nakamanman. Ilang taon din akong naburo sa pusaling iyon. Ang dati kong makinang na katawan at dating kinahihiligang kinang ay tuluyang kinain ng lumilipas na panahon. Lungkot man ang aking naramdaman, hindi ko na iyon inalintana. Ang tangi ko na nga lang dasal ay maiahon ako sa bahong lumalason sa aking katawan. At sa akin ngang pagdarasal, bumuhos ang malakas na ulan na nagdulot ng malakas na bahang umanod sa akin papalayo sa kanal na iyon. Hinayaan kong tangayin ako ng agos. Kasabay niyo’y ang pagtangay niya sa aking ulirat. Nagising na lang ako isang araw na nasa tabi na ng isang munting kalye. Mas mabuti kumpara sa kanal na tahanang aking narating. Mausok man ay kaya ko pa rin sikmurain sapagkat mas di hamak na nakalilimahid ang baho ng pusali kaysa usok ng mga sasakyang naglalampasan sa kalyeng iyon. Doon ako marahang nagpagulong-gulong. Sumigaw man ako nang malakas, wala ni isa mang tao ang nagtangka na ako’y pulutin. Subalit isang araw sa aking buhay, may isang pulubing sa aki’y nakakita. Ramdam ko sa kanyang kamay ang pananabik niya sa akin. Napaiyak ako sa marahan niyang pagdampot… at mas lalo pang umagos ang aking luha nang marahan niyang punasan ng kanyang gula-gulanit na damit ang buo kong katawan. Tuwang-tuwa siya sa akin. Mistulang ako ang kanyang natagpuang kayamanan. Maliit man ang aking halaga, nagawa niyang ibalik ang pagtitiwala ko sa aking sarili. Muli niyang ipinabatid sa akin na gaano man ako kadumi, may halaga pa rin ako’t may natitirang silbi. Kung noo’y nalulungkot ako sa aking kinahantungan, ngayo’y kakaibang kilabot ng kasiyahan ang bumabalot sa aking munting katawan. Ang pulubing iyon ang nagbalik ng tingkad ng kulay sa aking buhay. Minsan man akong nawala, natagpuan niya ako at ‘di hinayang makulong ang kahalagahan sa likod ng maputik na pangangatawan. Munti man ang halaga... kayamanan ang aking pakiramdam sa tindi ng kanyang pagturing sa akin. Hindi man kasing kinang ng dati, mapalad pa rin akong mabigyan ng pagkakataong umikot muli sa sirkulasyon ng kalakalan. Bumilang man muli ng panahong nakalagak sa pitaka ng isang pulubi, mas nanaisin ko pa iyon kaysa malagak sa putikang lumunod sa akin sa kahihiyan… at mas ‘di hamak na gugustuhin ko pang manirahan sa pitaka ng isang pulubi kaysa malagak sa pitaka ng una kong among walang pakiaalam sa aking halaga. Pulubi man siyang maituturing… sa kanya ko naramdaman ang kahalagahan ng aking pagkakalikha. – GMA News ni Gilson B. Aceveda Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang ating kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng inyong saloobin, walang mapagsabihan ng sikreto, o kaya naman nais magbigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas na ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!