Kwentong Kapuso: Mag-asawang OFW na sinubok ang katatagan
Isa ako sa mga OFW dito sa Saudi Arabia na ‘di pinalad na makapagtrabaho sa isang kumpanya na maayos ang patakbo at mabuting employer. Nag–apply kami bilang company nurse sa isang construction field. Nainterview kami sa isang commission sa Jubail para maging certified Medic . Pero ipinakita lang kami sa project site for two weeks at pagkatapos ay na-supply na kami sa isang napakalaking oil company dito sa Middle East. Naging office clerk kami na kumikita lang ng 1, 800 Saudi Riyal… walang over time dahil fixed OT kami. Kahit pa pumapasok kami ng Friday, ito ang weekend nila dito sa Saudi na parang Sunday sa atin sa Pinas. Nakita namin ang voucher ng bawat isa na pinapasahod sa amin na 4, 800 SAR. Halos ang kita ng employer namin sa bawat isa ay 3,000 SAR. Sariling gastos pa namin ang pagkain, sa lapag pa kami natutulog, sira ang mga aircon, ‘di maganda ang facilities ng tirahan katulad ng banyo. Sabi ko sa sarili ko, makatapos lang ako ng isang taon ay uuwi na ako. Halos sabay kaming umalis ang asawa ko sa Pinas para mag-abroad. Pumunta siya ng Hong Kong at ako naman sa Saudi. Nagkaroon kami ng plano para gawin lang naming stepping stone para makapag cross country sa bansang Canada. Akala ko ganun lang kadali ang mag-exit dito sa Saudi kapag ayaw mo na sa trabaho mo. Kaya ang nangyari, sinabihan ko ang asawa ko na siya na lang ang magpapatuloy sa pag-apply sa Canada at ako ay tutulong na lang sa gastusin niya. Hindi naging madali sa aming dalawa ang lahat dahil siya man ay ‘di naging masuwerte sa amo. Pero nagtiis din sa lahat ang asawa ko. May time na nagsasawa na rin siya dahil isa sa requirements sa pag-apply bilang live-in caregiver ay at least naka-1 year experience. Lagi kong pinapalakas ang loob niya sa mga oras na kami ay nagcha-chat on-line. Pero may time na na-absorb ko rin ang mga stress ng asawa ko. Hindi ko na lang sinasabi sa kanya. Napalaki nang nagastos naming mag-asawa sa pag-apply niya sa Canada. Halos dun na napunta ang lahat ng naipon namin. Nakautang pa ang asawa ko sa Hong Kong, at may mga utang pa kami sa ibang mga tao sa Pinas, gaya sa aming kamag anak. Ang akala ko ay makakaalis na ang asawa ko noong nakaraang July kaya ang plano ko uuwi na ako ng June dahil naka-1 year na ako. Kung ano-anong rason ang naisip ko para lang makapagpaalam na para makapag-emergency exit ako at babalik din. Pero ang totoo ay ‘di na ako babalik. Ngunit hindi ako pinayagan dahil siguro may kutob ang employer namin na ‘di na ako babalik. Karamihan kasi sa mga Pinoy na nag-emergency exit ay ‘di na bumalik. Kung gusto ko raw makauwi ay kailangan magbayad ako ng 10, 000 SAR para payagan ako. Halos maiyak ako sa sama ng loob dahi matagal kong ipinagdasal at hiniling sa Panginoon na ako ay tulungan para makauwi. Wala akong nagawa kundi ang ipagpatuloy ang 1-year pa na nalalabi sa contract ko. Hindi rin nakaalis ang asawa ko nung July at umabot na ang November ay wala pa rin. Ang daming pagsubok na dumating sa aming mag-asawa lalo na sa pag-aaply niya sa Canada. Nandiyan na nag-strike ang post office ng Canada at na-delay ang pagpapadala ng LMO (labor opinion market) na isa sa mga importanteng document para sa pag-aaply. Nagkaproblema rin sa pagpapadala ng mga documents mula sa Hong Kong patungo sa embassy ng Canada sa Hong Kong. Ang resulta, nagkadelay –delay ang papeles ng asawa ko. Ito pa ang masakit, bandang huli ay nalaman ng asawa ko na sa kanya pala ang gastos sa pagbili ng plane ticket papunta sa Canada. Mabuti na lang at may naipon akong two months na sahod at iyon ang ipinadala ko sa kanya. Sa awa ng Diyos ay dumating din ang visa ng asawa ko nung December at umalis ang asawa ko pagdating ng January 2012. Napakalaking blessing sa unang araw nang pagpasok sa taon ng 2012 sa amin. Naging maganda ang naging bunga ng pagsasakripisyo namin sa mga ‘di naging magandang kapalaran namin sa mga naging employer namin sa Hong Kong at Saudi. Ngayon ko napag-isip-isip na kaya pala ‘di ako pinayagan ni Lord na makauwi dahil may purpose Siya. Dahil kakailanganin pa pala ng asawa ko ang tulong sa pinansiyal para pambili ng plane ticket niya papuntang Canada. Kung nagkataon na naka-uwi ako ay malamang na wala akong mapapasukang trabaho kaagad sa Pinas. Saan kami kukuha ng pera na kakailanganin ng asawa ko? Maaaring pinagsisihan ko rin lang bandang huli. Kaya naging blessing in disguise ang hindi pagpayag ng amo ko na ako ay makauwi. Sa ngayon ay maayos na ang kalagayan ng asawa ko. Mabait ang mga amo niya at hindi mabigat o mahirap ang trabaho niya. Sa darating na June ay pauwi na rin ako sa Pinas sa pagtatapos ng contract ko sa May 2012. Sa lahat ng pinagdaanan pala naming mag-asawa, sa lahat ng pagsubok ay preparation ni Lord sa mas magandang kinabukasan. May malaking biyaya pala na naghihintay para sa aming pamilya. Huwag tayong mawalan ng pag-asa, patuloy tayong tumawag sa Diyos sa oras ng pagsubok at humingi tayo ng kalakasan. God bless you all. – GMA News MC sa Saudi Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!