Ang delubyo ni 'Sendong'
Nakapanlulumo ang mga tagpo sa mga balita na napapanood ngayon sa sinalanta ng bagyong Sendong. Marami sa atin ang marahil naawa sa kalunos-lunos na nangyari sa kanila. Napakalayo ko sa ating bansa ngayon pero ramdam ko ang lungkot at pighati ng bawat kababayan nating nagdadalamhati. Tripleng dagok sa buhay ang dumating sa kanilang buhay -- nawalang ng tirahan, nawalan ng mahal sa buhay. Paano nga ba sisimulan ang buhay matapos ang unos? Sino nga ba ang mag-aakala na ganito katindi ang magiging pinsala ng bagyo? Ang lahat ay abala sa paghahanda sa Pasko. Alam naman natin na tayong mga Pilipino kung gaano kahalaga sa atin ang pagdiriwang na ito. Ngunit hindi natin inakala na mangyayari ang lahat ng ito, na sa isang iglap ay nawala ang lahat ng mahahalaga sa kanila. Sino nga ba ang dapat sisihin? Sino ang dapat nagbigay ng babala upang naiwasan sana ang delubyo. Ito raw ang may pinakamalaking pinsala na nangyari sa ating bansa sa kasaysayan. Napakarami ang bilang ng mga namatay. Nakapanlulumong isipin na ganito karami ang nasayang na buhay sa isang iglap. Makikita sa balita ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga bangkay. Nagkakaubusan na ng kabaong para sa kanila. Hindi ko malubos maisip kung bakit dinanas ng mga taong itong ito ang ganitong trahedya. May ginagawa ba ang gobyerno sa nangyaring ito? Noong isang araw ay nakita ko sa TV si Vice President Binay. Salamat naman ka’ko at nagrescue kaagad ang gobyerno sa mga nangyaring ito. Pero may napansin lang ako, ilang araw na ang nakalipas nang nangyari ang malagim na unos na ito, ngunit ‘di ko man lang narinig ang pahatid na salita o ulat ng ating mahal na Pangulong Noynoy. Nasan na nga ba siya? Higit kanino pa man, mahalaga ang presensya sa mga araw na ganito. Hindi po ako anti or pro government, bilang isang mamamayan batid ko na ang isang lider ng bansa ang siyang dapat na nangungunang tumulong sa ganitong mga kalamidad. Oo nga po at pinahahatid niya ang mga tulong sa mga ahensiyang may tungkulin nito, ngunit sa aking palagay ay higit pong makakatulong sa ating mga kababayanan kung mismong Pangulo ang dadamay sa kanila. Bakit nga ba hindi man lang nagbibigay ng pahayag ang ating Pangulo sa nangyaring trahedya. Yun po bang ulat para po sa lahat na nagsasabi na tayong lahat ay makiramay sa mga taong nagdadalamhati sa ngayon. Kung iniisip niya papogi mga eksenang ganun, sana man lang maisip niya na sa konting salita na sasabihin niya ay dun pa lang mababawasan ang sakit na dulot ng trahedya. Sabi sa isang balita nakipag-Christmas party si Pangulong Noynoy. Malamang ang ilan ay magtataas ng kilay. Nakuha pang makipag-Christmas party sa gitna ng unos na nangyari sa ilan nating kababayan. Huwag daw naman tayong killjoy sabi ng ilan, tao din po kaya ang ating pangulo. Pero sana huwag sana niyang kalimutan na siya ang pinakamataas na lider ng bansang Pilipinas. Higit kanino pa man, sa kanya nakasalalay ang ano mang pangangailangan natin bilang kanyang mamamayan. Hindi po ako against kay Presidente, sana lang po ay mas bigyan niya ng pansin ang mga nangyayari lalo na sa mga taong higit na nangangailangan sa kanya. Tama po ang sabi sa balita… siya ang AMA ng ating bansa at higit kanino pa man, siya ay hinihintay na makiramay sa kanila. Kung bukas pa darating ang Pangulo baka nga huli na ang lahat. Hindi po kailangan magpapogi para lang mapansin. Ngayon po sana ninyo patunayan sa ating mamayanan na hindi po sila nagkamali na hirangin kayo na maging Pangulo ng ating bansa. Ang pagiging tunay na lider ay hindi lang sa salita magaling, hindi sa kung anong pinakamagandang salita ang sasambitin sa SONA, hindi sa kung anong ayos ng buhok, hindi sa kung ano ka sa harap ng ibang tao, ang tunay na lider ay isinasapuso at nasa isipan ang pagmamahal, hindi lang sa bayan kundi sa mga mamayan… sa isip sa salita at higit sa lahat sa gawa. Walang dapat sisihin sa mga nangyari kundi ang mga illegal logger na walang humpay sa pagputol ng puno sa mga bundok. Maliwanag na malaking pinsala ang dinulot ng mga troso sa pagbaha. Bumuhos ang malakas na ulan ngunit kung mayroon sanang mga puno na makakapigil sa pagdausdus ng baha ay hindi sana nangyari ang trahedyang ganito. Kailan ba tayo madadala? Iilang tao ang nakikinabang sa mga punong ito pero daan naman ngayon ang naperwisyo… Juan dela Cruz, kailan ka ba talaga matututo? Ngayong darating na Pasko, alam kong lahat tayo ay magiging abala sa pagdiriwang sa araw ng kapanganakan ni Kristo. Life must go on ika nga nila, pero sana bago tayo magsaya, magbigay tayo ng kauting panalangin sa mga taong naapektuhan ng malagim na trahedya na nangyari sa bagyong Sendong. Kahit sana sa panalangin ay maipahatid natin ang awa na sana malagpasan nila ang mga nangyaring trahedyang ito. Mabuhay tayong lahat at bangon Pilipino! - GMA News Sulat ni Shirley (Editor's Note: Ang sulat ni Shirley ay petsang Disyembre 20. Nagbigay na ng paliwanag si Pangulong Aquino sa pagdalo niya sa nabanggit na Christmas party ng Presidential Security Group (PSG) at kung bakit hindi kaagad siya nagtungo sa mga sinalantang lugar.) Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!