ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Masagana pero malungkot na Pasko


Sa mga kababayan na katulad kong malayo sa Pilipinas, siguro kapareho ang damdamin namin na masayang malungkot. Masaya dahil maibibigay natin ang masagawang Pasko sa mga mahal nating naiwan sa Pilipinas, pero malungkot dahil hindi natin sila kasama. Lalo na sa isang katulad ko na bagitong OFW dito sa Middle East. Pangalawang Pasko na sa Disyembre na hindi ko kapiling ang mag-iina ko. Katunayan, ngayon ay inihahanda ko na ang perang ipadadala ko sa kanila para makapamili na sila ng mga gamit. Kapag nagpapadala ko ng pera sa kanila, nababawasan ang lungkot ko kasi naaalala ko ang dahilan ng paglayo ko sa ating bansa – ang kumita ng pera mabuhay ng maaayos ang pamilya. Kung dili lang sana may magandang trabaho sa bansa natin na kayang magpasuweldo ng sapat. Hindi naman kami naghahangad ng asawa ko na maging mayaman na mayaman. Dalawa na kasi ang anak namin at na ang bunsyo ay mag-aaral na, habang patapos na sa elementary ang panganay. Halos sakto lang sa panggatos namin sa araw-araw ang kinikita ko sa bayan natin. Mabuti na lang sa awa ng ating mahal na Panginoon ay walang nagkakasakit sa amin na malubha. Kasi kapag may naospital sa amin, tiyak na malaking problema kung saan ko kukunin ang panggastos. Halos wala na kaming naitatabing pera ng misis ko para mapaghandaan ang magandang buhay ng mga anak namin. Masuwerte ako na mahusay humawak ng pera ang aking maybahay at hindi waldas. Nakakahiya nga lang na kung minsan ay wala kaming maibigay na pera sa mga magulang niya na may mga edad na. Hindi naman kami inuubliga na magbigay sa mga biyenan ko, pero kasama rin naman iyon sa obligasyon ng isang anak sa kanyang magulang. Kung may labis sa kita, kami na ang kusang nag-aabot sa kanila kasi magkalapit lang naman ang bahay namin sa kanila. Dati kapag bago magpasko ay todo higpit ang sinturon naming mag-asawa. Lahat ng klaseng pagtitipid ay kailangang gawin para may maitabi na panggastos sa Pasko. Siyempre ang pinakamahalaga ay maibili ng mga bagong damit ang mga bata at pangregalo sa mga mahal sa buhay. Hanggang isang araw ay may oportunidad na dumating na nagsabing pwede akong makapagtrabaho dito sa bansa na kinaroroonan ko ngayon na hindi uso ang Pasko. Pinag-usapan namin na mabuti ng misis ko kung tatanggapin ko ang pagkakataong makapag-OFW. Pagkatapos namin timbangin na mas malaki ang pakinabang sa pamilya kapag umalis ako, kaya ayun, umutang na kami ng panggastos at the rest is history ika nga. Last Christmas, medyo maliit pa ang naipadala kong pamasko sa pamilya ko dahil may binabayaran pa akong utang noon. Ngayong taon ay halos okey na kaya biniro ko ang misis ko sa chat namin na talagang merry ang Christmas nila this year. Hindi naman sobrang laki pero siguro mabibili nila ang gusto nila at may maibibigay din siya sa parents niya at ilang relatives. Kasama na rin yata sa ating mga Pinoy na inaasahan tayo ng mga kamag-anak natin kapag nakapag-abroad. Sa ngayon ay hindi pa ako lubos na sanay pero ilan taon pa ang kontrata ko rito kaya malamang masasanay din ako. Bilib ako sa mga kababayan natin dito, nagpapasalamat ako sa kanila kasi inalalayan nila ako kung papaano labanan ang lungkot lalo na ngayong magpa-Pasko. Bilib ako sa tibay ng loob nila at dedikasyon sa pamilya. Mayroon din naman ilan tayong kababayan na medyo naliligaw ng landas pero dito sa aking mga kasama, halos lahat ay may malasakit sa pamilya. Sana magpatuloy ang pagkakaisa naming mga magkababayan dito para maging matatag kami kahit malayo sa pamilya. At sa aming mga mahal sa buhay sa Pilipinas, sana’y magamit ng tama ang perang aming pinaghihirapan. Huwag ubos-ubos ngayong Pasko at magtabi gaya ng ginagawa ng pinakamamahal na ina ng aking mga anak. Pagpalain po tayo ng ating Lumikha mga kababayan. -- GMA News Danny M. Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang ating kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng inyong saloobin, walang mapagsabihan ng sikreto, o kaya naman nais magbigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas na ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!