Kwentong Kapuso: Si Lord na ang bahala
Serendipity. Isang salita na ang ibig sabihin ay magandang sorpresa. Aksidenteng makatagpo ng isang mabuting bagay or kanais-nais na sitwasyon or mabuting pagkakataon na hindi naman sinasadyang hinahanap. Salitang biglang pumasok sa isip ko kanina habang naglalakad pabalik ng opisina galing ng carwash shop. Araw kasi ng regular maintenance nung kotseng pagamit sa akin ng kumpanya. Tiningnan ko ang orasan sa aking pulso, 8:47 am. Sabi sa akin nung katiwalang Indiano sa shop, balik ako pagkatapos ng dalawang oras dahil puno na nang mga truck ang anim nilang wash slots. At may nakaparada pang ibang sasakyan sa labas. Nagpailing-iling ako at pagalaw-galaw ng ulo. Dito kasi sa Saudi, ‘pag Indiano ang kaharap mo at ginawa mo ‘yan, it is a gesture of affirmation, agree ka, sumasang-ayon. Tinanaw ko ang opisina. Tanaw lang mula sa carwash shop pero ang layo ay dalawang blocks. Kung lalakarin, diyes hanggang kinse minuto ang layo… depende sa paglalakad mo. Dinukot ko ang paborito kong 'man always remember love because of romance only' na ONE… kasama nung lighter. Kuha ng isang piraso, sindi, at sabay buga na para bang sinasabing, “haaaay! what a life!" Dalawang oras na maghihintay, may appointment meeting pamandin kami mamayang 11 am. Sinimulan ko ang paglalakad pabalik ng opisina. Mataas na ang araw pero malamig ang paghampas ng hangin sa akin. Kahit may suot na jacket, guwantes-panlamig, ballcap at boots na pang winter, ay nanunuot pa rin hanggang buto ang lamig. Sa suot na sunglasses na polarized, tiningnan ko ang araw (kayang tingnan ang araw ‘pag polarized ang suot) at namutawi sa labi kong, “Salamat sa init mo haring araw, napapawi nang bahagya ang lamig ng panahon." Tinanaw ko ang paligid, ang lawak-lawak ng disyerto. Sa abot ng aking tanaw, naghahalikan na ang langit at lupa. Kulay asul din ang langit, walang kaulap-ulap. Hindi tulad sa bansang Pilipinas, makakapag-imagine ka pa ng iba't ibang hugis ‘pag tumitig ka sa mga ulap. Tatlong taon na ako dito, pang-apat ngayong 2012. Ano pa ba ang dapat kong gawin dito? Bakit hindi natuloy yung paglipad ko papuntang Abu Dhabi sa bagong trabahong naghihintay nitong huli kong bakasyon. Doble sana ang kinikita ko sa kasalukuyang suweldo at mga benepisyong meron ako ngayon. Sign lang naman ang hiningi ko… na kapag tumawag ang employer sa akin, go na ako at saka na magpaalam sa kasalukuyang employer. Tapos na naman ang kontrata kong dalawang taon sa kanila. Kahit magka-demandahan pa, mananalo ako… anong ikakaso? Wala. Madalas kasing ipanakot ng mga taga HR department namin ang demandahan na breach of contract. Nakakaintindi ako ng batas ng paggawa sa Saudi. Hindi ako basta-basta masisindak sa pamba-bluff na iyan. Dito sa Saudi, ‘pag bumalik ka sa employer mo galing bakasyon, na natapos mo ang kontrata mo, implied na bagong kontrata ulit ang mamamagitan sa inyo ng employer. Kapag hindi ka na bumalik, kaliwali na, never mind. Natanong ko ang nasa Itaas habang naglalakad: “Lord God, alam kong ibinigay Mo sa akin ang trabaho kong ito dito sa Saudi. Dahil ibinigay Mo ang senyales nung nag-a-apply pa lang ako noon papuntang Middle East. Nitong nakaraang aplikasyon ko papuntang Abu Dhabi, hindi Mo ibinigay ang senyales nung prospect kong employer sa Abu Dhabi kahit pa recommended ako ng aking pinsan sa kumpanyang iyon. Hindi pa masaklaw ng aking kaisipan ngayon ang mga dahilan. Pero aking isinasailalim ang aking buhay at mga plano ko sa Iyong kapangyarihan. Ang Iyong kagustuhan ang manguna sa aking buhay. Salamat sa lahat ng pagpapalang hindi ko na mabilang-bilang sa daliri ng aking mga kamay at paa. Alam kong may purpose pa akong gagawin dito. Tulong, hindi lang sa akin kundi sa kapwa ko pa mga Filipinong may takot sa Iyo. Siya nawa." Sa mga nakakaintindi ng buhay-OFW sa Middle East, alam ang mga pang-aapi, at mga kaapihang dinaranas ng mga OFW sa kamay ng ibang lahi. Pero sa kumpanyang aking pinaglilingkuran, isa ako sa kanang-kamay ng aking amo ‘pag out of the country siya. May mga memorandum na bumababa at iniisyu ang President and CEO’s Office na signed and sealed or with company’s stamp, para sa pagiging isa ako sa in-charge ng head office at mga company branches namin bilang accounting manager. Para sa akin, isa sa mga pagpapala ang mabigyan ng malaking tiwala sa ganitong bansa, sa ganung sitwasyon. Is it serendipity? To others, probably, it is. But as an OFW in the mighty land of sands and oil, I strongly believe that my situation is according to His plan for me. Padala ni InsangRJ Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!